Thursday, March 26, 2009

Anti-Poor!


Nakakatawa naman ang naging bunga ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng buto na naging bunga, na lamang ugat pala, na dinurog ang naging palaman kahit mukang jebs na giniling at pinalapot. Peanut butter ba!?

Yung daw kasing isa sa kilalang peanut butter eh mayroong salmonella, isang uri ng bacteria na posibleng magdala ng sakit.

Parang larong domino, sinasapol nito ngayon ang iba pang tindang tingi-tingi sa palengke. Siyempre una na diyan yung peanut butter mismo. Simpleng lohika lang daw, kung ang kilalang brand eh may bacteria, mas lalo na daw yung mga tingi-tingi na di alam kung saan ginawa.

Kaya naman babala ng matatalino, ipagbabawal daw ang pagtitinda ng mga tingi-tingi dahil nga banta daw sa kalusugan!

Naisip ko lang, ewan ko kung naisip mo rin o kasalukuyang sumasagi sa isip ng katabi mo pero…pinag-isipan kaya nila ang babalang iyun?

Kung ipatutupad kasi, saan na kaya pupulutin ang mga kapwa ko mahihirap at anak pawis?


Napagtanto kaya nilang wala sa kalingkingan ang bilang ng mga Pinoy na nagpupunta sa palengke at pinagkakasya ang kakarampot na pera kumpara sa mga pinagpalang namimili sa Cash and Carry o sa Puregold?

Sa dinami-dami ng bakteryang nabubuhay sa mundong ibabaw lalo na sa palengke, at sa di mabilang na pangangailangan nating nabibili naman na walang tatak, iisipin pa ba ng mga taong kumakalam ang sikmura ang bakterya?


Eto ang eksena: may isang bumibili ng kalahating long neck ng mantikang nanggagaling sa balde, may isang lumapit at nagmagaling at naglitanya…“alam nyo po ba na ipinagbabawal na ang tingi-tinging mantika dahil may kung anu-ano pong bacteria na natatagpuan diyan na posibleng magdulot sa inyo ng karamdaman?”

Wag kang umasa na sasagot ang mamimili ng “ah ganun ba, sige yung mamahaling Minola cooking oil na lang bibilin ko!” At sa halip baka nga banatan ka pa nila ng…“ano ang magagawa namin eh ito lang kasya, kung gusto nyo bigyan niyo kami ng pambili!”

Aba eh kung ipagbabawal ng magagaling ang tingi-tingi o de takal na peanute butter, ipagbawala na rin ang tokwa, suka, de blokeng yelo, bagoong, mantikilya at iba pa! Kasi nga, walang tatak at hindi alam kung saan ba sila ginawa.

Mas makakabuti na rin siguro na ipagbawal ang pagbili ng dirty ice cream dahil sa pangalan pa lang madumi na!

Ang mga bulig, tilapia, kangkong at iba pang nabubuhay sa tabang, aba teka at baka sa mga nakalubog na libingan nanggaling ang mga iyan!

Haaaay banta daw sa kalusugan!

Pataasan lang yan ng immune system!


®



Tuesday, March 24, 2009

Galing Day Off

Sobrang sakit talaga ng ulo ko...

walang tulog,

ilang araw nang walang pera,

wala tuloy gana magtrabaho,

pero wag naman sanang tuluyang mawalan ng trabaho!

Thursday, March 19, 2009

Sintomas

Hindi ko inakala na maaapektuhan ang Pinas ng global financial crisis. Sabi ko, ano ba naman ang yaman ng bayan kong mahal para tamaan ng pandaigdigang problema?

Lalo naman ang pamilya namin! Mas malaking tanong siguro na ano ba naman ang mapapala ng financial crisis sa mga anak pawis na tulad namin na wala namang pinansyal?

Hindi ko lang pala pinapansin, nandiyan lang sila sa tabi-tabi na kung mga ahas eh natuklaw na ‘ko. Hanggang sa hindi na sila nakatiis, nagparamdam na sa akin ang mga senyales na nagsisilbing sintomas sa sakit na noon ko pa pala nararamdaman.

Katatapos ko lang ng masaganang hapunan kasama ang isang pinggang kanin at ilang pirasong alimasag ng makaramdam ng uhaw. Pagsasalin ko sa baso, wala na palang tubig na malamig ang pitsel. Tunaw na din ang yelo.

Tumayo at pumunta ako sa ref para punan sana ang naubos na pamatid uhaw. Pero pagbukas ko ng ref, para akong kinausap nito.


“Kuya alam mo namang matagal na kong hindi sinasaksak, Kung nakalimutan mo na, noong isang buwan pa. Ni hindi na nga ako nilalagyan ng bote ng tubig kahit wala naman akong magagawa para palamigin iyun. Bumabaho lang daw kasi.

“Iyan lang ilang pirasong bote ng gamot ang nananatiling naninirahan dito. Para nga silang nakatira sa mansion kasi ang laki ng tinutuluyan nila gayung wala naman silang kasama. Synonymous ba ang ref sa medicine cabinet?

“Isa na lang po ba akong display? Kung nakakasikip na po ako dito, bahala na po kayo kung gusto ninyo akong dispatsahin,” parang sinabi ng kawawang ref sa akin.

Haaay ano pa ba magagawa ko? Edi ayun bagsak ako ng gri-pure water!

Matapos kumain at maghugas ng pinggan, kailangan kong mag sipilyo ng ngipin kahit na minsan eh kinakatamaran ko itong gawin. Sarap kasing namnamin ng lasa ng ulam sa yosi. Pero kailangan talaga, baka kasi may makausap akong mahalagang tao at tanungin ako kung saan nakakabili ng sea food flavored breath freshener.


Pagtingin ko sa toothpaste, hindi ko agad nalagyan ang aking toothbrush at sa halip ay tinitigan munang mabuti ang sachet na malapit na ring maubos ang laman.

“Salamat po sa pagtangkilik ninyo sa amin. IIlan na lang po kayng loyal customers na tumatangkilik sa tipid toothpaste na tulad namin!” dialogue niya yan na humagip sa utak ko!

Matapos ang lahat ng paghahanda bago ako pumasok sa trabaho, kukuha sana ako ng pamasahe sa wallet. Pero wala palang laman at sa halip ay nasa bulsa lang ng pantalon ang bebentehing natitira sa budget.


Mistulang naluluha naman ang litrato ko sa wallet na tila naging spokesperson ng wallet mismo. Sabi ng litrato;

“Gusto ko lang ipaalam sa iyo na ang wallet mo ay hindi isang pampa-kapal lang ng bulsa sa likod ng pantalon. Alam kong paborito mo ang three folds wallet, pero iparamdam mo naman dito na siya ay lalagyan ng pera.

“Pati ATM mo na lagi kong kaututang dila dito nagrereklamo din. Hindi daw siya daanan lang ng sweldo mo, pwede daw siyang iwan ng laman para meron kang savings!”

Haaay, hindi ko pala ramdam ang sintoman ng krisis…RAMDAM NA RAMDAM!


®

Tuesday, March 17, 2009

Chopsuey....

Napag-tripan kong bigyan ng medyo may kahirapang trabaho ang sarili ko…pipilitin kong pag tagpi tagpiin ang mga tag na hindi naman tag price. Kung paano? Bahala na!

Nitong Linggo at tulad ng marami pang Linggo na nagdaan, hindi natatapos ang maghapon ng hindi nasasayaran ng alak ang sikmura ko. Pampalipas oras lang dati pero ngayon may takdang oras na para uminom. Parang hindi na buo ang araw na iyun kapag hindi naiinom.

Sa simula, malumanay na usapan pero sa bandang huli, hindi nagkakasya sa walang sigawan kahit magkakaharap lang naman! Baka kung may makakarinig ngang ibang tao, aakalin na magkakaaway kami sa harapan eh.

Nagngangalit ang mga litid sa leeg habang nagdedebate., hindi bale sana kung makabuluhan ang pinag-uuspan. Hindi ko na matandaan kung paano napasok sa usapan pero ang tanong lang namang pinag-uusapan eh kung pwede daw bang sabihin “pumasok sa labasan”

Teka nga teka nga, bakit ba pinahihirapan ko ang sarili ko? Basta nag-trip lang at pinagnasahan ni Amor Powers ang legs ko. Dahil ang request niya eh yung tipong mapapangiti siya ng palihim kapag nakita niya yung legs ko…eto ang para sa iyo!


O baka matunaw tama na!

Si Punky naman, yung sulat kamay naman ang gustong ipabandera. Kakahiya naman pero maganda akong sumulat. Medyo may kinig na nga ngayon kaya medyo pumapangit na. Pero dati binibili ang sulat kamay ko! Peksman.

Siguro kung mapera lang kami nuong araw at natuloy ang pangarap kong kumuha ng fine arts nung college, malamang binili ng Microsoft ang penmanship ko para gawing isang regular font nila!

Wag ka nang kumontra at wag mong sabihin hindi naman ganun kaganda ang sulat ko. Sulat paa pa lang kasi yang tinititigan mo!

Pag isahin ko na lang papasahan kong gumawa nitong legs at penmanship tag…sige nga ikaw magkwento ka rin AZEL, LIZETH, DYLAN, DOTEP, GILLBOARD at DENCIOS? Kaya mo yan!

Teka teka ulit, huli man daw at magaling huli pa rin…pero isang AMEN PARA KAY YANAH!

Friday, March 13, 2009

Subok Lang

gaano man daw kabigat ang dinadala…
matutong pa ring ngumiti!
hindi daw natin alam
na baka ang iba pala
mas mabigat ang nasa balikat
pero nanatiling matatag!


“be positive” sabi nga

subukan nga nating tumawa!


ang sabi nina nicolle eala at chris tsuper…

ang taong mahilig sa wacky picture at magulong litrato ay…

hindi photogenic!

ang sabi naman ni mister fu…

ang lalaking gwapo, gentleman, matipuno, mabait at mayaman

isama na rin natin

ang babaeng maganda, sexy, maalalahanin, mapagbigay at malambing ay…

mga kathang isip lamang!


® ang jologs ng joke ko!

Tuesday, March 10, 2009

Sana Nakausap Ko Muna Si Francis M.

Nung Biyernes pa lang nang ibalitang namatay na si Francis Magalona, gusto ko nang magsulat tungkol sa kaniya. Hindi ko lang malaman kung paano sisimulan.

Hindi naman ako die hard fan ni Kiko. Pero bilib ako sa galling niyang niyang sumulat, talento at prinsipyo sa buhay.

Ang tanging encounter ko lang yata kay Francis eh nung ginamit ko ‘yung kanta niya niyang Kabataan Para Sa Kinabukasan (Ito ang Gusto Ko!) nung tumakbo ako bilang SK Chairman sa barangay namin. Inspiring kasi ang kanta.

Natalo nga lang ako nun. Teka, walang kinalaman si Francis sa naging resulta ng eleksyon ha. Talo lang talaga ako!

Pero sa pagkamatay niya, parang sumama ang loob ko na hindi ko maintindihan. Mabigat. (Parang ngayon habang sinusulat ko to)

Lahat naman darating sa dulo. Kahit pisi o lubid may dulo. Kahit ang isang makapal na makapal at hard bounded na libro, may huling page pa rin. Everything must come into its end, sabi nga natin.



Pero sana nakausap ko man lang si Francis, kahit sandali lang ba. Sana nagkaroon ng pagkakataon na nakasalubong ko siya sa Megamall, o kaya eh nakita ko siya habang kumukuha ng litrato sa Quiapo.

Kung nangyari yun, yayayain ko siyang magyosi. Kung hindi man siya nagyo-yosi, kahit soft drinks lang at kwek-kwek, basta nanduon lang ‘yung pagkakataong masabi ko sa kaniya kung ano yung gusto kong sabihin.

Gusto ko kasing iparating sa kaniya na huwag muna siyang bibigay. Be strong. Kung gaano katapang at katatag yung mga kanta niya, dapat ganun din siya sa labang kinakaharap niya. Na kahit may leukemia siya, nanduon yung paniniwalang mabubuhay pa siya ng matagal.

Singko tamang piso, pero kung nagkataon, walang dudang marami pa siyang magagawang kanta, marami pang rapper wannabes ang mabubuhay sa pangarap nilang maging isang Francis Magalona baling araw.

At dahil magkakaroon pa siya ng pagkakataong sumipat sa kaniyang camera, marami pang magagandang eksena ang makikita ng kaniyang snake eyes.

Gayunman, lahat naman yata ng gusto kong sabihin eh may ibang nagparating naman sa kaniya. Iyun nga lang, di natin talaga hawak ang panahon.

Pero sana hindi muna nangyari...

Bakit nga ba mabigat ang loob ko? Habang hindi kasi namin masyadong pinag-uusapan sa bahay ang nangyari kay Francis Magalona, may nagtanong sa pamilya namin…“ano ba talaga ‘yung sakit ko?”



®

Saturday, March 7, 2009

Totoo Na 'To: Tatagal Ka Ba?

Walang duda na ilang araw na lang at maghahabulan ang mga kabataan para magkaroon ng Summer Job. Sayang nga naman kasi ang dalawang buwang bakasyon. Sa halip na humilata at maghintay sa wala, gumawa ng paraan para magkaroon.

Ako nga na kumikita na ng konti na lang eh limpak limpak na, gusto pa ring magkaroon ng extrang trabaho. Moonlighting yata ang tawag dun. Baka nga lang magkaroon ng problema sa tax eh mabuting mamamayan pa naman ako!

Bagamat marami akong pera pambayad sa abogado para siyang mag-ayos na lang ng lahat ng pasikut-sikot sa BIR, ayoko pa ring magkaproblema sa buwis na binabayaran ko.

Naniwala ka naman! Walang taong naghahanap ng extrang trabaho kung makapal na ang bulsa!

Dahil nga sa kagustuhan kong magka dagdag kita, isang malupet na ad ang nakaagaw pansin sa mamahalin at mahirap pukawin kong atensyon. Ayan sa ibaba!


Panalo ano!? Mukang maganda at masarap maging raket. Yung tipo bang iniisip mo pa lang na kung sakaling matatanggap, pero hindi pa man, eh parang hinihipan at kinikiliti na ng pakpak ng manok ang “T” mo…tenga ba!

Dahil medyo may kabigatan din naman ng konti, pinagnilay-nilayan ko rin kung kakayanin o tatagal kaya ako sa ganitong trabaho? Parang opisina din kaya, walong oras sa isang araw? May OT kaya? Bago ang actual performance, may dress code kaya?

Dami kong tanong. Tama lang naman ang ganun kasi ang trabaho, parang giyera yan, kapag walang baril o sabihin na nating walang bala ang baril,aba eh wag nang sumugod. Malamang sa malamang, pagkakagastusan pa ng gobeyrno ang benepisyo mo kung sakaling mapuruhan ka!

Dapat sa umpisa pa lang alamin na ang kakayahan! Handa ba kong mag maintenance ng balot, Lipovitan o kaya eh Cobra?


Buti na lang, bago ako maghanap ng sagot at magpractice, nakita ko na may mga qualifications din naman pala. May panuntunan ding dapat sundin.

Tama rin naman, huwag basta tanggap lang ng tanggap!

Larong isip lang, paano kaya aalamin kung kanino mapupunta ang P50,000 na premyo? Patatagan? Padamihan ng maiipon? Ilang ano kaya bago magpalit ng ano? Paano kung mabutas, ulit uli mula sa umpisa? Paano kaya makakapandaya?

Singkwenta mil din yun eh!



®









Thursday, March 5, 2009

Tatagal Ka Ba?

Nakakatamad basahin ang post na ito. Sa porma pa lang eh, tingnan mo, wala man lang litrato na sa tingin ko eh pampaakit sana sa ano mang article. Hindi mo din ito makitaan ng indention na isa sa mga unang itinuturo sa pagsusulat ng pangangusap noong elementary pa lang. Dapat din sana, sa tuwing mapuputol ang mga diwa ng pangungusap o mga pangungusap ay pinaghihiwalay ito upang tawagin talata. Pero wala naman tayong makitang naghihiwalay sa mga diwa at sa halip ay nagmukha tuloy itong isang mahabang-mahabang talata. Kaya tuloy sa unang tingin pa lang eh parang napaka boring nang basahin. Hindi ka man lang malibugan ba sa porma pa lang ng pagkakapresinta. Bakit ka nga naman gaganahang basahin? Ito yung tipong sa halip na pagtuunan mo ng oras para basahin eh hindi na lang tapos mapapalitanya ka ng “magyoyosi na nga lang ako” o kaya eh “pakikinggan ko na lang ang mas mataas na version ng kantang Halik ng Aegis” kahit alam mo namang hindi ito magandang pakinggan. Kung baga sa pagkain naman, mistulang kumakain ka ng monay na walang palaman habang ang ka partner eh tubig na malamig na nakalagay sa plastic na baso, yun bang nilalagyan ng palamig na binebenta sa kanto. Pero baso lang ang katulad ha, take note, tubig na malamig lang ang laman. Langya tigang na tigang na sa flavor, maputlang maputla pa ang kulay. Ganun ang miryendang hindi mo na nanaisin pang muling ihain. Pwede mo ring ihambing ito sa chewing gum na walang flavor. Alam mo ba ang lasa nun? Isipin mo ang lang ang bazooka bubble gum, yung pink…pero hindi yung bagong bili ha, kundi yung mga isang oras nang nginangata. Gugustuhin mo pa bang nguyain ang ganuon katabang na bubble gum kahit ba sabihin nakabalot pa ito? Ano naman ang mapapala mo duon? Dahil alam mo namang walang lasa natural naman na hindi mo na lang pagta-tyagaang panga mo diba? Kung ito ay eksena sa pelikula, paano mo ito ilalarawan. Kung ako ang tatanungin, kahit ako pa ang nagsulat nito, para naman siyang isang eksena sa court room habang nagbabalitaktakan at nagpapataasan ng ihi sa padamihan ng alam na batas ang mga abogado. Hindi nga nila binabanggit ang katagang “it is written in the Constitution that” dahil nga mali daw iyun. Ang dating kasi nuon, isang papel lang talaga ang ating Saligang Batas. Sa halip ang ginagamit ng mga bida sa loob ng korte eh…it is provided for the in the Constitution that ek ek...Minsan ok ang debate sa korte ala The Firm, The Pelican Brief or The Rainmaker. Intellectually stimulating daw. Pero wag naman mula umpisa hanggang huli eh sa courtroom ang eksena. Kakaumay na yun parang itong binabasa mo. At dahil nababato ka nga sa pagbasa nito eh magko-comment ka lang ng general in nature, yun bang parang generic, walang mali para naman hindi halatang hindi mo binasa. Wala namang masama dun eh kasi ang tanong ko nga sa umpisa pa lang eh kung tatagal ka ba. Hula ko nga kaya inumpisahan mo ‘tong basahin akala mo bastos ano!? Na trap ba kita? Hehehe! O teka lang wag ka nang bumitiw, kapiraso na lang o tignan mo. Ngayon ka pa ba hihinto sa pagbasa? Isipin mo na lang na baka may importante at makabuluhan pala akong sasabihin sa huli na kailangang abangan. Kung baga, ito na ang climax kahit hindi naman ka climax-climax ang dating. Ni hindi nga nag wet di ba? Pero napansin mo ba na iba ang kulay ng font na ginamit ko? Unang beses ko lang ginawa yan sa isang buong post. Kunswelo de bobs na ‘yan kumbaga. Maliban dyan hmmmmm, wala ka na yatang mahihita sa binasa mo. Boring ano? Naksnaman natagalan mo!? Ibang klase ka rin ano? Tyaga mo tsong!



®

Tuesday, March 3, 2009

Huling Ipot

Nasaan ka man...
O kung ano man ang style mo, nagyoyosi man o hindi, tissue man o tabo...
Kapag lumalabas na sila...Ano ang iniisip mo?