Saturday, July 4, 2009

Bayani

Nasa third yerar high school ako ng pinagawa kami ng report tungkol sa “Heroes and Heroine” sa subject na Values Education. Pipili kami ng mga taong masasabing bayani sa buhay namin.

Sa simula ng klase, nag-alangan akong tumayo para talakayin ang aking bayani. Karaniwan kasi, mga magulang o di kaya eh malalapit na taong may naibahagi sa buhay nila.

Pero ang bayani ko, si Pangulong Corazon C. Aquino.

Walang magagawa, kinailangan ko ring magsalita. Tinalakay ko kung paano tumayo si Tita Cory para labanan ang diktaturyang rehimen ni Ferdinand Marcos. Hindi natakot ang biyuda ni dating Senador Ninoy Aquino na ipaglaban ang kalayaan ng mamamayang Pilipino at demokrasya para sa bansang Pilipinas.

Hindi naging madali, pero naipanalo niya. Hindi matatawaran ang ginampanan niya sa lipunang ginagalawan namin, sabi ko. Nagulat na lang ako, pumalakpak ang titser namin.

At ngayong nakikipaglaban ang dating Pangulo sa sakit na colon cancer, naniniwala akong nanalaytay pa rin sa kaniyang dugo ang tapang na ipinakita niya noon…ano man ang mangyari sa mga susunod na araw.

May iba pang babaeng namuno din sa ibang bansa ang maaaring ilinya kay Ginang Aquino. Nandyan si Aung San Suu Kyi ng bansang Myanmar.

Tulad ni Ginang Aquino, ipinaglaban ni Aung San Suu Kyi ang pagkakaroon ng demokrasya sa kanilang bansa upang wakasan ang military junta. Pero matapos manalo sa eleksyon noong 1990, hindi kinilala ang resulta at sa halip ay isinailalim pa sila sa house arrest.

Hanggang ngayon patuloy ang pagdinig sa mga kasong nagsulputan at pilit na isinampa laban sa kaniya. Gayunman, hindi nawawalan ng pag-asa ang mga kababayan niyang naniniwala sa kaniyang ipinaglaban.

In the Quiet Land, no one can tell
if there's someone who's listening
for secrets they can sell.
The informers are paid in the blood of the land
and no one dares speak what the tyrants won't stand....
- Aung San Suu Kyi

Hanggang sa asasinasyon ni dating Prime Minister Benazir Bhutto ng Pakistan noong December 27, 2007, isa lang ang nais niya, ang mapalaya ang kaniyang bansa sa mapanupil na pamahalaan.

Abot kamay na sana ang pangarap na iyun matapos pamunuan ang oposisyon sa eleksyon nakatakda sana noong January 2008. Subalit pinilit itong harangan sa marahas na paraan, ang pagpatay sa kaniya.

Iba-iba man ang paraan, makikita ang pagkakapareho nina Pangulong Cory Aquino, Aung San Suu Kyi at Benazir Bhutto. MGA PANGALANG HINDI MAAARING HALUAN NG PANGALANG GLORIA MACAPAGAL-ARROYO.

Hindi natin hawak ang bukas. Pero anut-ano pa man ang mangyari, hindi na mabubura ang kahulugan ng ating demokrasya sa pangalan ng ating Tita Cory.

naks®

Thursday, July 2, 2009

Punong-Puno Aksyon!

Linggo ng hapon. Habang wala kaming maburaot na inuman ng barkada kong si Allan (na mas sanay sa tawag na Attorney) naisipan naming tumambay muna sa tulay. Tutal din lang kako eh tumatakbo ang oras, edi hayaan na lang itong tumakbo dahil hindi naman namin ito mapipigilan.

Pasasaan ba at masasayaran din ng alcohol ang lalamunan namin. Ano ba naman yung bumili ako ng kalahating kahon ng redhorse at sagot naman niya ang yosi at yelo? Kung saan pupwesto? Bahala na.

Pero bago pa man ang desisyong kami na lang dalawa ang uminom, abot tanaw namin ang rumaragasang motorsiklo. Sakay nito ang magka angkas na lalaki. Naka bonet ang may hawak ng manibela habang tila bangaw naman sa salaming itim ang angkas nito.

Sa lakas ng tunog ng motor parang pang action movie ang dating.

Ang inaalala ko lang noon, baka matapat sa lubak na bahagi ng kalsada ang motor at sumemplang ang dalawa. Pag natawa kami ng malakas, sabihin nila tyamba!

Nang matapat sa amin ang magka-angkas, may hinitsa ang angkas nitong parang bag na katsa. Bagamat nagulat at nagtaka, nasalo ko ‘yun.

Tang-ina, pang action movie nga!


Di pa man kasi, naririnig na namin ang sirena ng mga pulis. Inilagay ko sa may bandang pwetan ko ang hinitsa sa amin at tsaka ko diniinan ang pagkakasandal sa may tulay.

Kumakabog ang dibdib ko sa kaba. Baka malaglag ‘yung bag.

Kung saka-sakali, baka bigla kaming hintuan ng mga pulis, posasan at tsaka kami damputin. Sampu-sangpera, siguradong headline kami sa looban kapag nagkataon.

Di ko pinangarap na magkaroon ng mug shots!

Pero hindi iyun nangyari. Lumagpas ang kotse ng mga parak. Nagtinginan kami ni Attorney. Walang salita pero nagka-intindihan kami.

Humaripas kami ng takbo papasok ng looban, diretso sa kanila. Saktong walang tao at malamang dun na rin kami uminom…iinom kami ng sagana!

Wala kurap na binuksan ko ang bag habang sisilip-silip naman siya sa labas ng kanilang bahay. Mahirap nang nasundan kami. Mas lalo akong kinabahan nang makita ko ang laman ng katsa.


Lilibuhin, anim na bundle. Sandaang libo ang bawat isa. Anim na raang libo lahat.

Usapang walang pinag-usapan pero hating walang lamangan.

Sa isang iglap, tig tatlong daang libo kami! Walang kahirap hirap at wala din kaming balak isauli sa pulis ang perang iyun! Nek-nek nila!

Tangina sana magkatotoo!


naks®

Tuesday, June 30, 2009

Inakit Ako Ni Kapitan

Dahil alam kong marami sa taga rito ang tagahanga ni Bob Ong, hindi ko ito hahabaan. Hindi rin ako mag-a-ala critique at baka bigla na lang may bumatok sa akin ‘pag may nakakilala sa akin at nakita akong nakasakay sa MRT.

At baka hindi pa masisiyahan, duruin pa ako at sabihin “akala mo kung sino ka!”

Pero positibo naman ito! (Eeeeengk! Biglang kambyo)

Nakabili na ko ng kalalabas lang na aklat ni Bob Ong. Tulad ng dati, sa pamagat pa lang eh mapupuno na ng katanungan at imahinasyon ang kukote mo.


“Kapitan Sino.” Kung baga sa nakasanayang paghanga, taytol pa lang ulam na.

Pero yan eh kung pamagat lang ang pagbabasehan mo.

Sa mga naunang aklat ng premyadong manunulat na si Bob Ong, pinaka maganda para sa akin ay ang aBNKKBSNPLako, ang panganay sa mga anak ng utak niya

Dito kasi, nailatag agad niya o ng isinulat niya ang sarili sa contemporary Philippine literature. Bagamat sa tingin ko eh si Mang Jun (Cruz-Reyes) ang nauna sa ganitong estilo, napukaw din ng “makulit style” niya ang atensyon ng mga nanatiling magbasa ng panitikang Pinoy.

Sumunod na lumabas ang “Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?” Kung nabasa mo ang una, mae-excite kang bilhin ito. At dahil mas malaki at mas makapal sa unang aklat, iisipin mong mas sulit at di ka mabibitin.

Pero….hmmm ok lang!

Pangatlo, “Ang Paboritong Libro ni Judas.” Ganuon ulit. Hmmm ok lang! Pero hindi na ganuon ka-ok. Parang dumami na yung sangkap na wala o nagkulang.

Nabalitaan ko nung lumabas “Ang Alamat ng Gubat.” Hindi ko binasa ‘yung mga reviews sa dyaryo…at hindi na rin ako bumili ng libro.

“Stainless Longanisa” ang panlima. At dahil nanduon pa rin yung craving ko na makabasa ulit ng Bob Ong. Bumili ako. Ayun, hanggang ngayon hindi ko pa natatapos! Napaka-boring!

Sa loob-loob ko, bakit pa ko bibili ng “MacArthur” noong ito na ang naka display sa National Bookstore.

Pero parang nang-aakit si Kapitan Sino.

Sakay pa lang ako ng bus pauwi, binabasa ko na ito. Noon pa lang din, napapangiti na ko ng palihim at pinipigil ang tawa dahil sa binabasa ko. Ayaw kong tumingin sa ibang pasahero. Baka kasi may makita akong nakatitig sa akin na tila nagsasabing “may toyo ako tumatawang mag-isa pero walang kausap.”

Parang ayokong bumaba ng bus kasi mabibitin ako. Pero kailangan. Pagdating ko ng bahay, isang upo lang, walang kain, yosi at tubig na malamig lang! Tapos!

Maganda ito. Peksman. Hindi ko tatalakayin ang nilalaman ng kwento mismo pero ibinalik ni Kapitan Sino yung hinahanap kong timpla sa unang lutong natikman ko. Sa totoo lang, may kurot sa puso sa bandang huli.

Di ko alam kung tama pero, call it redemption for Bob Ong.


naks®

Saturday, June 27, 2009

May Toyo Ka Ba?


Magluluto sana ako ng pansit gisado. Pampaalis 'yun ng sama ng loob. Iba kasi ang pakiramdam ko kapag nagluluto ako. Kahit papaano gumagaan kung anu man dinadala ko kahit hindi naman dapat problemahin.

Kumpleto na sana sa rekados. Maliban sa mga karaniwang panggisa, may bihon na, hipon, gulay, kalamansi at iba pa. Kung baga isang kumpas na lang at sisimulan na ang eksperimento na ang kahulugan eh pagluluto.

Hanggang sa napansin ko na may isang kulang pala. Kahit nahiwa na ang mga rekado, pansamantala itong naantala dahil biglang nagulo ang isip ko.

Nagtatalo kasi sa kukote ko at nagsasalawahan ako kung ano ba ang gagamitin kong brand ng...toyo!

Alin nga ba
ang mas makakapagpalinamnam ng pansit?



Marca PiƱa?


O Silver Swan?

Dahil bago pa lang sa merkado,
hindi ko isasama pagpipilian ang Datu Puti!

Friday, June 26, 2009

Parang Replay Lang

Pahapyaw ko na itong nabanggit dati. Kaso nangyari ulit at pakiramdam ko hindi pa ko nakakahanap ng swak na sagot sa tanong ko.

Sa dinalang dalang kong mapasok ng mall, akalain mong nakita ko na naman ang sarili ko sa ganuong eksena. Di ko alam kung sinasadyang itapat sa akin ng panahon o sadyang ako lang talaga ang maurirat sa parehong pangyayari.

Pagkatapos kong manood ng Transformers, didiretso na ko sa trabaho (dahil nga baliktad ang oras ko). Eto na, pumunta ako sa elevator. Wala lang, trip ko lang mag elevator kesa mag escalator.


Nauna ko sa elevator. Dahil pababa ako, pinindot ko yung down sign. Nag ilaw na.

May dumating na dalawang babae. Obviously aakyat kasi pinindot ng isa kanila yung up sign. Pareho ng may ilaw ng pula yung up and down signs.

Isa namang lalaki ang nakisawsaw sa eksena. Pinindot ang down sign.

Sa madaling salita, apat na kaming nanduon.

Isang matangkad na lalaki ang kasunod ng dalawang babae. Pinindot naman niya yung up sign.


May magsyotang dumating. Si lalaki, lumapit sa elevator sign at pinindot ng pinindot ang down sign. Nung babalikan niya yung girlfriend niya, anak ng tokwang nabangga yung balikat ko!

Bagamat tinitigan ko siya nang hindi naman mukang naghahamon ako ng away, ipinaramdam ko sa matalas kong tingin na may tanong sa utak ko.

Kayo na nga ang sumagot…

Ang elevator ba pag pinindot ng pinindot ang down sign eh bibilis bumaba? At kung paulit ulit naman ang pagpindot ng up sign, bibilis umakyat?


naks®

Tuesday, June 23, 2009

Gusto Mo Bang Maging Superhero?


Ilang beses na bang sinagip ng mga Kano ang buong mundo…
sa pelikula?


Hindi ko na maalala kung anong taon ipinalabas ang pelikulang Armageddon na pinagbibidahan ni Bruce Willis. Ito yung pelikulang action-drama pero mapapa-wow ka. Yung tipong pagkatapos mong panoorin eh mapapa-palakpak ka rin sabay sabing “yeeees we were saved!”

Sino ba naman ang makakalimot sa eksenang bago lumipad papuntang kalawakan ang mga magiging tagapagligtas eh kumakanta ng “I’m leaving on a jet plain, I don’t know when I’ll be back again…”

Siyempre, ang pagpapaka-bayani ni Bruce Willis matapos isakripisyo ang buhay para sa mundo. Hindi ba dapat eh ang manugang niyang hilaw ang magiging alay sa kalaban?

Ang malupet pa doon, bago sila ipadala ng NASA, dumaan sila na matinding screening upang alamin ang kanilang lakas at kakayanan kung may K ba sila. May Elimination Round, kung baga. Kung talent show iyun, malamang na ang title eh “Talentadong Kano”

Isa lang ‘yan ha. Pero di mo mabibilang ang mga pelikulang halos may kaparehong tema na ang watawat ng Amerika ang iwinawagayway sa pagsagip sa sangkatauhan. Nandiyan ang Twister, Independence Day, The Day After Tomorrow at kung anu-ano pa.


Kahit naman noon pa, laging sila ang bida. Sa cartoons na lang, lahat ng SUPER nasa kanila pa rin. Ano man ang kapangyarihan, sa lupa, sa dagat, sa himpapawid, meron silang pantapat sa ano mang kalaban.

Aba eh kulang na nga lang yata maging si Casper eh magkaroon din ng pagbibidahang pelikula habang nakasuot din ng kapa.

Duon na lang sa Angels and Demons. Kung di ba dahil kay Robert Langdon, malalaman ng mga taga Vatican ang puzzle at ang mga clue na magtuturo sa bombang sasabog pala ng ganuon kalakas?

Baka kung nagkataon, kahit nasa Vatican pa ang bomba, sabog pa rin ang Pilipinas dahil sa lakas niyun. Utang nating lahat ‘yan kay Robert Langdon ng US.

Ang ipinagtataka ko lang, bakit kaya ngayong may pandemic na sa Influenza A – H1N1 virus eh tameme ang mga kano? Bakit kaya ayaw maglabasan ang mga superhero nila, yung mga tagapagligtas ng mundo?

Aba eh pagkakataon na nilang patunayan na hindi lang kathang isip ang pagiging bayani nila. Na sila eh atapang atao hindi atakbo!

Nakakahiya naman yata kung makakantyawan silang “ubo, lagnat at sipon lang ang pala katapat ng mga Kano.”

Araw araw, nadadagdagan ang bilang ng tinatamaan ng virus an ito. Kailangan na nilang umaksyon. It’s now or never!

At kung wala pa silang magiging hakbang, sa loob ng mga susunod na araw, Pinoy na ang dapat gumawa ng solusyon at siguro eh kaya naman.

Pagkakataon mo na…MISTER FU…ang tagabulabog ng buong universe! Me ganun?


naks®

Saturday, June 20, 2009

Missin' 'Yah


Mistulang aswang na daw ako. Gising sa gabi at tulog naman sa umaga. Kaya miss ko ang matulog ng gabi. Hindi naman buwan pero liwanag ang nakikita kaya pati na rin yung dilim ng gabi hinahanap hanap ko.

Pangit pakinggan? Parang napaka abnormal.

Dahil sa oras ng trabaho ko, nasagasaan na din pati yung oras ng mga bagay na nakasanayan ko na. Dati, di baleng ilang oras lang ang tulog pag pumasok sa trabaho basta makapag rakrakan lang kung may pagkakataon. Lalo na kung may manlilibre.

Ngayon, kahit may manlilibre, ang problema, malamang sa malamang, wala akong pagkakataon.

Alangan namang yayain silang gumimik at uminom ng umaga, idadamay ko pa sila sa baligtad na oras ng buhay ko!

Miss kong uminom kahit hanggang umaga ng hindi ako makakatulog sa upuan dahil kulang ako sa tulog.

Miss kong sumigaw at makikanta habang may kumakantang banda.

Miss kong makipagsikuhan sa dance floor sabay senyas ng peace.

Miss kong bumanat sa videoke ng mga kantang kaya kong kantahin kahit nakapikit pero nakatingin pa rin ako sa lyrics.

Pero maliban pa sa mga iyan, may isang bagay pa akong namimiss…



Kelan ko kaya ulit makikita ang sarili ko sa dyaryo?


naks®