Saturday, January 31, 2009

Kailan Kita Matitikman?


Matagal na kitang pinagnanasahan. At aaminin ko sa iyo, hanggang ngayon, patuloy pa rin kitang pinagpapantasyahan!

Hindi ko alam kung ano ang meron ka, pero sabi ko nga, kahit isang beses lang. Pero ang isang beses na iyun, kung matutupad man, ituturing kong habangbuhay na karanasan.

Naitanong mo na rin kaya kung anong katangian meron ka?

Ang dami kasing naghahabol at hindi mabilang kung ilan ang nagtatangka na mapasa kanila ka. Naksnaman!

Nuong isang gabi nga lang pala napuyat ako, sumagi ka na naman kasi sa isip ko. Haaay, kaya ayun, naglaro na naman sa kukote ko kung paano ko isusulit ang sandaling kasama ka.

Wag kang mag-alala hindi kita gagahasain, pero iniisip ko kung paano kita roromansahin!

Naitanong ko sa simula, ipagmamalaki ko ba sa lahat ng kakilala at makakakita na kasama kita? Pero paano kung tayo na lang dalawa? Paanong diskarte kaya ang gagawin ko? Baka naman hindi mo ko patulugin!

Para kang bagyo, ganyan kalakas ang tama mo!

Pinalilikot mo nang husto ang imahinasyon ko!


Hindi ko nga alam kung ano ang meron sa magkatukayong JUN. Sila kasing dalawa pinagbigyan mo, hindi lang isa o dalawang beses. Nakasama ka nila sa maraming pagkakataon na. Pinagsawaan ka kaya nila? Pinagsabay mo ba sila?

Minsan na kitang pinagtangkaan, may inalay sa iyo pero hindi ko alam kung bakit hindi mo nagustuhaan. Pwede sigurong kulang sa panunuyo, kulang sa lambing o sadyang walang kalibug-libog.

Pero hindi ako susuko. Itago mo sa bato tamaan man ang kuko! Hindi man sa nalalapit na panahon pwede namang sa susunod na taon, basta hintayin mo lang ako. Pasasaan ba’t makakamtan din kita.

Konting hasa lang siguro ng sandata. O huwag mo akong tawanan, alam ko naman na minsan eh medyo mapurol at kinakalawang eh, minsan naman ayaw labasan. Wala kasing praktis kaya kahit sa damu kinikiskis.


Ayoko sanang magpa petiks-petiks kaya lang lagi akong tila hinihila ng panahon at parang hindi kita aabutan.

Tulad na lang ngayon, ilang araw na lang deadline mo na. Mukang di na naman ako makakasali ng Palanca Awards for Literature. Haaay kelan kaya kita matitikman?



naks ®

Thursday, January 29, 2009

Hula-Hula Takla

HABANG NAGKAKAPE SA MADALING ARAW, KASABAY SA PAGHITIT NG SIGARILYO, ISANG BAGAY ANG SUMAGI SA ISIP KO. HINDI NAMAN KALALIMAN PERO MAY KABASTUSAN KAYA HINDI KO NA LANG SASABIHIN SA INYO.

NAPAGTANTU KO NAMAN NA ISANG MAS MALALIM NA TILA GALING BALON NA TANUNG ANG SIYANG NAIS KO SANANG SAGUTIN NINYO; ANO NGA BA ANG PAGKAKAPAREHO NG MGA SUMUSUNOD...?

MICHELLE
ROSANNA
ANGELINA
SANDRA
MANDY
SPAGHETTI




FERNANDO
VINCENT
BEN
DANIEL
JUMBO HOTDOG



NASA KAUNA-UNAHANG COMMENT ANG KASAGUTAN. PAKILAGAY NA RIN SANA KUNG ANO AT KUNG TAMA BA ANG SAGOT NINYO…




®

Wednesday, January 28, 2009

Y OH Y?

Sa dinami dami ng buhok ko na tumutubo at tumatayo sa iba’t ibang bahagi ng aking katawan, meron sa…

pisngi
ilong
baba
patilya
kili-kili
binti
hita
at duon sa alam mo na…


Putangina, bakit unti-unting nauubos ang buhok ko sa ulo?

Hindi ko to lalagyan ng totoong litrato, pitpitin man ang b...y…g ko!


®

Saturday, January 24, 2009

My Apology



I deliberately deleted the picture that I’ve used in the post entitled “The End Na ‘To!” and replaced it with a caricature of an accident scene.

For a strange reason, some bloggers were not able to post their comments and just put their remarks in the shoutbox instead. I myself, for a few minutes can’t open the comment box and had a creepy feeling after I read some serious comments about the accident picture.

It was then that I decided to just delete the same considering the fact that I just got the picture from the internet. After having that thought, out of nowhere…I was able to open the said comment box.

Indeed, it was very insensitive of me to use the said picture whether I knew them personally or not. It’s very offensive, I’ve realized. I should have not used it in the first place.

My sincerest apology to whoever I owe one!




®

Friday, January 23, 2009

The End Na 'To!

Pasensya, wala akong maisulat. Ilang araw na din kasi akong may sakit. Nadaanan ko lang itong balitang ito na gusto ko sanang ibahagi sa inyo.



Patay ang isang babae at isang lalaki matapos banggain ng rumaragasang truck ang sinasakyan nilang taxi sa may panulukan ng Roxas Boulevard at Buendia pasado alas nuebe ng gabi

Base sa mga nakuhang ID, nakilala ang mga nasawi na sina Arjay Lamosa at Carmela Tanjutco. Ligtas naman, bagamat patuloy na inoobserbahan sa ospital ang tsuper ng naturang taxi.

Dead on the spot ang dalawang pasahero at halos di makilala ang babaeng biktima sa tindi ng aksidente.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na tinatahak ng taxi ang Roxas Boulevard sa direksyon patungo sa lungsod ng Pasay.

Pero pagdating daw panulukan ng Buendia, biglang sumulpot mula sa may bahagi ng World Trade Center ang rumaragasang ten wheeler truck hanggang tuluyang sumalpok sa tagiliran ng taxi.

Sa lakas ng pagkakabangga, wasak ang kanang bahagi ng taxi particular sa may pintuan. Inararo pa ng truck ang taxi dahilan para bumangga ito sa gutter sa gitna ng kalsada.

Agad namang tumakas ang tsuper ng truck na ngayoy patuloy na tinutugis ng mga otoridad.

Ilang munuto matapos ang aksidente ay dumating naman sa lugar ang mga kaanak ng mga biktima at napag-alamang dati palang magkababata ang namatay na biktimang sina Arjay at Carmela.




Hanggang dyan na lang, pabayaan na natin sila. Hindi na nasundan pa kung saan sila papunta at kung ano ang gagawin nila.

Pasensya na rin at kailangan nang tapusin ang character nila.

Tuesday, January 20, 2009

Nananabik...Nagbabalik


Mabigat ang kaniyang loob. Bagamat may dahilan para hindi siya umalis, may dahilan para siya lumisan. Masakit pero iyun ang sa tingin niya’y nararapat.

Ngayon at hindi na pwedeng ipagpabukas, baka wala ng ibang panahon..

Kalkulado ang kanilang bawat galaw, magkikita sila ng gabing iyun sa may Rajah Sulayman sa may Roxas Boulevard. Hindi yun ang unang beses nilang pagkikita pero tila ang mga sandaling iyun ang simula at katapusan ng lahat.

Bago sila magtagpo, ilang minuto pang naghintay si Arjay bago dumating si Carmela sa lugar. Ilang stick din ng sigarilyo ang nahitit niya marahil pampaalis kaba. Hindi siya mapakali.

Sa bawat usok na inilalabas ni Arjay, naaalala niya ang lumipas. Pero mas nagpapabigat sa loob niya ang mga nasayang na panahon. Nagagalit siya sa sarili. Pakiwari kasi niya ay kasalanan niya ang lahat. Siya ang lumayo dahil ‘yun ang tawag ng kaniyang propesyon.

Pero bakit nga ba hindi siya nakatayo nuong kailangang magdesisyun sa buhay niya? Pakiwari niya’y maaari naman siyang hindi umalis kung ginusto niya. Pero nakatango lang siya sa bawat utos sa kaniya na para bang wala siyang karapatang madesisyun.

Duwag ako, naduwag ako, sisi ni Arjay sa sarili.

Hindi na bumaba ng taxi si Carmela. Sa halip binitbit na ni Arjay ang kaniyang bag. Lumingap ng kaunti at agad na sumakay sa likuran ng taxi kung saan nanduon din si Carmela.

Agad niyakap ni Arjay si Carmela na parang batang nagsusumamo. Mahigpit ang kanilang mga yakap sa isat isa. Mahigpit na mahigpit.


Sa bawat halik na hinahabol ng kanilang mga labi, kasabay ang mga luha ni Carmela. Luhang matagal na itinago pero bumagsak mula sa kaniyang mga mata dahil sa kaligayahan.

Nangungusap ang mga halik ni Arjay at ang pagpunas ng kaniyang kamay sa mukha ni Carmela. Gusto niya pawiin ang ano mang dalamhati niyang dala.

Habang lumalayo ang kanilang sinasakyan, namumutawi sa kanilang mga labi ang mga halik na umaangkin sa katauhan ng isat-isa!

Tinangka pang magsalita ni Carmela pero hindi lumabas ang nais niyang sabihin. Pinigil ito ng kamay ni Arjay na wari’y sinasabing wala na siyang dapat sabihin. Kasunod nuo’y ang muling pagniniig ng kanilang mga labi, mas mapangusap, mas mapangahas at mas nananabik.


®

video

Inudyukan nyo kasi ako eh, o ayan na!

Talking about Mc Donald’s commercial again. Hiwalay na sila.

Saturday, January 17, 2009

Lagkit Ng Mga Tingin


Mga mata ko yan, pamatay ano?

May kasabihan nga tayo “the eyes are the windows of a person’s soul.” Kung tatagalugin ang mga mata daw ang bintana ng kaluluwa ng isang tao. English na lang, pangit palang pakinggan ano?

Hindi ko alam kung paano i-describe ang mata ko pero parang ang amo-amo na parang sobrang bait na parang nangungusap na hindi man kulay asul o brown eh parang nanaisin mo na magkaroon din ng matang katulad ng mata ko.

Yun bang matang hindi ka mananawang titigan at nakapikit ka na lang sa pagtulog eh mata ko pa rin ang nasa isip mo. Ang sabi nga eh mata pa lang ulam na!

Yan eh hindi ko pa alam kung paano ilarawan ang mata ko ha, paano pa kaya kung alam ko pa.

Teka lang, hindi yung mata ko ang malagkit ang mga titig ha. Panoorin mo yang video sa ibaba.

video
Ilang araw pa lang lumalabas ang commercial na yan. Singko tamang piso, pustahan tayo napangiti at napa – “naks naman” ka nung napanood mo yan. Di mo alam kung may naalala o may pumitik sa puso mo pero parang may kung anung kiliti diba?

Nandun na tayo. Maganda talaga yung ad, thumbs up nga eh.

Lalo na yung pagkakalapat ng musika ng Eraserheads, masang masa ang dating na kahit na fast food ang subject eh may recall kahit dun sa mga taong madalang namang kumain sa McDo.

Ito yung commercial na kahit na ang bida eh hindi yung mga lagi mong nakikita sa TV tulad nina Kris Aquino, Manny Pacquiao o kaya yung kambal nina Zoren at Carmina, eh patok na patok ang dating. Walang umay, ika nga.

Pihado din naman na nakuha mo yung istorya --- na ang lalaki at babae eh childhood sweethearts pero hindi sila nagkatuluyan. At sa muli nilang pagkikita, may pamilya na ang babae.

Gayunman, hindi man sinasadya, nandun pa rin yung kumbinsayon ng french fries na sinasawsaw sa sundae…na nagpaalala ng lahat.

Dun na nagsimula ang problema sa tingin ko. Nakita mo ba yung mga tingin nila sa isa’t isa? Ang lalagkit!

Ano na ang kasunod niyan? Magkukuhanan sila ng cellphone number. Itetext ng: “NAKAUWI N B U?” Iyun na ang simula ng panibagong komunikasyon na masusundan pa ulit ng text na “KITA NMAN TAU.”


At sa kanilang pagkikita, mararamdaman nila ang kuryenteng minsa’y nawala sa kanila…na nanduon pa rin pala.

Hanggang sa makarating sila sa alam mo na.

Ayaw man nila, may nagkasala na dahil sa malalagkit na tinginan nila. Sasabayan pa ng kantang “we have the right love at the wrong time” habang nakahiga. Patay tayo dyan!

Gago ko talaga. Ayaw ko sanang lagyan ng malisya, pero meron talaga eh!


®

Thursday, January 15, 2009

Sapatos Ang Gusto Ko!

Sa ngayon, pitong pares ng sapatos ang pinagpapalit-palitan kong isuot ‘pag pumapasok sa trabaho. Dahil hindi ko naman kailangang magpormal-pormalan, puro pamorma lang ang sapatos ko. Yun bang sinusuot ko depende sa kamiseta (ano daw?) at pantalon.

Hindi naman sa nangongolekta pero, iba ang tama sa akin ng sapatos.

Bago ang violent reaction, supalpalin na muna kita kung iniisip mong marami akong pambili. Malakas man ang tama sa akin ng sapatos, prinsipyo ko naman na hindi kailangang maupod ang bulsa para magkaroon ng higit sa isa. Nasa diskarte yan.


Nabili ko yan sa Japan noon pang December 2005. Dahil winter nuon, bargain at halos ipamigay na ang mga sapatos na wala sa panahon. Kaya kahit magkamukha, pinatos ko.

Dapat nga tatlo pa yan eh. Inisnab ko na lang yung kulay mocha kasi parang napaka redundant na ng arrive kung sa tatlong araw na magkakasunod eh magkakamukha ang sapatos ko bagamat iba iba ang kulay.


Pero siyempre, sa mga sapatos meron akong paborito. Hindi ko pa sigurado kung bakit, pero malamang may halo silang magic---Magic Foot Powder kaya na hindi nakakapag laway ang amoy ng paa ko kapag bagong hubad.

Wala mang dating sa mata ng iba, sa tingin ko naman, nasa nagdadadala yan!


Dahil nabanggit ko na rin naman na nasa diskarte lang din ang pagkakaroon ng karagdagang sapatos, yang dalawang yan eh hindi totoong VANZ kundi VANZ-VANZAN lang. Sa Monumento, 350 lang yan pero ang sabi ng iba, namahalan pa raw ako.

Walangya ano, mahal pa pala yun? Kaya ayan, dalawa na rin sila at kung mangangati-ngati yung paa ko at muling mapadpad sa bilihan eh malamang magkaroon pa sila ng pangatlong kapatid.

Naibulatlat ko lang yan kasi nung elementary ako hanggang sa makarating ako sa kolehiyo (sa loob ng labing apat na taon), mabibilang sa isang kamay kung ilang beses lang ako naibili ng sapatos. Dahil na rin yan sa hirap. (madrama yan kaya wag nang ituloy).

Kaya nung unang nagka-trabaho ako, sapatos ang una kong napag diskitahan hanggang magtuloy-tuloy na. Madali namang intindihin kung bakit di ba? Sabi ko nga, hindi ko ide-deprive yung mga paa.

Sa isang buwan pa ang birthday ko pero kung may magbigay man ng tsinelas eh will be highly appreciated naman. Lalo ngayon na pamorma na rin ang tsinelas at mas in pa nga yata eh.


Ang hindi ko lang maintindihan, may nagbigay o nakaiwan yata sa bahay ng tsinelas pero isang piraso lang. Ano naman ang gagawin ko sa isang pirasong HAVANAS? (oo hindi Havaianas!)

Yun yata ang mahiwagang tsinelas pero pasensya na… Hindi na po ako naglalaro ng tumbang preso!

May nag tip lang sa akin, may isang piraso din daw ng tsinelas na naiwan kina PARENG RJ, POGING ILOCANO at YANAH? Lupet ha, ang lalayo na nila napuntahan pa ng mahiwagang tsinelas!?

ITO PO AY NAG-UGAT SA TAG NI LORDCM HEHEHE



®

Tuesday, January 13, 2009

Tamang Porn Muna, Este Hulsam Pala

Yaman din lamang (akalain mo yun, may yaman pang sumabit?) at natuwa kayo sa litrato ng dalawang aso na nag-aanuhan, nagmamahalan (o kung ano pang pwede nyong itawag sa ginagawa nila) may isa pa kong litrato na ibabahagi sa inyo na sana eh magustuhan din ninyo.

Dahil sa dalawang aso, ang sabi ni Anak Ni Kulapo, pwede na raw akong gumawa ng Porn. As producer ba ala Robbie Tan nung panahon na ang mga pamagat ng pelikula eh Kangkong, Sisid at Pisil?

O bilang director ala Peque Gallaga nung box office hit ang Scorpion Nights? Nakow ano nga ba ang pinaka magandang eksena sa Scorpion Nights?

Pero teka, pwedeng pag-isipan yan ha. Baka diyan pala ko may kinabukasan.

Dahil wala akong maisip na isusulat sa mga oras na ito, ayan inihahandog ko sa inyo ang isa pang litrato na sinasabi ko:


Nakita ko sila sa pader sa harap sa may lababo namin isang gabi habang nagsisipilyo ako. Ipagpaumanhin na lang ninyo dahil gabi nila naisipang magniig kaya medyo may kalabuan.

Akalain mo, ang mga butiki pala, sa gabi rin nagtatalik? Yun nga lang gusto nila lights on. Napagtanto ko lang, paano nga naman mai-shu-shoot ang maliit na ano sa maliit na butas kung patay ang ilaw?

Sa totoo lang, gusto ko sanang mag-isip ng malalim na kwento tungkol sa kanila, yun bang may social relevance. Anak ng tokwa, naka ilang kape at yosi na ko, hindi ko maisip kung ano ang magiging halaga ng litratong yan sa ating lipunan.

Baka nga nailabas na ang itlog na bunga ng ginawa nila eh hindi pa ko nakakaisip ng makabuluhang kwento tungkol sa dalawa.

Ang mahirap naman, kung susundutan ko ng tatlong boteng beer, eh baka masyadong bumilis ang imahinasyon ko, lumagkit ang utak ko at kung saan makarating ang istorya.

Kaya mas mabuti sigurong tulungan nyo na lang akong gumawa ng kwento tungkol sa kanila. Yung wholesome ha!




®

Saturday, January 10, 2009

Buti Na Lang...

Maiksi lang ito!

Madalang akong mapasok ng simbahan. Ayoko ng mahabang debate pero hindi kasi ako relihiyosong tao. Hindi ko alam kung bakit.

Napapasok lang talaga ako kapag nag-aanak ako sa binyag kaya medyo hindi ako updated sa mga kwentong simbahan.

Pero sa dinalang-dalang ng pagpasok ko sa simbahan, naagaw pa yung atensyon ng naka paskel na papel. (litrato sa baba.)


Akalain mo yun? May ganyang panawagan, babala, anunsyo, paunawa o kung ano pa man ang tawag dyan. Tsk tsk task!

Para bang hindi mapigilan ang mga nagsisimba sa pag liligawan kaya kinailangan pang tawagan ang kanilang atensyon at ipamukha na nasa simbahan sila. Hindi ko tuloy maisip kung ano kaya ang ginagawa ng mga taong naging inspirasyon para maisip paglalagay niyan.

Sila kaya eh napaka sweet at halos langgamin habang nagse-sermon si father? Baka naman kasi habang ang lahat eh nakayuko at nagdadasal eh merong dalawang taong nagbibigayan ng bulaklak!

Nakow baka naman kasi merong kinilig na ibang tao habang nanonood ng eksena sila at nagkandaihi sa kilig. Kaya sa madalit salita, eh hindi naman talaga ang nagliligawan ang dahilan kundi yung taong hindi napigilan ang ihi.

Pero teka, buti kung hanggang bigayan lang ng bulaklak ang eksena. Paano kung lumagpas pa sa ganuon ang kanilang PDA? Siguro ang ilalagay na nila eh “SIMBAHAN PO ITO KAYA BAWAL MAG LAMBUTSINGAN.”

Hindi kalayuan, paglabas namin ng simbahan, nakita ko naman ang eksenang iyan (sa baba ulit)


Malikot talaga ang isip ko. Pagkatapos kong makakita ng mga salitang tungkol sa ligawan eh nakakita ako dalawang asong…nagkatagpo at nagmahalan(?)

Buti na lang at mga aso sila. Kahit saang lugar, pwede silang magligawan, iparamdam ang kanilang nararamdaman at gawin kung anu ang dapat gawin kung meron na silang mutual understanding.

Buti na lang nasa labas sila ng simbahan. Buti na lang din at mga aso sila.

Pero paano na lang kung mga tao sila?

Malamang ma-rephrase na naman ang naunang paunawa. Siguro ang kalalabasan na nun eh…

“PAUNAWA, MAG MOTEL NAMAN KAYO!”



®

Thursday, January 8, 2009

Maniniwala Ka Ba Akin?



Sila ang Alabang Boys. Wala na yatang sisikat pa sa kanila ngayon dito sa Pinas.

Para sa kapakanan ng mga kababayan kong makakabasa nito (parang may babasa hehe) na nasa labas ng ating mahal na bansang Pilipinas, ang Alabang Boys ay HINDI BOY BAND at HINDI RIN SILA SHOWBIZ HEARTROBS.

Lalong wala akong koneksyon sa kanila bagamat aaminin ko, hindi rin naman maikakailang tisoy din silang gaya ko.

Pero yung pagiging sikat nila, eh sa kanila na lang!

Nakakulong ngayon ang Alabang Boys dahil mga big time drug dealer umano silang tatlo. As in big time daw talaga.

Pero ang nagpasikat lalo sa kanila eh ang nabunyag na tangka umanong panunuhol ng pamilya ng tatlo sa mga opisyal ng Department of Justice para i-dismiss ang kaso laban sa kanila, at sa tauhan ng PDEA na siya namang umaresto sa kanila.

Umabot sa tumataginting at naghuhumindik (as in tayung tayo!) sa 50 million pesos umano ang halaga ng suhol sa kung sino man. Yun nga lang, may pumutak na isang opisyal ng PDEA at ngayo’y nagmimistulang bayani sa ilan at kontrabida naman sa iba.

May nagtanong sa akin sa isang inuman (as expected!) naniniwala daw ba akong may sinuhulan ang mga pamilya ng Alabang Boys?

Bago ko sagutin iyan eto muna…dyan-dya-raran…


Una sa lahat, naniniwala ako na ang body scrub eh nakakapagpapayat habang ang foot spa naman eh nakakapagpaliit ng paa. Tingin ko kasi, ang mga taong nagpapa-ganiyan eh hindi naghihilod at puno ng banil sa katawan. Kaya naman dahil sa body scrub at foot spa, nabakbak ang mga duming dulot ng katamaran nilang maghilod.

Dugyot ang nagpapa body scrub at foot spa!

May nagtanong naman sa akin kung may internet daw ba ako sa bahay. Dahil wala naman talaga, ang sinabi ko eh siyempre wala. Bakit daw? Eto ang litanya ko… “pangit pangit ng bahay namin eh,” Wala daw koneksyon!

Bakit naman mawawalan? Naniniwala kasi ako na kapag pangit ang bahay, walang karapatang magpakabit ng internet kahit kailangan ito sa trabaho o importante sa mga estudyante. Wala nang tanong. Period.


Naniniwala din ako na hindi nandaya si PGMA nuong 2004 election dahil kathang isip lang ang “Hello Garci scandal.” Walang Garci na nabubuhay ngayon at kung meron man noong nakaraang panahon, isa siyang Emperador, hindi iyung alak ha!

At si Jollibee? Naniniwala akong hindi lang siya basta mascot na minamahal ng mga bata. Kapag gabi, nagiging superhero ang bubuyog na tinatawag na Super J. Iyun ay para bantayan naman ang mga bata mula sa masasamang loob.


Kapag may libreng oras naman sumasama din siya kay Gagambino bilang ika limang miyembro ng Liga Insekta.

Ngayon kung sasabihin kong hindi ako naniniwalang nanuhol ang Alabang Boys dahil mga hampaslupa sila at walang pera ang kani-kanilang pamilya, maniniwala ka ba sa akin?


®

Tuesday, January 6, 2009

Gulo Mo, Para Kang....

Nauso’t nalaos ang VHS nang hindi na degrade ang kaniyang status symbol…na siya eh pang mayaman. Aminin mo man at sa hindi, nagkaroon man kayo o hindi, alam mo na may sinasabi sa buhay ang bahay na tinirhan ng VHS.


Nagsulputan ang mga arkilahan ng tape. Iba ang dating kapag bumaba ka ng tricycle tapos may dala kang plastic na may lamang tatlong VHS tape. Movie, marathon, para bang ibang level ka.

Sabi nila alin lang daw sa dati na silang mayaman o kaya naman eh may kapatid o magulang na nagtrabaho sa ibang bansa kaya nagkaroon ng VHS. Pamatay ang conclusion di ba? May deskriminasyon talaga.

Pero nung nauso ang VCD, wala nang status symbol.

Hindi na tatak mayaman ang pagkakaroon ng gamit para makapanood ng pelikula. Kahit maliit na bahay, can afford nila yan. ‘Yung mga nabibili ngang pelikula, kapag napanood na, pwede na ring ipang swap sa kapitbahay para everybody happy.


At ngayon nga, naglaho na sa sirkulasyon ang VCD dahil ipinanganak naman VCD. Meron pa ngang Sony ang tatak sa labas, pero pag ginamit mo, Sonya ang lalabas sa screen ng TV. Kung naging tao yun, dual personality pa.

Sa isang banda, ok na rin na naglipana na ang mga ganyang gamit kahit pa made in Iraq pa ang mga yan. Dahil nga naman pirated electronic gadgets, sa isang bahagi ng buhay eh nagkapantay-pantay ang lahat. Madalang na ngayong ang batang nakikipanood sa labas ng bintana ng mga mayayaman.

Tuwing gabi, kapag papasok ako sa trabaho, halos lahat ng nakakasabay ko sa sasakyan, may mga salpak naman ang tenga. Dahil nga naman iba-iba ang panlasa sa musika, at ini-imagine, mag kaniya kaniya na rin tayo ng pinakikinggan.

Minsan, nakasakay ako ng bus, may pumanhik na nagtitinda ng tubig at mani, nakamputcha at may salpak din ang mga tenga!

Gusto ko sanang sabihing “wow naka walkman!”


Pero sabi nga ng kasamahan ko “move on, wala nang walkman, Ipod na!” At ang dami din palang Ipod na fake kaya lahat eh pwede na ring magkaroon nun. Meron pang MP4 at mga design na wala pa naman ang original brand, Akalain mo yun?

Bukas makalawa nga raw, pwede nang free ang Ipod pag bumili ng isang sakong kornik!

Hindi na rin ito status symbol maliban na lang kung ipagduduldulan mong orig ang Ipod mo sa mga makikita mong nakatingin sa iyo.

Eh kung sagutin ka naman ng “so what naman for me,” edi napahiya ka lang!

Ano ba talaga ang direksyon ng pinagsasabi ko? Ang gulo ko, parang makapal na b-*#@/=

Simple lang…bakit ako walang Ipod? Gusto kong magkaroon ng Ipooooooooood!


®