Friday, April 9, 2010

Di Ka Ba Nasusuka?

Nauumay na ko sa panunuod ng TV…peksman umay na umay na!

Kasi ba naman, maya’t maya na lang patalastas ng mga pulitiko ang makikita na akala mo mga anak ng Diyos. Ang babait at lahat nangangako ng paraiso para sa lugmok na Pilipino.

Pagdating naman sa oras na balita ang pwedeng mapanood, sila’t sila pa rin ang makikita. Iyun nga lang pawang mga tinutubuan na sila ng sungay. Nagpapahabaan pa kamo!

Makikita mo sila, kaniya kaniyang birada at hukayan ng baho. Hanggang hindi nakakalaykay ang kalansay ng mga kalaban hala sige bira. Kahit saan man sila mapunta para sana mangampanya puro ganuon lang ang ginagawa nila.

Para bang nagbabatuhan sila ng mga tae. Kung hindi magaling umilag ang kandidato mo, malamang masapol ng ebak sa mukha habang nagtatalumpati.

Iyun nga lang minsan ang ibang kandidato, hindi napapansin na sa paghagis nila ng tae, paitaas pala ang direksyon at nang tumingala, sapul sa bunganga! Yaaaak kumain ng ebak!



Pati mga artista, kauumayan mo na rin. Bakit kamo? Hindi ko kasi maintindihan kung bakit madami ang natutuwa sa Mela-Son. Lintek na mga iyan.

Kung nahihingi lang ang TV, malamang maraming TV na ang nasira ko at malamang marami na rin ang nahingi ko. Kasi nga gusto kong ibato yung TV tuwing nakikita ko sila eh.


Isa na lang talaga ang kinakatuwaan kong panuorin. Nakikita ko kasi ang kinabukasan ng boxing sa kaniya…si Ippo Makunouchi. Siya ang numero unong mandirigma ng bansang Japan pagdating sa bakbakan sa ring.

Ngayon ngang sunud-sunod ang pagkakapanalo si Manny Pacquiao, sa tingin ko si Ippo lang ang makakapagpataob sa kaniya. Iyun nga lang hanggang sa ngayon ay amateur boxer pa rin si Ippo.

Pero pasasaan bat magkakaharap din sila. At sa sandaling tumuntong na sa professional boxing ring si Ippo…Pacman humanda ka!


Alam ko natatawa kasi cartoon character lang si Ippo. Walang problema yun, gawing nating cartoon si Pacman…ayan oh pwede naman di ba?


naks®

Thursday, March 18, 2010

Eksena at Musikang Karaoke

Nagaganap ang eksena sa isang mumurahing videoke bar. Yun bang ilaw eh hindi mo malaman kung madilim na maituturing o maliwanag kasi kulay dilaw. Halos makita ka rin sa labas dahil may bahagi ng lugar na kung hindi sawali, pinagtabi-tabing buho.

Kaya ang siste, umaalingawngaw sa paligid ang bumibirit na mga manginginom kasabay sa liwanag ng buwan.

Dumating ang mga lalaking parang nabigyan ng rest day mula sa maghahapong pagta-trabaho. Sinusulit ang oras sa ngalan ng ilang boteng beer.

Bagamat pihadong naka ilang bilog o kwatro kantos na sila bago pumunta sa lugar, nais lang nilang tapusin ang paghaharap sa pamamagitan ng ilang kanta.

Kung titignan mo sila pwera sa serbesa at mikropono, baka mapagkamalan mo pa silang mga katipunerong sa ilang sandali lang eh maghihiwa sa pulso para pag-isahin ang kanilang dugo…oo blood compact!


At nagsimula na ngang tumapang at dumaloy sa kanilang mga dugo ang nainom. Skyline Pigeon ano pa ba? Kahit hindi tama ang lyrics basta katunog at lasing na, justifiable naman mabalahura ang classic ni Elton John paminsan minsan.

Nagsimula na ring umaali-aligid ang ilang babae na pwedeng makiupo at makiinom kung tatawagin. Mga hindi kagandahan pero pwede na para sa kalidad ng lugar.

Papayag ba naman ang kainuman ni Elton John na hindi magpasikat? Pero tila mas magiliw at masayahin ito kung nakainom...bumanat ng Touch By Touch.

Akalain mo, isang manginginom na nagre-relax ng bigat ng katawan eh kumakanta ng Touch By Touch? Wala namang masama kung tutuusin, matatawa ka nga lang makita siya habang sinasabayan pa ng sayaw matanda na yung mga braso at katawan lang ang gumagalaw.

Palibhasay nagpapatipo, kinuha ng isang babae ang mikropono sabay ehem. ‘Yun ang isa sa hindi ko maintindihan, bakit kailangang itapat ang mike kapag eehem? Pasakalye lang siguro sa magandang boses.

Siya pala ang Jessa Zaragoza ng videoke bar na ‘yun. Iba ang pagmo-modulate ng boses, hagod Jessa talaga pati galaw ng kamay. “Bakit ka pa nakita? Bakit pa nakilala…?” palakpakan naman ang mga kupal.

Eto na. May dumating na isa pang grupo na mas lasing sa mga naunang manganganta. Nung nagsimula silang kumanta ayaw nang pawalan ang mike na tila kinakainis naman ng ibang umiinom.

Buti na lang at hindi na umabot sa puntong may kumanta ng My Way at baka magkapatayan…bumaba na ko ng sasakyan.
Oo nasa pampasahero akong van pauwi ng Bulacan.

Lakas maka bad trip ng kasakay ko. Pinagtugtog ng malakas ang MP3 ng cellphone niya tapos walang headset. At oo ulit, mga ganuong klase ng mga kanta ang naririnig namin ala una ng madaling araw. Kainis!


naks®

Wednesday, March 10, 2010

San Na Si San?

Nakilala ko si San bilang isang batang palaboy. Bagamat madalas ay madungis, nakakatuwang bata si San.

Sa murang edad, may katangian si San na aalamin mo kung bakit siya pulubi. Hindi mo kasi siya makikitaan na tila ba nalulungkot o nasisiraan ng loob sa klase ng buhay meron siya.

Inalam ko kung anung buhay nga ba meron sa likod ng batang palaboy?

Hinanap din pala niya ang kaniyang mga magulang. Nagtagumay naman siya at nabago ang kaniyang buhay.

Nakita niya ang kaniyang ama at kapatid. Mayaman pala ang pamilyang kaniyang pinagmulan. Kung baga, panibagong mundo ang ginalawan niya nang makita niya ang kaniyang pamilya.

Pero talaga sigurong may kakambal na trahedya sa kaniyang buhay. Nasunugan sila at kasamang tinupok ng apoy ang kaniyang ama at kapatid.

Sa isang iglap, nabagong muli ang kaniyang buhay at bumalik sa pagiging palaboy. At mas masaklap…ulilang palaboy.

Kung saan saan na lang siya natutulog. Minsan, kung saan na lang abutin ng gabi.

Hindi lang pala ako ang natuwa kay San. Kung sinu-sino pala ang umampon sa kaniya. Hindi siya itinuring na iba.

Bagamat mahirap na pamilya lang din ang kumukupkop sa kaniya, binihisan, pinaliguan at pinakain si San ng mga taong naging pamilya na din niya.

Ang huling alam ko, nakulong si San matapos mapagbintangang magnanakaw.

Sabi ng ilang napagtanungan ko, may isang lalaki daw na naghahanap sa bata pero hindi lang talaga sila nag-aabot sa isang pagkakataon.

Ang hula ko nga, mayaman si San at baka may naiwang mana ang kaniyang ama para sa kaniya.

Sa kamasaang palad…ilang araw ko na ring hindi nakikita si San sa hindi ko malamang dahilan.

Bigla na lang kasing pinutol sa ere ng TV5 ang pagpapalabas ng "The Wanderings of San Mao" kahit wala pang tuldok ang kwento ng buhay niya.

Kaya panawagan sa pamunuan ng TV5, sana tapusin niyo muna yung kwento ng buhay niya, sige na!


naks®

Wednesday, March 3, 2010

Ano Sa Palagay Mo?


Nagkaka Last Song Syndrome ka na ba dahil sa kantang Bad Romance ni Lady Gaga? Ako oo!

Kasi naman eh, parang maya’t maya pinapatugtog sa mga istasyon ng radyo. Ke pang jologs na istasyon o pang class A-B, maririnig mo yung ra-ra-rara-rara.

Subukan mo kay Papa Jack o kay Mister Fu, minsan sasabayan pa nila at pati ang mga ingleserong sina Delamar at Chico Garcia ha, fan din ni Lady Gaga.

Sa isang banda, iba kasi ang dating ng kanta na yun sa lahat ng kanta ni Lady Gaga. Ito yung tipong pag pinatugtog sa bar o kaya intro pa lang ang binabagsak ng isang banda, magkakagulo na yung mga tao!

Pihadong tayuan lahat, unahan sa dance floor tapos sayaw na parang mga istatwang nabuhay.


Pero teka, totoo bang IDOL NI LADY GAGA SI POKWANG?


naks®

Wednesday, February 24, 2010

Gusto Mo Bang Yumaman?

Hindi pa naman ako sumusuko pero hindi na ang pagtaya sa Lotto ang nakikita kong number 1 na paraan para yumaman. Sa isang banda, tumataya pa rin naman kasi ako sa lotto kapag naisipan ko.

Iyun nga lang, maliban sa lotto, naghanap ako ng iba pang paraan…sabihin na nating hindi na kailangang tumaya. Matalas na pagtingin sa paligid lang ang puhunan.

Pakiramdam ko kasi, kukubain na ‘ko sa pagta-trabaho eh hindi pa ko yayaman o makapagpapatayo man lang ng sariling bahay.

Eto ang unang paraan…alam mo ba yung butanding? Whale shark ang English ditto. Madalas daw itong makikita sa Sorsogon. Mabait nga daw ang butanding at pwede ngang hipuin kapag nakasabay mo sa ilalim ng dagat.


Iyun nga lang, hindi daw lahat ng tao mabait sa kanila.

Kaya ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources magbibigay daw ng P100 thousand sa sino mang magbibigay ng impormasyon tungkol sa kumakatay ng butanding.

Aba P100 din yun! Isipin mo kung maka 10 kang tip sa BFAR edi may isang milyon ka na.

Kung madalas ka namang mapunta sa matataong lugar, talasan ang mata at subukang hanapin ang lalaking nasa larawan.

Bakit nga ba hindi eh limang milyon piso ang patong sa ulo niya. Hindi ko alam kung anong kaso ang kinasasangkutan niya pero pihadong hindi pipitsugin. Ikaw ba naman ang patungan ng limang milyon di ba?

Halos araw-araw kong nakikita sa bahagi ng NLEX ang wanted poster na iyan ni Bong Panlilio. Pagbaba ko naman sa Malolos, siyempre todo lingap ako malay mo makasalubong ko siya.

Eto ang pinaka-malaking pera kung saka-sakali. Hantingin natin ang mga Abu Sayyaf na sangkot sa Sipadan Hostages.

Kahit ba iilan na lang sila dahil napatay na raw ang iba, worth it pa ring hagilapin sila. Aba eh US dollars yata ang nakataya kapag Abu Sayyaf at Sipadan Hostages ang pinag-uusapan.

Tumataginting na $5 million ang reward sa mga lider nila. Abe eh kung magkataon na may makita ko kahit isa lang sa kanila, pwede na siguro akong magpahinga sa kakaisip kung paano yumaman.

Ah alam ko na, pagod lang siguro kaya kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ko at pati paghahanap ng mga kriminal eh napag tripan ko.

Kakapagod din kasi yung sobra sa kayod pero di makatikim ng ginhawa.


naks®

Friday, February 19, 2010

Paniniwala

Minsan lang nakakausap ng matino ang barkada kong si Agis. Pero magkaganun man, may prinsipyo naman siyang pinaniniwalaan. Sabi niya...

"Di bale ng tamad...
hindi naman pagod!"


Oo nga naman.

naks®


Saturday, February 13, 2010

Its MJ's Birthday

On February 17, Michael Jordan, who is considered as the best basketball player of all time, will be celebrating his birthday.



And so am I.

Not the best blogger, but a breather in this blogosphere.

berdey ko din...inuman na!

naks®

Friday, February 12, 2010

Huwag Kang Tumawa!

Oo wag kang tumawa kasi nauna na ang pagtawa ko.

Kasi naman eh, may nadaanan ako sa pag-iikot sa blogosperyo ng ganitong litrato, bakit ka nga ba hindi matatawa?



Justify Full
O sige wag mo nang pigilin, humalakhak ka na! Tawa lang ng tawa!

Sunday, February 7, 2010

Rated PG...Ulit

Di ko alam kung paano ba ito tatawagin. Una kasi itong nangyari pero ngayon ko lang ikukuwento kaya Part 1 na naging Part 2.

Pwede rin namang Part 2 na dapat sana eh Part 1 kasi nga unang nangyari.

Gulo parang bul*^%&!!!

Basta ganun iyun. Nangyari nung November 2004 nung ni-release ang passport ko. Dahil madali lang naman pag releasing, hindi ako nagtiis ng gutom sa pila at sa halip eh nakakain pa ng mas maaga.

Nung mga oras na yun, ayokong aminin na wala akong pera. Ang paniniwala ko, may lahi lang talaga akong rabbit kaya kalahating order lang ginisang baguio beans lang ang ulam ko.

(Pero ngayon inaamin ko nang wala akong pera nuon…hanggang ngayon!)

Sa isang karinderyang turo-turo ako kumain sa may labas ng DFA. May nakasabay akong isang babae na galing din ng DFA.

Nakita ko ang ulam niya, tinolang manok. Tulad pagkakataon ng kare-kare, may natirang isang pakpak at dalawang pirasong sayote sa mangkok niya.

Alam kong tapos na siyang kumain dahil ubos na ang kanin niya. Di rin naman siya umorder pa ng karagdagan.

Tinitigan ko ang natirang tinola sabay baling sa mata niya ang nangungusap kong mata.

Hindi pumasok sa isip ko na tanungin ang pangalan niya. Walang kaabog-abog, sinabi ko sa kaniya…

“Miss tapos ka na? Akin na lang tong natira mo ha!” Sabay ngiti.

PG talaga!

naks®

Wednesday, February 3, 2010

Rated PG

Sa kainan ng mga taxi driver sa isang sulok ng Timog Avenue ako naghahapunan kapag weekend. Sarado kasi ang canteen sa trabaho. Isa pa, subok ko na ang nilagang baka nila.


Imagine this, mainit na sabaw at maliban sa laman na hindi maganit o matigas, may kaunting taba na lumulutang-lutang. Ang sarap isawsaw sa toyo with kalamansi and sili kapartner ng umuusok na kanin!

Pero nung Sabado, nagdalawang isip ako sa nilaga…nakita ko kasi yung kare-kareng pisngi at tuwalya ng baka.

Naka-kondisyon na sana akong yung kare-kare ang iuulam ko. Iyun nga lang, nakita ko si Driver-A sa lamesa na hirap na hirap sa paghiwa sa tuwalya gamit ang kutsara. Walang knife sa karinderia!

Edi ayun balik ako sa nilaga.

Wala na akong maupuan. Si Driver-A lang ang nag-iisa sa lamesa nya. Bagamat may mga di pa naliligpit na pinggan, dun na lang din ako pumwesto. Siguro kaaalis lang ni Driver-B kaya ganun.

Nakita ko yung natirang ulam ni Driver-B, kare-kare at pisngi ng baka na siyang pinakapaborito sa putahing iyun kasi malagkit lagkit at mas malinamnam.

Binagalan ko ang subo. Nakita ko kasi si Driver-A, malapit nang matapos sa pagkain niya.

Eto na, mag isa na lang ako sa lamesa. Tumatakbo na sa isip ko nung oras na ‘yun kung paano ko makakahiwa sa inabutan kong kare-kare sa lamesa nang hindi ako makikita ng tindera kasi alam nga niya na nilaga lang ang inorder ko.

May bumili. Tumapat kay Aling Tindera. Success ang unang attempt. Yummy tangina!

Habang tinitignan ko, mas lalong nang-aakit, ubusin ko na daw siya maging ang bagoong na saktong sakto ang timpla. Di maalat pero may kaunting tamis.

Timing lang ulit ‘yan at nangyari naman!

Iyun nga lang, nung hinihiwa ko na ulit yung parte ng pisngi, pumunta sa lamesa ko ‘yung isang serbidora at niligpit yung ibang pinggan. Lintek hindi ko malaman kung lulubog ako.

Kaso nanduon na eh, katigasan na ‘yun. Pinanindigan ko na lang na nilagang baka at kare-kare ang ulam ko. Ang pumasok na lang sa isip ko, huwag sana akong sakitan ng batok sa cholesterol na pumasok katawan ko.

Habang naglalakad papalayo, nuon ko na hindi napigilang tumawa at mahiya sa sarili…Yaaak PG…patay gutom nyahaha.


naks®

Saturday, January 23, 2010

Katangahan Blues (Counter Fllow)


A few year ago, or let’s just say not so long ago, (pilipitin nyo man ang toot toot ko, hindi ko sasabihin kung anung taon ‘yun!) one of the yippies pa ang tawag ko noon sa sarili ko, nakilala ko ang salitang “counter flow.”

Ganito ‘yun….

Pinalad na lumanding ako nuon bilang isang manunulat sa isang national government agency na binuo para isang napakahalagang okasyon sa bansa.

Matapos ang isang event sa may bandand Ermita sa Maynila, napag-utusan ako at ang aking team na bumili ng meryenda para sa mga miyembro ng media (at para na rin sa mga PG kong co-staff kasama na ako.)

Jollibee Meal, burger, fries and coke, 50 orders. Madalian ang order. Kailangan kasi naming makarating ng Kawit, Cavite nang hindi pa natatapos ang isa pang event. Kapag nagkataon kasi, baka isalaksak ni Boss sa bituka namin yung mga bitbit namin.

Eto na, soooobrang traffic sa may Coastal.

‘Yun bang tipong mumurahin mo yung kapwa mo motorista na para bang kayo lang ang may karapatang dumaan sa kalsadang iyun. Kung baga sa opis, bisi-bisihan at dahil may hinahabol kami, galit-galitan kahit alam naman naming wala naman kaming magagawa.

Para malaman kung ano na ang lagay namin, tumawag na ang Boss. Kami naman si aligaga kahit hindi pa naman talaga namin alam kung bakit nga ba siya tumawag.

Nuon namin nalaman na kadaraan lang pala nila at malamang daw sila ang dahilan ng mabigat na daloy ng mga sasakyan. At para daw isang instruction na lang pina loud speaker yung cellphone…AKO ANG KAUSAP.

San na daw kami? San daw in particular? Sa tapat ng ano?

Nang makuha ang mga detalyeng kailangan, ang sumunod na utos niya…mag hazard daw (kahit hapon!) at mag counterflow kami. Ako naman si “OK po Sir.”

AKO: O, mag counter flow daw tayo, pero teka paano tayo lulusot dito? Anong street ba yung counter flow? San ba papunta yun? Di kaya traffic din dun?

BOSS: Oh my God! W#$5^*&@!!!!!

Hindi ko pala napatay ang cellphone. Nice meeting you counterflow! (Thanks to my ex-Boss)


naks®

Saturday, January 16, 2010

Wednesday, January 6, 2010

James Cameron For Best Actor

Sa mga taong nasa likod ng pinilakang tabing, lalo na yung mga friends ko sa Hollywood, ipagpaumanhin ninyo na minsan eh tumatangkilik ako ng mga pirated DVDs.

Nitong Miyerkules lang, bumili ako ng tatlo. Ang style ko kasi, hinihintay ko yung mga DVD copy para mas malinaw. Isang pelikula per disk na ibinebenta naman ng 3 for P100.

Tingin ko mas ok na yun kesa bumili ako ng 12 in 1 na singkwenta pesos nga lang pero maririnig mo naman ang tawanan at palakpakan ng mga tao habang nasa loob ng sinehan.

Baka nga kung flop pa ang pelikula at konti lang ang nanood eh makarinig ka pa ng halinghingan ng mga naglalambutsingan sa sinehan eh.


Eto na, isa sa binili ko yung paranormal activity. Wala lang kahit napanood ko na sa sinehan at kahit alam ko namang hindi naman talaga nakakatakot eh gusto ko lang takutin yung mga tao sa bahay namin.

Pangalawa yung SAW 7 na hindi ko alam kung bago nga ba ‘yun o luma. Basta sabi nung nagtitinda maganda daw ‘yun kasi hayup ang patayan. Nilalagare daw talaga yung katawan.

Ayus ang maganda sa kaniya ano?

Pangatlo yung AVATAR.

Eto na ang kwento. Sabi nung nagtitinda dalawa daw ang avatar nilang binebenta. Pero sabi ko yung palabas ngayon sa sinehan na siyang inabot naman niya sa akin.

Binusisi ko kasi baka iyun kasi yung palabas sa TV5 at tinignan ko rin yung pangalawang sinasabi niya.

Out of nowhere (weeeeh may ganun?) medyo napalakas yung basa ko dun sa “A FILM BY JAMES CAMERON” na nakasulat dun sa ibinigay sa akin. Kasunod nun, inaninaw ko naman yung isa pang binebenta.

Sumabat yung tindera…“o iyan nga yun kasi si James Cameron ang bida o tignan mo!?” sabay kuha niya sa ikalawang CD. “Ito from the director of Titatic, ibig sabihin yun ang director pero hindi si Camarons ang bida.” Oo Camarons na ang pagkakasabi niya sa pangalawang beses.

Dahil pigil na pigil na yung tawa, kinuha ko na lang yung sinasabi niyang bida si James Cameron tapos sinabi ko bago umalis…“ang galing nga ni James Cameron dito at malamang manalo pa siya ng Best Actor sa Oscars.”

Palagay mo? Bida rin kaya si Oscar?

naks®

Saturday, January 2, 2010

Pagsabog ng Sama ng Loob

Ayoko sanang simulan sa ganitong paraan ang taong 2010 pero ito ang direksyong tinahak ng ang aking pagninilay nilay.

Siguro kailangan lang talagang ilabas kung ano man yung mabigat na dinadala ko. Sa halip na daanin sa inom, pinili kong magkulong. Gusto ko sana ng radio para walang makarinig sa akin pero wala ng oras.


Walang nagpapalahaw ng iyak pero may kaunting luha sa mata ko. Walang hagulgol pero nagsusumigaw ang tunog ng ang aking sama ng loob. Parang sumasabog pero hindi sinlakas ng labintador.


Alam kong may iba nang nakakarinig at nasa labas lang sila, parang naghihintay sa paglabas ko. Hindi pa sana ako lalabas pero tapos na oras na inilaan ko para sa sandaling iyun. Kung anu man ang narinig nila, kanila na lang ‘yun.

Ang mahalaga sa akin, nagawa ko ang misyon kong mapagaan ang nararamdaman ko.

Dinaanan ko sila ng walang alintana. Ni hindi gumihit sa akin ang mga tingin nilang tumatagos sa aking mata…at muli akong lumabas sa isa pang pinto.

Ang hirap talagang tumae kapag nasa opisina, balik balik ang mga tao sa CR, buti na lang may cubicle. Ano magagawa ko kung masama ang tiyan ko at mas malakas talaga ang tunog kapag bumubulwak na di ba?

Parang pumuputok! Sinturon ni Judas, sunod sunod!


naks®