Friday, April 9, 2010

Di Ka Ba Nasusuka?

Nauumay na ko sa panunuod ng TV…peksman umay na umay na!

Kasi ba naman, maya’t maya na lang patalastas ng mga pulitiko ang makikita na akala mo mga anak ng Diyos. Ang babait at lahat nangangako ng paraiso para sa lugmok na Pilipino.

Pagdating naman sa oras na balita ang pwedeng mapanood, sila’t sila pa rin ang makikita. Iyun nga lang pawang mga tinutubuan na sila ng sungay. Nagpapahabaan pa kamo!

Makikita mo sila, kaniya kaniyang birada at hukayan ng baho. Hanggang hindi nakakalaykay ang kalansay ng mga kalaban hala sige bira. Kahit saan man sila mapunta para sana mangampanya puro ganuon lang ang ginagawa nila.

Para bang nagbabatuhan sila ng mga tae. Kung hindi magaling umilag ang kandidato mo, malamang masapol ng ebak sa mukha habang nagtatalumpati.

Iyun nga lang minsan ang ibang kandidato, hindi napapansin na sa paghagis nila ng tae, paitaas pala ang direksyon at nang tumingala, sapul sa bunganga! Yaaaak kumain ng ebak!



Pati mga artista, kauumayan mo na rin. Bakit kamo? Hindi ko kasi maintindihan kung bakit madami ang natutuwa sa Mela-Son. Lintek na mga iyan.

Kung nahihingi lang ang TV, malamang maraming TV na ang nasira ko at malamang marami na rin ang nahingi ko. Kasi nga gusto kong ibato yung TV tuwing nakikita ko sila eh.


Isa na lang talaga ang kinakatuwaan kong panuorin. Nakikita ko kasi ang kinabukasan ng boxing sa kaniya…si Ippo Makunouchi. Siya ang numero unong mandirigma ng bansang Japan pagdating sa bakbakan sa ring.

Ngayon ngang sunud-sunod ang pagkakapanalo si Manny Pacquiao, sa tingin ko si Ippo lang ang makakapagpataob sa kaniya. Iyun nga lang hanggang sa ngayon ay amateur boxer pa rin si Ippo.

Pero pasasaan bat magkakaharap din sila. At sa sandaling tumuntong na sa professional boxing ring si Ippo…Pacman humanda ka!


Alam ko natatawa kasi cartoon character lang si Ippo. Walang problema yun, gawing nating cartoon si Pacman…ayan oh pwede naman di ba?


naks®

Thursday, March 18, 2010

Eksena at Musikang Karaoke

Nagaganap ang eksena sa isang mumurahing videoke bar. Yun bang ilaw eh hindi mo malaman kung madilim na maituturing o maliwanag kasi kulay dilaw. Halos makita ka rin sa labas dahil may bahagi ng lugar na kung hindi sawali, pinagtabi-tabing buho.

Kaya ang siste, umaalingawngaw sa paligid ang bumibirit na mga manginginom kasabay sa liwanag ng buwan.

Dumating ang mga lalaking parang nabigyan ng rest day mula sa maghahapong pagta-trabaho. Sinusulit ang oras sa ngalan ng ilang boteng beer.

Bagamat pihadong naka ilang bilog o kwatro kantos na sila bago pumunta sa lugar, nais lang nilang tapusin ang paghaharap sa pamamagitan ng ilang kanta.

Kung titignan mo sila pwera sa serbesa at mikropono, baka mapagkamalan mo pa silang mga katipunerong sa ilang sandali lang eh maghihiwa sa pulso para pag-isahin ang kanilang dugo…oo blood compact!


At nagsimula na ngang tumapang at dumaloy sa kanilang mga dugo ang nainom. Skyline Pigeon ano pa ba? Kahit hindi tama ang lyrics basta katunog at lasing na, justifiable naman mabalahura ang classic ni Elton John paminsan minsan.

Nagsimula na ring umaali-aligid ang ilang babae na pwedeng makiupo at makiinom kung tatawagin. Mga hindi kagandahan pero pwede na para sa kalidad ng lugar.

Papayag ba naman ang kainuman ni Elton John na hindi magpasikat? Pero tila mas magiliw at masayahin ito kung nakainom...bumanat ng Touch By Touch.

Akalain mo, isang manginginom na nagre-relax ng bigat ng katawan eh kumakanta ng Touch By Touch? Wala namang masama kung tutuusin, matatawa ka nga lang makita siya habang sinasabayan pa ng sayaw matanda na yung mga braso at katawan lang ang gumagalaw.

Palibhasay nagpapatipo, kinuha ng isang babae ang mikropono sabay ehem. ‘Yun ang isa sa hindi ko maintindihan, bakit kailangang itapat ang mike kapag eehem? Pasakalye lang siguro sa magandang boses.

Siya pala ang Jessa Zaragoza ng videoke bar na ‘yun. Iba ang pagmo-modulate ng boses, hagod Jessa talaga pati galaw ng kamay. “Bakit ka pa nakita? Bakit pa nakilala…?” palakpakan naman ang mga kupal.

Eto na. May dumating na isa pang grupo na mas lasing sa mga naunang manganganta. Nung nagsimula silang kumanta ayaw nang pawalan ang mike na tila kinakainis naman ng ibang umiinom.

Buti na lang at hindi na umabot sa puntong may kumanta ng My Way at baka magkapatayan…bumaba na ko ng sasakyan.
Oo nasa pampasahero akong van pauwi ng Bulacan.

Lakas maka bad trip ng kasakay ko. Pinagtugtog ng malakas ang MP3 ng cellphone niya tapos walang headset. At oo ulit, mga ganuong klase ng mga kanta ang naririnig namin ala una ng madaling araw. Kainis!


naks®

Wednesday, March 10, 2010

San Na Si San?

Nakilala ko si San bilang isang batang palaboy. Bagamat madalas ay madungis, nakakatuwang bata si San.

Sa murang edad, may katangian si San na aalamin mo kung bakit siya pulubi. Hindi mo kasi siya makikitaan na tila ba nalulungkot o nasisiraan ng loob sa klase ng buhay meron siya.

Inalam ko kung anung buhay nga ba meron sa likod ng batang palaboy?

Hinanap din pala niya ang kaniyang mga magulang. Nagtagumay naman siya at nabago ang kaniyang buhay.

Nakita niya ang kaniyang ama at kapatid. Mayaman pala ang pamilyang kaniyang pinagmulan. Kung baga, panibagong mundo ang ginalawan niya nang makita niya ang kaniyang pamilya.

Pero talaga sigurong may kakambal na trahedya sa kaniyang buhay. Nasunugan sila at kasamang tinupok ng apoy ang kaniyang ama at kapatid.

Sa isang iglap, nabagong muli ang kaniyang buhay at bumalik sa pagiging palaboy. At mas masaklap…ulilang palaboy.

Kung saan saan na lang siya natutulog. Minsan, kung saan na lang abutin ng gabi.

Hindi lang pala ako ang natuwa kay San. Kung sinu-sino pala ang umampon sa kaniya. Hindi siya itinuring na iba.

Bagamat mahirap na pamilya lang din ang kumukupkop sa kaniya, binihisan, pinaliguan at pinakain si San ng mga taong naging pamilya na din niya.

Ang huling alam ko, nakulong si San matapos mapagbintangang magnanakaw.

Sabi ng ilang napagtanungan ko, may isang lalaki daw na naghahanap sa bata pero hindi lang talaga sila nag-aabot sa isang pagkakataon.

Ang hula ko nga, mayaman si San at baka may naiwang mana ang kaniyang ama para sa kaniya.

Sa kamasaang palad…ilang araw ko na ring hindi nakikita si San sa hindi ko malamang dahilan.

Bigla na lang kasing pinutol sa ere ng TV5 ang pagpapalabas ng "The Wanderings of San Mao" kahit wala pang tuldok ang kwento ng buhay niya.

Kaya panawagan sa pamunuan ng TV5, sana tapusin niyo muna yung kwento ng buhay niya, sige na!


naks®

Wednesday, March 3, 2010

Ano Sa Palagay Mo?


Nagkaka Last Song Syndrome ka na ba dahil sa kantang Bad Romance ni Lady Gaga? Ako oo!

Kasi naman eh, parang maya’t maya pinapatugtog sa mga istasyon ng radyo. Ke pang jologs na istasyon o pang class A-B, maririnig mo yung ra-ra-rara-rara.

Subukan mo kay Papa Jack o kay Mister Fu, minsan sasabayan pa nila at pati ang mga ingleserong sina Delamar at Chico Garcia ha, fan din ni Lady Gaga.

Sa isang banda, iba kasi ang dating ng kanta na yun sa lahat ng kanta ni Lady Gaga. Ito yung tipong pag pinatugtog sa bar o kaya intro pa lang ang binabagsak ng isang banda, magkakagulo na yung mga tao!

Pihadong tayuan lahat, unahan sa dance floor tapos sayaw na parang mga istatwang nabuhay.


Pero teka, totoo bang IDOL NI LADY GAGA SI POKWANG?


naks®

Wednesday, February 24, 2010

Gusto Mo Bang Yumaman?

Hindi pa naman ako sumusuko pero hindi na ang pagtaya sa Lotto ang nakikita kong number 1 na paraan para yumaman. Sa isang banda, tumataya pa rin naman kasi ako sa lotto kapag naisipan ko.

Iyun nga lang, maliban sa lotto, naghanap ako ng iba pang paraan…sabihin na nating hindi na kailangang tumaya. Matalas na pagtingin sa paligid lang ang puhunan.

Pakiramdam ko kasi, kukubain na ‘ko sa pagta-trabaho eh hindi pa ko yayaman o makapagpapatayo man lang ng sariling bahay.

Eto ang unang paraan…alam mo ba yung butanding? Whale shark ang English ditto. Madalas daw itong makikita sa Sorsogon. Mabait nga daw ang butanding at pwede ngang hipuin kapag nakasabay mo sa ilalim ng dagat.


Iyun nga lang, hindi daw lahat ng tao mabait sa kanila.

Kaya ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources magbibigay daw ng P100 thousand sa sino mang magbibigay ng impormasyon tungkol sa kumakatay ng butanding.

Aba P100 din yun! Isipin mo kung maka 10 kang tip sa BFAR edi may isang milyon ka na.

Kung madalas ka namang mapunta sa matataong lugar, talasan ang mata at subukang hanapin ang lalaking nasa larawan.

Bakit nga ba hindi eh limang milyon piso ang patong sa ulo niya. Hindi ko alam kung anong kaso ang kinasasangkutan niya pero pihadong hindi pipitsugin. Ikaw ba naman ang patungan ng limang milyon di ba?

Halos araw-araw kong nakikita sa bahagi ng NLEX ang wanted poster na iyan ni Bong Panlilio. Pagbaba ko naman sa Malolos, siyempre todo lingap ako malay mo makasalubong ko siya.

Eto ang pinaka-malaking pera kung saka-sakali. Hantingin natin ang mga Abu Sayyaf na sangkot sa Sipadan Hostages.

Kahit ba iilan na lang sila dahil napatay na raw ang iba, worth it pa ring hagilapin sila. Aba eh US dollars yata ang nakataya kapag Abu Sayyaf at Sipadan Hostages ang pinag-uusapan.

Tumataginting na $5 million ang reward sa mga lider nila. Abe eh kung magkataon na may makita ko kahit isa lang sa kanila, pwede na siguro akong magpahinga sa kakaisip kung paano yumaman.

Ah alam ko na, pagod lang siguro kaya kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ko at pati paghahanap ng mga kriminal eh napag tripan ko.

Kakapagod din kasi yung sobra sa kayod pero di makatikim ng ginhawa.


naks®

Friday, February 19, 2010

Paniniwala

Minsan lang nakakausap ng matino ang barkada kong si Agis. Pero magkaganun man, may prinsipyo naman siyang pinaniniwalaan. Sabi niya...

"Di bale ng tamad...
hindi naman pagod!"


Oo nga naman.

naks®