Thursday, November 26, 2009

Estudyante?

Lahat siguro tayo merong mga klasik ekspiryens sa jeep ano? Maliban na lang kung ikaw ay ipinanganak ng may gintong karsulsilyo, I mean silver spoon in the mouth. You know!

Mga karanasang simple at nangyayari araw araw pero huwag ka, dahil nangyari sa jeep, tatak Pinoy ang mga iyan.

Teka huwag na nating isama sa kwentuhan yung mga biglaang holdapan at yung mga nanghahablot ng mga cellphone ha!?

Eto yung mga natandaan ko nitong lang huling sakay ko. Nasa kalagitnaan ako kaya naman ke nasa likod o unahan ang pangyayari, hindi nakaligtas sa mata’t tenga ko.



UNANG EKSENA

BABAE SA MAY LIKURAN: Ma bayad po isang crossing. (abot sa akin ng bente pesos na inabot ko naman sa driver)
DRIVER: Saan to?
BABAE: Crossing po isa lang?
DRIVER: Ilan tong bente?
BABAE: Isa nga po!

Taena muntikan na kong malaglag sa kinauupuan ko. Makipagsabayan ba naman sila sa malakas na kalasing ng sound system ng jeep sa saliw ng musikang “Kasalanan” na collaboration ng 6 Cycle Mind at ni Gloc 9, ewan ko lang kung magkaintindihan sila.

IKALAWANG EKSENA

May nagpa-abot sa akin na sampung piso na iaaabot ko naman sana sa driver. Kaso may isang matanda na nagmagandang loob na abutin sa akin ang pera at siya na ang nagbigay sa driver. Ayos na sana di ba? Eto na…

DRIVER: Kanino po itong sampo? (Dahil ang matanda ang nag-abot ng barya, siya ang nilingon ng driver)
MATANDA: aba hindi akin iyan, kanino daw iyun?
DRIVER: Saan po ito bababa?
MATANDA: Aba eh hindi ko alam!

Moral of the story, huwag mag-aabot ng bayad sa matanda baka kasi akala nila sa mga susunod na tanong ng driver eh inaakusahan na siya ng kung ano. Buti na lang at hindi nagtanong ang driver ng kung sino ang pumatay kay Lapu-Lapu!

IKATLONG EKSENA

Eto na ang malupit kasi ako na ang sangkot dito!

AKO: Bayad po diretso crossing, isa lang. (Dahil nasa gitna lang ako ng jeep hindi ako nakipagpatintero ng tanong at sagot sa kaniya ng kung ilan at saan bababa)

Dahil may sukli pa ko, nakatingin lang ako sa harap hanggang sa nakita ko na lang yung driver na tumingin sa akin yung driver dun sa salamin sa may taas ng windshield, sabay tanong …

DRIVER: Estudyante ba?

O ha! Laban ka? Umiling na lang ako. Hindi na ko nagsalita pero alam kong nangingiti ako ng palihim. Estudyante, etchusero din yung driver na nasakyan ko, ano!?


naks®

Sunday, November 22, 2009

Libog Lang 'Yan

Minsan may mga naririnig tayo sa kanta, nababasa pocketbooks, minsan kahit dito mismo sa mga blogs, o kaya eh mga nasasambulat na pamatay na litanya.

Yun bang tila hindi masyadong pinag-isipan, pero nararamdaman!

Yun bang makalaglag pustiso, luha at laway na dialogue na hindi mo alam kung mababaw ba o malalim ang ibig sabihin.

Yung kapag binitawan sa totoong bu
hay…full of emotions na hindi mo naman alam kung exclamation point ba o tutuldok (tatlong tuldok) ang nasa dulo kung ita-transcribe.

Mga klasikong halimbawa…

its killing me
the are matters that should be left behind
i am over you
move on
i’m letting you go
i will soon forget you

Namnamin mo…isa pa, yung may mas malalim na pagninilay nilay...yung may pinaghuhugutan ng emosyon. Nanuot na ba sa ugat mo yung feelings?

Sagutin mo ko, hindi kaya ang ibig sabihin lang ng mga iyan eh “LIBOG KA LANG?”

NAKANTUTCHANAMANMULONG ANONGPAUTOTNAMANYAN?


naks®

Wednesday, November 18, 2009

Praning

Mga adik lang daw ang napa-praning. Ewan ko lang!

Malamang epekto ng natira kong katol at kaya tuyong dahon ng papaya noong bata-bata pa ko, nagiging malikot ang pag-iisip ko tuwing ala una ng madaling araw.

Ayaw ko namang isiping sadyang malikhain lang ang imahinasyon ko kasi halos pare-pareho lang naman ang eksenang namumuo. Mahirap sa pakiramdam kapag inatake ka ng ka-praningan, peksman!

Yung overpass sa Cubao ang dahilan ng lahat. Yun bang nasa tapat ng Baliwag transit, alam mo ba yun?

Kita mo, hindi ko nga makuhanan ng litrato kasi, parang may hahablot ng cellphone ko kapag sinubukan kong kodakan.


Kasi ba naman eh, tumatawid ako duon limang beses sa isang linggo…tuwing ala una ng madaling araw. At kung mamalas-malasin pa, minsan alas dos na!

Pag-akyat mo dun, makikita mo na medyo may kadiliman kahit nasa lungsod ka ng liwanag. May kung ano na parang makakaisip ka ng isang eksena. Pero hindi yung mga rated R, kundi yung mga gory, crime scene in other words.

Bagamat may kadiliman, aninag pa rin yung mga taong nakahiga. Hindi lang isang tao yun, kumpol kumpol sila.

Kahit sabihing madaling araw na, malay ko ba kung tulog nga sila. Pwede namang nagtutulog-tulugan eh.

Sabihin na nating hindi ko man lang sila binigyan ng benefit of the doubt, bigyang diin ko lang na nasa Cubao itong sinasabi ko. Walang benefit benefit of the doubt muna.

Hanggang hindi ako nakakatawid, pakiramdam ko hindi ligtas ang buhay. Para bang pagtapat ko sa kanila, may tatayo sa magkabilang gilid, may haharang sa harap at pag-akbay eh kasabay na yung pagtutok ng balisong o ice pick sa leeg ko.

Sa hirap ng buhay, malamang sa hindi ko naman ibigay agad yung wallet ko at sa halip eh manlalaban ako. Kaso tutuluyan nila ako hanggang sa magka-gripo na ko sa tagiliran.

Kaya minsan, humahanap ako ng timing. Maghihintay ako ng makakasabay. Kaso nung naglalakad na kami, naisip ko naman na paano kung yung sinabayan ko pala ang holdaper? Yari ka!

Langya naman, bilis ng oras alas diyes na pala, maya maya ala una na. Nakaka-praning.


naks®

Friday, November 13, 2009

Tara, Laro Tayo!

Maliban sa "Hoy Inday, kainin mong itlog ko!" na famous dialogue ni Aiza Seguerra sa "Super Inday and the Golden Bibe," nauso pa ang itlog sa iba pang pamatay na mga linya.

Laro iyun ng mga anak pawis at ng mga ayaw mapagod.

Laro ng mga anak pawis kasi kung may game and watch sila o kaya e tetris, hindi sila mag-iitlugan at sa halip eh magsusulok kapag recess habang kumakain ng cupcake partner ng magnolia chockolait.

Obvious naman sa mga ayaw mapagod kasi hindi ito tulad ng painan o kaya eh patintero. Kapirasong utak lang din ang kailangan.


Ang mechanics, papalitan lang ng salitang itlog ang key word sa pamagat ng isang pelikula o kaya naman eh kanta.

Halimbawa…Narito Ang Itlog Ko na nanggaling sa Narito Ang Puso Ko.



Kung gagawa tayo ng adaptation nito sa mga (korning) palabas sa TV ngayon, click pa rin kaya? Nakakatuwa pa rin kaya o nakakanis na?

"DAHIL MAY ISANG ITLOG" bida sina Kristine Hermosa at Jericho Rosales.

O kaya naman eh "ITLOG SANA" na pinangungunahan nina Jenelyn Mercado at Mark Herras. Wa epek na yata.

Di ko tuloy ma imagine na natatawa kami sa ganitong katarantaduhan noon. Malamang sa malamang, katatapos lang ng bayaran sa PTA, wala akong baon, kaya mas pinili kong makipag-utuan ng ganito kesa makipagsapalaran sa palabunutan sa labas ng eskwelahan para manalo ng sisiw.

Sa pagkalibang ko naman sa pakikinig ng Wild Confessions sa Love Radio tuwing madaling araw (na pinakikinggan din ni Yanah), maliban sa mga kwentuhang kabastusan tulad ng pagkekembelar, eskabetche, push da button at iba pa, pwede palang magpa-uso si Papa Jack (DJ).


Katulad din ito ng larong itlog, pero mas mature. At malamang, mas nakaka-challenge mag-isip ng nakakakiliting pambato. Yung verb sa kanta ang aalisin at papalitan ito ng TOOT-TOOT! (Just provide the appropriate prefix, naks!)


Halimbawa…."BASTAT KA-TOOT-TOOT KITA" O anong kanta yan ni Dingdong A?

Eto Eheads revival, “TUWING UMUULAN AT KA-TOOT-TOOT KA!”

Nakiliti, I mean, natawa ka ba? Owwwss peksman? Sige nga isip ka ng bet mo dali!

Teka lang, hulsam ang larong ito ha!


naks®

Wednesday, November 11, 2009

Tikman Mo Kung Gusto Mo

May bagong alaga na naman si Eros Atalia. Hindi ko alam kung alaga nga ba ang turing niya kapag libro na ang mga kwentong nagmumula sa malikot niyang kamunduhan. I mean pag-iisip.

Sabihin na nating title pa lang ulam na, “Ligo na u, Lapit na me.”

Pag tinignan mo din ang pabalat, mangingiti ka kahit wala namang kumukiliti. Hindi ko nga alam kung saan niya nakilala yung lalakingmay pamatay ang ngipin at ngiti kasi dalawang beses na siyang nasa cover ng libro ni Eros.

Iyun nga lang, pag maganda ang taytol, samahan mo pa ng maka-agaw pansing kah-ver, mas mataas ang expectations. Sabi nga, pag binulatlat na, dapat may sustaining power, hindi hanggang labas lang.

Hindi ko pa natatapos basahin ang libro pero sa mga nadaanan na ng mata eh mukang swak naman sa panlasa (as if my opinion whether it is good or not matters hehehe, nag feeling critic na naman ako.)


Basta ang sabi, medyo lumabas daw ang romantic side ni Karl Vlademir Lennon J. Villalobos alyas Intoy na siyang bida rin sa “Peksman, mamatay ka man, nagsisinungaling ako.

Sa madaling salita, nalibugan na si Intoy sa katauhan ni Jen.

Kung ano man ang mga kaganapan sa likod ng salitang “nalibugan” eh kayo na ng dumiskubre. Meaning bumili ka kung gusto mo.

Bilang patikim (patikim lang ito ha) tinalakay (as in malalim at marubdob) sa libro kung “kailan ang ideal date para mag suicide.” Ayos ano?

Malalaman mong hindi magandang magpatiwakal kapag buwan ng May kasi nga naman madaming pyestahan. Huwag rin daw February dahil buwan ng mga puso (at kiskisan ng mga nguso.) Korny daw ang dating mag-suicide kapag ganitong buwan.

Sa Ligo na u, muling ipinamalas ni Eros kung bakit siya si Eros Atalia ngayon. May sinasabi pero di mo kailangang mag-isip ng malalim. (Kaya nga ba hindi ako nagbabasa ng Harry Potter eh, alam ko ang kalibre ng utak ko nyahaha)

Sana lang makarating itong mensahe ko sa kaniya. Baka sakaling alam ninyo kung paano niya matitikman ang karakas ko, eh tulungan niyo na lang ako.

Eros Atalia, may bago ka mang alaga, MAS MAGALING PA RIN AKO SA IYO!


naks®



Saturday, November 7, 2009

SORI, I Misd Ur Berdey

Mea Culpa!

Sabi nga ni Elton John, sorry seems to be the hardest word. Pero wala na kong magagawa, I am sorry. Ipagpatawad mo!

Di ko alam kung sapat na ang salitang ‘yun pero parang pakiramdam ko hindi pa rin.


Makalimutan ko ba naman ang first birthday mo eh. Baka kung nakakapagsalita ka na ngayon, pagmumura ang una mong masasabi.

Hindi lang yun, baka ipagduldulan mo pa sa mukha ko kung ano ang naging pagkukulang ko. Unang birthday, at sa unang isang taon mo sa magulong mundong ito eh hindi kita naalala.

Samantalang ako ang gumawa sa iyo!

Para bang lahat na lang ng pabor hiningi ko sa iyo. Pag may problema, sa iyo ko isinasangguni. Kung meron naman akong gustong pagtawanan, kanino ko ba inilalahad? Sa iyo din.

Hindi lang iyun, dahil minsan inunahan na nga kita eh. Ako na mismo ang nagsabi na ang dami kong angst sa buhay. Kasi naman parang ang dami kong frustrations diba? Oh ayan na naman ako.

Yung mga pangarap ko? Yung mga bagay na gusto kong makamit? Yung mga lugar na gusto kong mapuntahan? Lahat ng iyun, ikaw ang nakakaalam.

Nagkulang man ako, alam mo naman na kasama ka sa lahat ng iyun.

Huli man daw at magaling, huli pa rin. Pero mabuti nang huli kesa tuluyang makalimot. (baka isumpa mo na ako pag naging ganuon ang sitwasyon.)

Hayaan mong ipaabot ko sa iyo ang pagbati ko ng maligayang unang kaarawan. Sana mag mature tayo pareho at sana eh matagal pa kitang makasama.

Mga katoto, isang taon na pala ang naks naman nitong September.


naks®

Thursday, November 5, 2009

Isa Munang Patalastas

Eto na, ilang araw na lang at nakatakda na namang makipag-basagan ng mukha ang ating pampabnsang kamao – si Pacman.

Sabi nga ng mga OA (ooooops sige na nga exaggerated na lang!) nating mga pulis at kung sinu-sino pang sumasakay kapag may laban si Pacman, humihinto daw ng ikot ng mundo para sa mga Pinoy.

Ang kinakaba ko lang baka dahil sa sinasabing paghinto ng ikot ng mundo, sabay sabay matigok ang mga umeepal na mga ito.


Pero bago mangyari iyan, isa munang patalastas. Tutal din lang at pihadong puputaktihin ng commercial ang nalalapit na laban, eh makikisawsaw na rin ako.

Una, ibibilang na daw ba sa official campaign ad ng kakandidato sa 2010 elections ang mga political ad na lalabas sa a-15? Walang duda kasing kasing magsasalitan ang mga mukha ng mga pulitiko tuwing pagkatapos ng round eh. Magpapagalingan at magpapabaitan silang isa-isa na parang sila ang sasagip sa bansang Pilipinas.

Sabi ng iba, oo daw kasi simula na ‘yun ng filing ng certificate of candidacy. Pero banat ng ibang kampo, hindi pa kasi parehong political ad naman daw iyun na nakikita na natin sa araw-araw.

Ibig sabihin wala pang “For President” o kaya eh “For Senator” sa commercial mismo. Laki ng pagkakaiba ano?

Teka muna, hindi iyan ang patalastas ko. Wala naman akong mahihita sa kanila.

Ito naman sapantaha ko lang ha. At huwag ninyong ikagagalit. Sa tingin ko kasi matatalo sa laban si Pacman.

Kahit ilang ikot pa ulit ang gawin niya sa oval ng Luneta at akyatin man niya ang statue of Liberty, mukang kakapusin siya sa kalaban. At oo kahit maligo pa siya ng paulit ulit, wala pa ring epekto.

Kasi naman, panlaban lang sa balakubak ang Head and Shoulder? Eh Cotto kaya ang makakaharap niya eh, paano yan?

Tawa muna dyan…wag kang KJ!


naks®