Thursday, July 30, 2009

Sige Pumorma Ka!

Hindi ako fashionistang tao. Pero alam ko naman yung mga nauuso at paminsan minsan eh nakikisabay din naman ako.

Sa mga nagiging “in,” kung sa isang suutan eh alam ko nang parang hindi bagay, aba eh hindi nako nagbabaka-sakali na sa susunod na pagkakataon eh babagay na sa akin.

Hindi pala nadadaan sa dalawang paligo eh.

Masaya na ko sa simpleng t-shirt, maong at sneakers. Sabihin na nating safe na safe pero di bale nang safe kesa pumorma ng kulang sa hulog.

Sa isang banda, hanga din naman ako dun sa magagaling magdala. Yun bang kahit ano ang mauso o kahit anong porma eh bagay. Saan ba naman ako hahanap ng ganuong katangian eh kulang na nga ako sa height, kulang sa itsura, kulang pa sa bukol. (muscle ba!?)

Pero meron pa bang mas dapat hangaan kesa dun sa mga taong may sapat na lakas ng loob na pumorma…no matter what!?

May nasalubong kasi ako na talaga namang hindi ko alam kung mapapailing ako o matatawa. Hindi ako nainggit pero aaminin kong bumilib ako sa guts nya!

I-drawing mo sa utak mo ha.

Nasa kaayusan naman ang height, yung tamang tama lang. Naka skinny jeans tapos naka flip-flops.

Ok na sana kasi ang tsinelas naman eh ka pang porma na ang level ngayon kahit pa “havanas” ang tatak. Hindi tulad dati na ang pormang naka tsinelas eh nagiging sentro ng deskriminasyon.

Pero nagka problema bigla!

Alam mo ba yung mga baseball jersey? Yung malalaki at oversized na isinusuot ng mga hip-hop rapper.

Para mas madali…yung mga damit na tila may tatak Andrew E o kaya eh yung sinusuot ng mga miyembro ng Salbakuta.


Na imagine mo ba? Skinny jeans…flip flops…at oversized baseball jersey?

Hindi ba mukang siyang naglalakad na ice drop? Bakit di mo hahangaan ang tapang na meron siya di ba?


naks®


Monday, July 27, 2009

Inuman Files: Patay Na Yosi


Iba talaga tama ang GSM Blue! May kung anong espiritu na nagbibigay ng tapang mga nakakainom nito na ilabas ang kanilang mabigat na dinadala. Oo peksman.

Yun’ bang tipong kahit ang pinaka tatago mong problema eh mailalabas mo sabay sa pagtagay ng kulay tubig na alak. At kapag nasimulan na nga ang mga makabagbag damdaming kwento, asahan mong masusundan pa ng konting iyakan blues kahit puro barako ang nag-iinuman.

Si Pareng Jo, nagulat na lang kami nung sinabing baka maghiwalay na daw sila ng misis niya. Walang third party pero kailangan daw. Langya parang mga artista.

Wala kasing trabaho ang mag-asawa. Nahihiya na daw si Pareng Jo kasi sa biyanan niya sila nakatira tapos nag-aaral na ang isa nilang anak. Nagpalitan kaming apat na kainuman niya sa pagpapayo na pag-usapan muna pero mahirap na raw talaga.

Dumadalas na raw kasi ang pagtatalo nila at minsan na ring niyang napagbuhatan ng kamay ang asawa. Pansamantala lang naman daw habang naghahanap ng trabaho kasi ayaw naman talaga niyang mahiwalay sa mag-ina niya.

Katahimikan.

Pagtingin ko sa kamay ko, nakita kong patay na pala ang yosi ko. Hindi ko alam kung napatakan ng chaser o natilamsikan ng laway dahil sa mga umaatikabong mga payo.

Dahil namatay ang yosi ng hindi naman naupos, hindi ko muna tinapon at iyun na lang sana ang sisindahan ko nang pigilan ako ni Attorney. Seryoso ang mukha niya sa pagpigil sa akin.

Huwag na huwag ko daw sisindihan ang yosing namatay na…

Nakaka-kanser daw kasi! +*#@$%!

Lintik, muntik ko nang matungga yung bote ng GSM blue.

naks®

Thursday, July 23, 2009

Sandali Na Lang

Sabihin na nating nasa final stage na. Medyo nagulo lang talaga ng husto pero unti- unti na rin namang naaayos. Pasaan ba at babalik din sa normal ang lahat.

Bilog ang mundo, pero kahit bilog hindi dapat mahulog. Kahit bilog dapat tumingin sa kanan at kaliwa, baka kasi nasisilaw lang sa iisang direksyon. Itagay na yan...hik!

Pansamantala, makinig ka muna ng makabagbag damdaming kanta. Ang kantang iyan ang napagtripan kong pakinggan habang nakadungaw sa bintana, nakatingin sa puno ng bayabas at humihitit ng sigarilyo.

Kung sakaling ulit-ulitin mong pakinggan, huwag mo lang sasabayan ng gin-bulag at baka mawala ka sa wisyu eh mag iiyak ka na lang sabay laslas sa pulso.

Sige patayin mo muna yung sounds sa gilid at ito muna ang pakinggan mo.




Pagbalik ko, alin sa tuluyan na akong bumalik o bumalik lang para tuluyang umalis.


naks®

Saturday, July 11, 2009

Not Blogging 101


This is my 100th post. Wala akong balak mag-lecture tungkol sa blogging dahil wala naman akong kapasidad para gawin ito.

Unang una, ang pangit nga ng layout at parang napaka tipikal. Kung baga sa tao, walang kadating-dating, kulang sa ayos at ni hindi mo lilingunin dahil walang kalibog-libog.

Ang layunin ko lang naman kasi nung mag-blog ako, gusto kong ihasa dahil pumupurol na. Sa pakiramdam ko kasi, kinakalawang na at kung hindi mapipigilan baka tuluyang mawalan ng talas. Mahirap na.

Pero ang nakakatuwa dito, habang naghahasa ako, napabilabng ako sa parang komunidad ng mga blogista bamagat hindi naman talaga magkakakilala. ‘Yun bang akala mo, magkakapitbahay lang na nagbibigayan ng ulam.

Yun nga lang, may ibat-ibang obserbasyon tayo sa ating mga kapitbahay bagamat tuloy lang ang pagsasalo-salo sa handaan.


I’ve observed how blogging, for some, has become “their world” while for the others, it is “their other world”

There are blogs, I believe, that seems to be too personal that it has become their selves. You can discern from their writings what kind of lives they are into in the same way that you can feel the emotions inside their heart. Their blog is more than a personal diary.

On the other hand, not to say that some are exact opposites, but, there are sites which illustrate the kind of lives that they want to live and/or portray. Parang bang tinanong mo ang isang bata “ ano ang gusto mong maging paglaki mo?” At ang sagot, bagamat hindi na musmos …nanduon lang sa blog.

But still, in whatever manner they were presented, we are all enjoying the neighbors and the community it brings.

However, a turning point will come in this world that will draw the line and start to realize what is real and what is not, what is virtual and what is genuine, what is pure and what a plain pleasure is.

Para bang magugulantang ka na lang at masasabi mong teka, computer lang pala ang kaharap ko at hindi ang taong nasa likod nito. Off course this is not to say na hindi totoong tao yung ang nasa likod ng naturang blog. Well sometimes, hindi nga totoo (mga robot lang sila).

Am I making myself clear? I bet not. Wag na lang nating halukayin.

After 100 writings, I find myself a little tired and it appears that I’ve spent so much time for this habit. BUT NO REGRETS.

However, some priorities were taken for granted. Baka kailangan lang balik-balikan.

So much for the blogging experience. Just taking some time to rest but once in awhile will drop by to this community, where at one point or another, I believe I am a part of.

Hasta la vista!

naks®

Wednesday, July 8, 2009

Ayokong Matutong Mag-Blog

(This is my 99th post. Pero bibigyang daan ko lang ang kauna-unahang isinulat na karakas ni mulong. Para bang going back to where all it started before I share my 100th senseless writing.)


Kung itatanong mo kung “bakit?” ang sagot ko…frustrated writer kasi ako.

Di ko alam kung tamang term yung prus-trey-ted kasi ang ibig sabihin nun eh hindi mo nagawa yung gusto mo tama ba? Para bang isang pangarap na ginawa mo na ang lahat, nagbuhat ng bangko, nagsunog ng kilay, umepal, gumamit ng red ballpen, nagmemorize kahit masama ang loob at kung anu-ano pa. Pero ang resulta…ayun pangarap pa rin!

Parang pagkanta lalo na yung pagiging bokalista ng isang banda. Ilang beses ko na nga bang inimagine na nasa isang gig ako? Pero hindi yung basta nasa gig lang ha…nakaporma kahit pawisan o kaya naka shades kahit gabi at na sa gitna ng stage habang bumabanat. Yun pala ang frustration!!

Buti na lang may Pon-japs naka-imbento ng videoke na inimprub naman ng mga talentadong Pinoy. Dun ko na lang tuloy ibinuhos ang sama ng loob at ang kakayanan ko na malaking kawalan sa ating music industry.

Lalo na kapag lasing!

Ilang beses na ba akong pinalakpakan sa inuman? Maraming session na rin yung eksenang may mga nagre-request pa na kumanta ulit ako habang nagngangalit ang mga ugat ko sa litid. Sige hataw lang, pakapalan lang iyan ng mukha!

May mga kanta nga na considered signature song ko na daw eh. Meron pa ngang nagsabi, eto ha hindi ko naman kakilala, pero pagkatapos kong kantahin yung Wherever You Will Go ng The Calling, nag comment ba naman na para daw original! Walangya…malamang mas marami ang nainom nya sa akin.

Ang maganda pa sa videoke…hindi stereotype na rakista lang ang isang tao. Pwede kang maging balladeer, o kaya eh ala Chris Brown o kahit maging isa sa mga Pinoy rapper na matitinis ang boses ala Crazy Ass Pinoy o Gloc9.

May direksyon ba? O kailangan lang talagang i-justify ang ginagawa kapag nakahanap ng outlet ang frustration ng isang tao. Ang logic, para lumabas na wala ka naman talagang frustration!?

Tangina ang gulo parang bul^$#@!!!!!

Teka kung ganun ang pananaw ko sa salitang “frustration,” hindi naman ako pala ko frustrated writer kasi nagsusulat pa rin naman ako kahit papano. May isang kwento nga akong isinulat na nasa libro na eh.

Eh bakit nga ba ayokong matutong mag blog?

Ah alam ko na…magaling pala akong magsulat, madami lang nga akong angst sa buhay!

NAKS!®

Tuesday, July 7, 2009

Buntong Hininga



What if I was good to you, what if you were good to me
What if I could hold you till I feel you move inside of me
What if it was paradise, what if we were symphonies
What if I gave all my life to find some way to stand beside you

I don't wanna be lonely no more
I don't wanna have to pay for this
I don't want to know the lover at my door
Is just another heartache on my list

I don't wanna be angry no more
You know I could never stand for this
So when you tell me that you love me know for sure
I don't want to be lonely anymore



-LONELY NO MORE by ROB THOMAS

Saturday, July 4, 2009

Bayani

Nasa third yerar high school ako ng pinagawa kami ng report tungkol sa “Heroes and Heroine” sa subject na Values Education. Pipili kami ng mga taong masasabing bayani sa buhay namin.

Sa simula ng klase, nag-alangan akong tumayo para talakayin ang aking bayani. Karaniwan kasi, mga magulang o di kaya eh malalapit na taong may naibahagi sa buhay nila.

Pero ang bayani ko, si Pangulong Corazon C. Aquino.

Walang magagawa, kinailangan ko ring magsalita. Tinalakay ko kung paano tumayo si Tita Cory para labanan ang diktaturyang rehimen ni Ferdinand Marcos. Hindi natakot ang biyuda ni dating Senador Ninoy Aquino na ipaglaban ang kalayaan ng mamamayang Pilipino at demokrasya para sa bansang Pilipinas.

Hindi naging madali, pero naipanalo niya. Hindi matatawaran ang ginampanan niya sa lipunang ginagalawan namin, sabi ko. Nagulat na lang ako, pumalakpak ang titser namin.

At ngayong nakikipaglaban ang dating Pangulo sa sakit na colon cancer, naniniwala akong nanalaytay pa rin sa kaniyang dugo ang tapang na ipinakita niya noon…ano man ang mangyari sa mga susunod na araw.

May iba pang babaeng namuno din sa ibang bansa ang maaaring ilinya kay Ginang Aquino. Nandyan si Aung San Suu Kyi ng bansang Myanmar.

Tulad ni Ginang Aquino, ipinaglaban ni Aung San Suu Kyi ang pagkakaroon ng demokrasya sa kanilang bansa upang wakasan ang military junta. Pero matapos manalo sa eleksyon noong 1990, hindi kinilala ang resulta at sa halip ay isinailalim pa sila sa house arrest.

Hanggang ngayon patuloy ang pagdinig sa mga kasong nagsulputan at pilit na isinampa laban sa kaniya. Gayunman, hindi nawawalan ng pag-asa ang mga kababayan niyang naniniwala sa kaniyang ipinaglaban.

In the Quiet Land, no one can tell
if there's someone who's listening
for secrets they can sell.
The informers are paid in the blood of the land
and no one dares speak what the tyrants won't stand....
- Aung San Suu Kyi

Hanggang sa asasinasyon ni dating Prime Minister Benazir Bhutto ng Pakistan noong December 27, 2007, isa lang ang nais niya, ang mapalaya ang kaniyang bansa sa mapanupil na pamahalaan.

Abot kamay na sana ang pangarap na iyun matapos pamunuan ang oposisyon sa eleksyon nakatakda sana noong January 2008. Subalit pinilit itong harangan sa marahas na paraan, ang pagpatay sa kaniya.

Iba-iba man ang paraan, makikita ang pagkakapareho nina Pangulong Cory Aquino, Aung San Suu Kyi at Benazir Bhutto. MGA PANGALANG HINDI MAAARING HALUAN NG PANGALANG GLORIA MACAPAGAL-ARROYO.

Hindi natin hawak ang bukas. Pero anut-ano pa man ang mangyari, hindi na mabubura ang kahulugan ng ating demokrasya sa pangalan ng ating Tita Cory.

naks®

Thursday, July 2, 2009

Punong-Puno Aksyon!

Linggo ng hapon. Habang wala kaming maburaot na inuman ng barkada kong si Allan (na mas sanay sa tawag na Attorney) naisipan naming tumambay muna sa tulay. Tutal din lang kako eh tumatakbo ang oras, edi hayaan na lang itong tumakbo dahil hindi naman namin ito mapipigilan.

Pasasaan ba at masasayaran din ng alcohol ang lalamunan namin. Ano ba naman yung bumili ako ng kalahating kahon ng redhorse at sagot naman niya ang yosi at yelo? Kung saan pupwesto? Bahala na.

Pero bago pa man ang desisyong kami na lang dalawa ang uminom, abot tanaw namin ang rumaragasang motorsiklo. Sakay nito ang magka angkas na lalaki. Naka bonet ang may hawak ng manibela habang tila bangaw naman sa salaming itim ang angkas nito.

Sa lakas ng tunog ng motor parang pang action movie ang dating.

Ang inaalala ko lang noon, baka matapat sa lubak na bahagi ng kalsada ang motor at sumemplang ang dalawa. Pag natawa kami ng malakas, sabihin nila tyamba!

Nang matapat sa amin ang magka-angkas, may hinitsa ang angkas nitong parang bag na katsa. Bagamat nagulat at nagtaka, nasalo ko ‘yun.

Tang-ina, pang action movie nga!


Di pa man kasi, naririnig na namin ang sirena ng mga pulis. Inilagay ko sa may bandang pwetan ko ang hinitsa sa amin at tsaka ko diniinan ang pagkakasandal sa may tulay.

Kumakabog ang dibdib ko sa kaba. Baka malaglag ‘yung bag.

Kung saka-sakali, baka bigla kaming hintuan ng mga pulis, posasan at tsaka kami damputin. Sampu-sangpera, siguradong headline kami sa looban kapag nagkataon.

Di ko pinangarap na magkaroon ng mug shots!

Pero hindi iyun nangyari. Lumagpas ang kotse ng mga parak. Nagtinginan kami ni Attorney. Walang salita pero nagka-intindihan kami.

Humaripas kami ng takbo papasok ng looban, diretso sa kanila. Saktong walang tao at malamang dun na rin kami uminom…iinom kami ng sagana!

Wala kurap na binuksan ko ang bag habang sisilip-silip naman siya sa labas ng kanilang bahay. Mahirap nang nasundan kami. Mas lalo akong kinabahan nang makita ko ang laman ng katsa.


Lilibuhin, anim na bundle. Sandaang libo ang bawat isa. Anim na raang libo lahat.

Usapang walang pinag-usapan pero hating walang lamangan.

Sa isang iglap, tig tatlong daang libo kami! Walang kahirap hirap at wala din kaming balak isauli sa pulis ang perang iyun! Nek-nek nila!

Tangina sana magkatotoo!


naks®