Saturday, October 31, 2009

Kwentong Undas

Lahat siguro tayo nangolekta ng mga tulo kandila sa mga sementeryo nuong araw. Yun bang gagawing hugis bilog tapos ibebenta.

Pero ako, dalawa ang ginagawa kong bilog. Yung isa ipapasa ko sa eskwelahan kasi kailangan daw para makagawa kami ng floor wax. Kaya pag umuwi ako, napapagalitan ako kasi magkahalong gaas at tinunaw na kandila ang amoy ko!

Eto ka, may pagkakaiba yung iniipon kong kandila. Yung galing sa mukhang mamahalin, sa teacher yun para ma-onor ako! Sabi ko mukhang “earth.”

Yun namang pangbenta, nilalagyan ko ng bato sa gitna…pampalaki at pampabigat. Akala ko naman ako lang nakaka-isip nun. At akala ko din, hindi yun mabibisto ng mga bumibili.

Eto na, minsan isang undas bago pumasok ang taon kung kelan ako tinuli, antok na antok na ako nung pauwi na kami. Hanggang sa nagkapalit na pala yung mga binilog na kandila.

Tanong tuloy ni Maam kinabukasan, “gusto mo bang ipukpok ko sa iyo ang batong sinama mo sa kandila?”

Ayun umuwi ako ng umiiyak. Big deal kasi pag napagalitan ng teacher eh…baka hindi ako ma-onor!

...

Nung first year college, Manila boy ako! Kaya kailangan todo porma…kahit undas!

Impluwensya ni Agis ‘yan. Taena kasing payatot na yun, paniwala niya, dahil maraming tao kapag undas, it’s a must na may bago kami kahit sa sementeryo lang pupunta. Ang jologs ano!?

Uso nuon sa Maynila yung sandals na pang aktibista. Lalo pa’t taga Peyups ako, kaya talagang tinarget kong magkaroon ng ganun para pang Undas.

Nagtagumpay naman ako. Kaya nga lang nung November 1 na mismo, umulan ng malakas.

Kaya nung gumabi na at oras na ng pormahan, lusak at maputik sa malaking bahagi ng sementeryo. Dahil kasubuan na, pinanindigan ko na lang.

Gumala kami sa sementeryo suot ko yung (lintek na) sandals na yun habang nagpuputik ang paa ko!

Di baling maglupa ang paa, makaporma lang!

...

Pag undas, nagkakaroon tayo ng mga kakilala na tuwing November 1 lang natin nakakahalubilo.

Sila yung mga di naman talaga natin kakilala pero kakwentuhan at kapalitan natin ng chichirya habang nagbabantay sa mga puntod.

Sa paglipas ng taon, napapansin natin yung mga pagbabago. Tulad na lang ng mga batang kaedad ko noon. Mahihiya ka nang titigan siya kahit alam mong siya kalaban mo sa pagkuha ng tulo ng kandila noon.

Dalaga na aksi siya ngayon.

Ngayong undas siguro, pamilya namin ang mapapansin nila. Nabawasan kami ng isa, wala yung lagi naming taga dala ng mga kandila, si Kaka.

Magugulat yung mga katabi namin na makitang yung litrato niya habang nasa harap na ng isang nitso at may tirik ng kandila.


naks®

Saturday, October 24, 2009

Bakit Wala Akong Farmville?

Kapag petiks ang oras, madalas nakikita ko ang mga ka-opisina ko habang nagtatanim…sa harap ng computer.

Yung Farmville ba!?

Minsan may nagtanong sa akin, madami daw ba akong rice, manghihingi daw sana siya. Sabi ko naman wala akong facebook.

Para bang malaking kawalan ang facebook sa buhay ng isang tao. Bakas ang pagkamangha sa kaniyang mukha sabay nag-iwan ng tanong…bakit ayaw ko daw ng Farmville?

Walang kagatol-gatol, ganito ang naging tugon ko…

Ayoko ng Farmville kasi ayokong maging magsasaka pero hindi dahil hindi ko kayang magsaka ng lupa. Laki ako sa hirap!

Kung nagkataon kasi, malamang mapabilang dun ako sa mga magsasakang nakikipaglaban hanggang ngayon upang mapasa-kanila ang lupang matagal na nilang sinasaka.

Katulad na lang ng Sumalao farmers. Sa lupa nilang sinasaka, dito na sila tinubuan ng ugat. Malamang-lamang sa lupang ito na rin sila malalagutan ng hininga pero hindi nila maaaring ilibing duon ang labi nila.

Sila ang mga magsasakang naglalamay sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform bagamat hindi alam kung may pakialam ba sa kanila ang mga opisyal nito.

Minsan na rin silang inaresto dahil nagkilos protesta sila sa loob ng mababang kapulungan. Halos upuan kasi ang panukalang batas na magbibigay ng “TUNAY” na Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP.

Bilang konswelo de bobo, naisabatas naman ang Reformed-CARP. Ibig sabihin pinalawig lang ng lima pang taon ang programa.

Hindi naman daw lahat ng may Farmville ay magsasaka. Pwede ring sila ang may ari ng lupain.

Yun na nga eh. Mas mabigat yun!

Paano kung ako nga may ari ng lupa tapos minsan eh napasyal ako sa aking bukirin para magpalamig. Dahil galit sa akin ang mga magsasaka, paano kung kuyugin nila ako?

Baka makita ko na lang silang nagpupuyos sa galit, papalapit sa akin, may hawak na karit at sa isang iglap ay isa-isa nila akong inuundayan sa leeg!

Hanggang sa tuluyang sumagitsit ang sarili kong dugo sa aking lupain!

Bakit ko pa ba gugustuhing magkaroon ng Farmville?


naks®





Wednesday, October 21, 2009

Labanan Na 'To!

Ilang beses nang lumabas dito
ang paborito kong litrato…

Punong puno kasi ng aksyon diba?
Pasensya na lasing eh!



Pero akalain mong may humamon…?


Umaapaw din ang aksyon! Pasensya na ulit lasing eh!

Pero alin nga ba ang pang-award ang dating?


naks®

Saturday, October 17, 2009

Parang Ako Lang

Ang kare-kare bow!

Sige, wala namang duda na magkakasundo tayo na isa anng kare-kare sa pinakamasarap na putaheng pinoy. Magkakatalo na lang daw sa pagkakaluto.

Meron kasing iba na malabnaw ang timplada. Samantalang yung iba naman nasosobrahan ang lapot

Bakit nga naman kasi nilagyan na ng sandamakmak na dinikdik at dinurog na mani, nilagyan pa ng ¼ kilo ng peanut butter. Paano pa lalasa ang gata at ang ibang rekado?

Dapat bang pagdebatehan kung karne ng anong hayop ang dapat na main ingredient at mas masarap, baka o kalabaw?

Pareho naman kasing masarap diba? Pareho ding nagpapalagkit, nagpapa creamy at nagpapa-yummy ng sabaw ng kare-kare kung baka man o kalabaw.

Pero teka, anong parte ba ng baka o kalabaw ang gagamitin? Pata ba? Pisngi kaya? Iba kasi ang lagkit na bigay ng taba na galing sa pisngi eh.

Iyun nga lang, karamihan ang gusto eh twalya daw o kaya eh libro. Langya dati akala ko kung ano yung twalya at libro na ginagawang ulam eh, bahagi pala ito ng kanilang bituka.

Teka, paano napagkasunduan na ang lahat ng rekado at naluto na rin, naihain na nga ang umuusok pang sinaing, pero nang kakain ka na, nakita mong wala palang bagoong?

Parang ganun kasi si Mulong, masarap pero may kulang!


anglupetmotaenangshet!

naks®

Friday, October 9, 2009

Saludo - Sundalo

Sa magkakasunod na bagyo na nanganak ng baha at nagparamdam sa ibat ibang probinsya sa mahal nating Pilipinas, hindi maitatatwa ang naibahagi ng mga magigiting nating sundalo.

Mula noong bumubuhos pa lang ang ulan, hanggang sa tumaas na ang tubig, pagliligtas ng mga biktima na umabot sa pamimigay ng mga relief goods, sila ang inasahan.

Hindi pa natatapos ang gampanin nila sa mga biktima ng bagyong Pepeng, tinapik na naman ang kanilang balikat para muling balikatin naman ang hampas ng bagyong Pepeng sa mga probinsyang nasa itaas.

Dahil diyan, hindi ko ipagkakait ang isang saludo para sa kanila.

Pero maliban sa mga sundalong naka uniporme, marami pang kababayan natin ang nagpakita rin ng katangiang sundalo. Ginampaman nila ang mga gawaing hindi naman hinihingi sa kanila.

Sila yung mga ordinaryong mamamayang nagbigay ng kanilang oras at pagod upang tumulong ng walang hinihintay na kapalit.


Para sa kanila, “matic” na yung kapag dumating ang ganitong pagkakataon, hindi sila nagdadalawang salita na magboluntaryo sa pagbibigay ng serbisyo.

Wala man daw silang pinansyal na maibibigay sa mga nasalanta ng bagyo, kahit man lang sa maliit na paraan ay may maibahagi sila upang tulungang makabangon sa bangungot na sinapit ang mga biktima.

Maliban sa nagbibigay ng serbisyo, sundalo rin siyempreng maituturing yung mismong mga nagbibigay ng donasyon. Ano nga ba ang maipapamigay sa mga nangangailangan kung wala namang donasyon?

Hindi naman pwedeng laway di ba?

Tingin ko sila yung nakatagong sundalong hindi nangangailangan ng uniporme. Saludo rin para sa kanila.

Akalain mong habang ninanamnam ko ang pagod at hirap ng mga sundalo at ng mga nakatagong sundalo, may nakita akong commercial sa TV!?

Si Pacman ba habang dinidisplay ang kaniyang buhok na walang balakubak. Siguro sooner or later, kapag humaba na ang kaniyang bigote at balbas pwede na ring bentahe na rin sa isang commercial!

Nataon pang nagsagawa din pala ng sariling relief operations si Pacman maliban pa sa ibinigay na isang milyong pisong donasyon.

At natapat pang “HIDDEN SOLDIER” pala ang commercial ni Pacquiao?

Akalain mong siya pala ang modelo ng nakatagong sundalo? Sige na nga, saludo na rin sa kaniya.

naks®



Saturday, October 3, 2009

Bangon Na, May Araw Na




NANINIWALA AKO, BABANGON ANG PINOY!

pagkatapos ng unos, sisikat ang bagong umaga.

ito’y upang maghatid ng ngiti at ligaya.

magpapakita ang haring araw.

nang sa gayu’y magbigay sa atin ng tanglaw.

at higit sa lahat, para sa lamig ay may panangga…

araw ang magpapatuyo ang ating mga labada.