Literal itong tungkol sa Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang na mapapanood sa GMA 7.

Hindi ko alam kung tapos na ba o patapos na ang teleseryeng ito na pinagbibidahan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.
Wag kang mag-alala dahil wala rin itong kinalaman sa takbo ng kwento o sa kanilang ginagawang pag-ganap sa kani-kanilang character. Wala akong balak gumawa ng review sa takbo ng buhay nila sa programang ito.
Tungkol ito sa pamagat ng palabas mismo! Oo sa pamagat lang.
May dalawang bata kasi, si Paolo na pamangkin ko at ang kalaro niyang si Atong ang nagtanong sa akin kung nanonood daw ba ako ng Babaeng Hinugot… Sabi ko hindi dahil papasok ako sa trabaho ng ganuong oras.
Sinundan ito ng kung nakita ko na raw ba si Marian at Dingdong sa personal na sinagot ko naman ng “Oo”
Eh mukang nagti-trip ang dalawang bata, sinundutan ako ng tanong na ano daw ba ang tadyang? Bakit daw Ang Babaeng Hinugot Sa Aking “Tadyang” ang pamagat?
Aba eh malay ko!
Pero ang tingin ko na kailangang sagutin eh kung ano ba ang tadyang na kaya sakyan ngmura nilang isip. Bakit ba naman kasi hindi na lang nilagyan ng simpleng pamagat ang palabas at nang hindi na nagtatanong ang mga bata eh.
Pwede namang “Ang Babaeng sa Simulay ay Pilay Pero sa Huli ay Nakapaglakad.” Wala na sigurong tanong kapag ganuon di ba?
Makulit talaga, ano daw ang tadyang, saan daw hinugot si Marian? Gusto ko sanang sabihing sa puwet pero baka mabastusan naman sila kahit na nakakatawa. Biruin mo, “Ang Babaeng Hinugot sa Aking Puwet.”
Dahil wala akong maisip, nasabi ko na lang na “bulsa,” na nauwi sa tawanan naming tatlo. Bakit daw hindi naman niya nakitang hinugot sa bulsa at paano daw magkakasya sa bulsa si Marian?
Ayoko na. Masarap sanang makipagkulitan sa kanila pero matutulog na ko. Sinabihan ko na lang sila na maligo sa baha na pangkaraniwan na sa amin ngayong panahon ng high tide
Ngayon, tayo naman ang magkulitan at mag-trip. Ano pa ba ang magandang idugtong?
Ang Babaeng Hinugot Sa Aking….
(pwede mo tanggalin ang “Aking” kung gusto mo)
naks®