
Matagal na kitang pinagnanasahan. At aaminin ko sa iyo, hanggang ngayon, patuloy pa rin kitang pinagpapantasyahan!
Hindi ko alam kung ano ang meron ka, pero sabi ko nga, kahit isang beses lang. Pero ang isang beses na iyun, kung matutupad man, ituturing kong habangbuhay na karanasan.
Naitanong mo na rin kaya kung anong katangian meron ka?
Ang dami kasing naghahabol at hindi mabilang kung ilan ang nagtatangka na mapasa kanila ka. Naksnaman!
Nuong isang gabi nga lang pala napuyat ako, sumagi ka na naman kasi sa isip ko. Haaay, kaya ayun, naglaro na naman sa kukote ko kung paano ko isusulit ang sandaling kasama ka.
Wag kang mag-alala hindi kita gagahasain, pero iniisip ko kung paano kita roromansahin!
Naitanong ko sa simula, ipagmamalaki ko ba sa lahat ng kakilala at makakakita na kasama kita? Pero paano kung tayo na lang dalawa? Paanong diskarte kaya ang gagawin ko? Baka naman hindi mo ko patulugin!
Para kang bagyo, ganyan kalakas ang tama mo!
Pinalilikot mo nang husto ang imahinasyon ko!

Hindi ko nga alam kung ano ang meron sa magkatukayong JUN. Sila kasing dalawa pinagbigyan mo, hindi lang isa o dalawang beses. Nakasama ka nila sa maraming pagkakataon na. Pinagsawaan ka kaya nila? Pinagsabay mo ba sila?
Minsan na kitang pinagtangkaan, may inalay sa iyo pero hindi ko alam kung bakit hindi mo nagustuhaan. Pwede sigurong kulang sa panunuyo, kulang sa lambing o sadyang walang kalibug-libog.
Pero hindi ako susuko. Itago mo sa bato tamaan man ang kuko! Hindi man sa nalalapit na panahon pwede namang sa susunod na taon, basta hintayin mo lang ako. Pasasaan ba’t makakamtan din kita.
Konting hasa lang siguro ng sandata. O huwag mo akong tawanan, alam ko naman na minsan eh medyo mapurol at kinakalawang eh, minsan naman ayaw labasan. Wala kasing praktis kaya kahit sa damu kinikiskis.

Ayoko sanang magpa petiks-petiks kaya lang lagi akong tila hinihila ng panahon at parang hindi kita aabutan.
Tulad na lang ngayon, ilang araw na lang deadline mo na. Mukang di na naman ako makakasali ng Palanca Awards for Literature. Haaay kelan kaya kita matitikman?
naks ®