Babala, mabaho ang amoy ng usok na iniiwan ng mga paputok, nagiging sanhi ito ng pag atake ng asthma. Kung mahina-hina ang baga mo, bago mag ahtinggabi, hingal kabayo ka na!
Mas matinding babala, mas mabaho ang putok…na galing sa kili-kili! Kaya ugaliing mag deodorant araw-araw!
Lalo na sa oras ng putukan para salubungin ang Bagong Taon. Medyo nakakahiya naman yatang kasabay ng pagbaho ng paligid eh umaalingasaw ka rin na tila amoy sibuyas na nabubulok.
Pero gaano man kabaho at kasakit sa dibdib ang iniiwang amoy ng pulbura ng mga paputok, luces, fountain, trompillo, watusi at iba pang mga pailaw, hindi talaga sila mawawala sa tradisyon nating mga Pinoy sa tuwing naghihiwalay ang taon.
Paniwala kasi natin, pampaalis ng malas o di kaya naman eh pang welcome daw sa magandang hinaharap ang mga naglalakasang paputok at magagandang pailaw.
Dahil hindi na naman ako makaka-celebrate sa bahay ng pagsalubong ng Bagong Taon, nauna na akong nagpaputok kanina. Ang dami ngang mga bagay at mabilis na pangyayari ang tumakbo sa isip ko bago pumutok. Hanggang sa parang nagulantang na lang ako.
Nakakagulat naman talaga yung putok na wala sa oras eh!
Magkano na nga ba nagastos mo sa pagbili ng mga paputok at pailaw?

Dati kasi simple lang ang mga paluces pero ngayon pabonggahan talaga at hindi yung basta mga puti lang ang ilaw. Halos makabingi naman ang mga nauusong paputok.
Pero ang pinaka gusto kong paputok eh yung kwitis. Una, sa itaas kasi ito pumuputok kaya tingin ko eh medyo mas ligtas maliban na lang dun sa mga kalpot at hindi umaangat.
Sa bawat kwitis kasing sinisindihan ko, may mga bagay na isinasama ko sa paglipad nito. Pwedeng sama ng loob, galit, masamang karanasan at kung anu ano pang kasentihan sa buhay. Mahirap daw kasing kimkimin yun lalo na’t papasok ang Bagong Taon!
Pinalilipad ko ang mga yun para mawala, subukan mo, ok sa pakiramdam.
Yun nga lang, ang gusto kong magkaroon eh yung kwitis na nauutusan kung saan pupunta o kung saan babagsak at dun siya puputok. Pag nagkataon kasi, magagantihan mo kung kanino ka may sama ng loob, kanino ka galit at kung kanino ka nagkaroon ng masamang karanasan.
Edi quits-quits lang diba. Ayos nga eh, kwitis na nagbibigay ng quits!
Ang pla-pla naman na isa rin sa ipinagbabawal ibenta dahil nga sa sobrang lakas nito, sana yung mga hindi pumutok, pwede ring ipirito o kaya eh i-sarsyado, basta wag lang inihaw! Sayang naman kasi diba?

O yung bawang na hindi pumutok, ano gagawin mo? Siyempre sana pwedeng ipanggisa o di kaya naman eh pitpitin at isama sa suka, asin at sili para sawsawan ng chicharong bulaklak.
Siyempre, kailangan may kasamang isang malamig na San Miguel Beer!
Ano pang hinihintay mo? Paputok ka na! Happy New Year!
®