Sunday, December 20, 2009

Walang Tao




Sabi ng madaldal na parrot:

Patatawarin po. Wala ang may ari ng bahay, nagbaon sa lupa este nagbakasyon sa kung saan lupalop ng mundo.

Pero ang totoo niyan, uminom lang siya ng gamot para maging invisible siya. Wala kasing pera kaya ayun nagtatago sa mga inaanak. Naghihintay nga siya ng kainuman na invisible din eh.

Bumalik na lang daw kayo!

naks®

Friday, December 18, 2009

The Gift

Hindi ito yung cheesy na kanta ni Jim Brickman na pangkasal daw. Wala rin itong malalim na istorya na sisiid sa inyong damdamin at sa huli ay maiisip mong may aral kang natutunan sa akin.

Walang ganun.

Tungkol lang ito sa isang regalo na natanggap ko bagamat ilang araw pa bago mag Pasko. Teary eyed ko itong tinanggap na parang binigyan ako ng Ramon Magsaysay Award for Public Service.

Sinabayan ko pa ng litanyang “I can’t believe it! (weeeh sobrang OA na yan.)

Kilalang kilala na ko ng kaibigang nagbigay ng regalo. Mukhang hindi naman siya nahirapang mag-isip ng ibibigay at sapul pa nga dahil alam niyang pakikinabangan ko ‘to ng husto.

Dahil yosi boy…ayan ang regalong natanggap ko!


Simpleng simple ano? Ni hindi man lang nga cricket o kaya yung wind proof. Ang konswelo na lang diyan, may lighter sa pwetan.

Ito yung klase ng lighter na hindi man lang pagnanasahan ng mga nakakainuman kong mga tirador ng lighter. Yun bang habang tumatagal ang inuman, hindi na sa iniinom nakatingin kundi dun sa mga lighter ng kainuman na nakalapag sa lamesa.

At kapag malalim na ang espiritu ng alak, nagiging makakalimutin na ang lahat. Hindi na natatandaan kung saan nailapag ang lighter o kung sino ang huling nakisindi.

Sa ganuong pagkakataon, asahan mong nasa mabuting kamay na iyan ng isang tirador.

At kapag nangyari iyan sa iyo ng mga tatlong beses na, isipin mo na lang na may koleksyon ang barkada mo. Sensyales na rin ‘yan na gumamit ka na ng tatlo singkong lighter para may magbulsa man, para nawalan ka lang ng posporo.

Pero naisip ko, mumurahin man o mamahalin ang lighter na binigay sa akin na iyan, ang hirap palang ibulsa na pasimple? Yung bang mahirap na hindi mapapansin na pinagnanasahan at may nagbubulsa na pala.

Bakit ko kamo nasabi? Ayan o…



O ha! Regalo ko?


naks®

Friday, December 11, 2009

Ang Alamat Ng Sapatos, O Ng Paa?

(This piece was inspired by the photographs of Amor. Paa kasi ang paborito niyang subject eh)

Dahil panahon daw ng bago ang buwan ng Disyembre, maaga akong bumili ng bagong sapatos (medyo luma na nga ngayon eh).

Hindi naman sa ayaw kong makipagsiksikan sa mga shoppaholic na galit sa pera kapag nakatanggap ng bonus. Talaga lang may isang tingin ako sa sapatos na kapag nagustuhan, binabalik balikan ko para tignan hanggang sa mapag-ipunan.

Nakitulog ako sa pinsan ko minsan (dahil sa inuman) at umaga na ‘ko umuwi. Timing namang wala akong pasok kinabukasan kaya ok lang makipag sagaran. (motto ng manginginom: huwag aayaw hanggang hindi lasing, pero ang manginginom hindi nalalasing.)

Bago ako umuwi kinaumagahan, naisipan kong dumaan sa mall para balikan yung sapatos. (Akalain mong may oras na kong mag malling ngayon?)

Para namang gagong nanunukso yung sapatos na kung tutuusin mura lang naman pero heto at nagbigay pa ng 20% discount. Kaya ang 1,200 original price 960 na lang. Aba eh sinamantala ko na.

Eto na, dumating na yung araw na suot ko na yung sapatos. Siyempre excited. The usual kantyaw…binyagan na yan…kaya ayun, kaliwat kanang tadyak ang inabot ng pobreng sapatos.

Baka nga kung may sariling buhay ang sapatos, baka pinutakti na ng magkakapatid na mura ang mga nanadyak eh.

Nung bandang hapon na, nakaramdam na ako ng pananakit ng paa hanggang sa may nag trace ng saktong oras kung kailan ko ‘yun binili.

Kaya daw sumakit ang paa ko kasi umaga ko siya binili at hapon daw ang tamang pagbili ng sapatos. Kasi daw pag hapon bumababa na ang energy natin sa paa at mas lumalaki ang size nito kung ikukumpara sa umaga.

Kaya kung bibili daw ng sapatos, sa hapon gawin kasi sa ganuong oras daw ang sagad na size ng paa.

Taena ano yan, tinitigasan ang paa kapag hapon kaya lumalaki?

Anong scientific explanation naman kaya meron ito? May formula ba sila para maipaliwanag ito ng kapani-paniwala?


Ginawan ko ng paraan. Nagpa foot spa ako. Ayun edi nagkasya yung kawawang sapatos.

Nuon ko napagtanto, ang kapal pala ng kalyo at libag ng paa ko?


naks®

Monday, December 7, 2009

Walang Wala

Drain talaga ang utak ko nitong nakaraang mga araw.

Kahit anong piga ko, wala talaga kahit isang patak ng katas.

May sinumulan akong isulat, wala namang kalibog-libog

At dahil, wala akong facebook, nahalungkat ko ang friendster (jologs!)

Nito ko lang nalaman, nagkaroon pala ng reinvention ang FS?

Hanggang sa nahalungkat ko ang litratong ito.



Pasensya na

Sinaktan kita

Minahal kita

Ngayo’y alam ko na

Ikakasal ka na pala


naks®

Thursday, November 26, 2009

Estudyante?

Lahat siguro tayo merong mga klasik ekspiryens sa jeep ano? Maliban na lang kung ikaw ay ipinanganak ng may gintong karsulsilyo, I mean silver spoon in the mouth. You know!

Mga karanasang simple at nangyayari araw araw pero huwag ka, dahil nangyari sa jeep, tatak Pinoy ang mga iyan.

Teka huwag na nating isama sa kwentuhan yung mga biglaang holdapan at yung mga nanghahablot ng mga cellphone ha!?

Eto yung mga natandaan ko nitong lang huling sakay ko. Nasa kalagitnaan ako kaya naman ke nasa likod o unahan ang pangyayari, hindi nakaligtas sa mata’t tenga ko.



UNANG EKSENA

BABAE SA MAY LIKURAN: Ma bayad po isang crossing. (abot sa akin ng bente pesos na inabot ko naman sa driver)
DRIVER: Saan to?
BABAE: Crossing po isa lang?
DRIVER: Ilan tong bente?
BABAE: Isa nga po!

Taena muntikan na kong malaglag sa kinauupuan ko. Makipagsabayan ba naman sila sa malakas na kalasing ng sound system ng jeep sa saliw ng musikang “Kasalanan” na collaboration ng 6 Cycle Mind at ni Gloc 9, ewan ko lang kung magkaintindihan sila.

IKALAWANG EKSENA

May nagpa-abot sa akin na sampung piso na iaaabot ko naman sana sa driver. Kaso may isang matanda na nagmagandang loob na abutin sa akin ang pera at siya na ang nagbigay sa driver. Ayos na sana di ba? Eto na…

DRIVER: Kanino po itong sampo? (Dahil ang matanda ang nag-abot ng barya, siya ang nilingon ng driver)
MATANDA: aba hindi akin iyan, kanino daw iyun?
DRIVER: Saan po ito bababa?
MATANDA: Aba eh hindi ko alam!

Moral of the story, huwag mag-aabot ng bayad sa matanda baka kasi akala nila sa mga susunod na tanong ng driver eh inaakusahan na siya ng kung ano. Buti na lang at hindi nagtanong ang driver ng kung sino ang pumatay kay Lapu-Lapu!

IKATLONG EKSENA

Eto na ang malupit kasi ako na ang sangkot dito!

AKO: Bayad po diretso crossing, isa lang. (Dahil nasa gitna lang ako ng jeep hindi ako nakipagpatintero ng tanong at sagot sa kaniya ng kung ilan at saan bababa)

Dahil may sukli pa ko, nakatingin lang ako sa harap hanggang sa nakita ko na lang yung driver na tumingin sa akin yung driver dun sa salamin sa may taas ng windshield, sabay tanong …

DRIVER: Estudyante ba?

O ha! Laban ka? Umiling na lang ako. Hindi na ko nagsalita pero alam kong nangingiti ako ng palihim. Estudyante, etchusero din yung driver na nasakyan ko, ano!?


naks®

Sunday, November 22, 2009

Libog Lang 'Yan

Minsan may mga naririnig tayo sa kanta, nababasa pocketbooks, minsan kahit dito mismo sa mga blogs, o kaya eh mga nasasambulat na pamatay na litanya.

Yun bang tila hindi masyadong pinag-isipan, pero nararamdaman!

Yun bang makalaglag pustiso, luha at laway na dialogue na hindi mo alam kung mababaw ba o malalim ang ibig sabihin.

Yung kapag binitawan sa totoong bu
hay…full of emotions na hindi mo naman alam kung exclamation point ba o tutuldok (tatlong tuldok) ang nasa dulo kung ita-transcribe.

Mga klasikong halimbawa…

its killing me
the are matters that should be left behind
i am over you
move on
i’m letting you go
i will soon forget you

Namnamin mo…isa pa, yung may mas malalim na pagninilay nilay...yung may pinaghuhugutan ng emosyon. Nanuot na ba sa ugat mo yung feelings?

Sagutin mo ko, hindi kaya ang ibig sabihin lang ng mga iyan eh “LIBOG KA LANG?”

NAKANTUTCHANAMANMULONG ANONGPAUTOTNAMANYAN?


naks®

Wednesday, November 18, 2009

Praning

Mga adik lang daw ang napa-praning. Ewan ko lang!

Malamang epekto ng natira kong katol at kaya tuyong dahon ng papaya noong bata-bata pa ko, nagiging malikot ang pag-iisip ko tuwing ala una ng madaling araw.

Ayaw ko namang isiping sadyang malikhain lang ang imahinasyon ko kasi halos pare-pareho lang naman ang eksenang namumuo. Mahirap sa pakiramdam kapag inatake ka ng ka-praningan, peksman!

Yung overpass sa Cubao ang dahilan ng lahat. Yun bang nasa tapat ng Baliwag transit, alam mo ba yun?

Kita mo, hindi ko nga makuhanan ng litrato kasi, parang may hahablot ng cellphone ko kapag sinubukan kong kodakan.


Kasi ba naman eh, tumatawid ako duon limang beses sa isang linggo…tuwing ala una ng madaling araw. At kung mamalas-malasin pa, minsan alas dos na!

Pag-akyat mo dun, makikita mo na medyo may kadiliman kahit nasa lungsod ka ng liwanag. May kung ano na parang makakaisip ka ng isang eksena. Pero hindi yung mga rated R, kundi yung mga gory, crime scene in other words.

Bagamat may kadiliman, aninag pa rin yung mga taong nakahiga. Hindi lang isang tao yun, kumpol kumpol sila.

Kahit sabihing madaling araw na, malay ko ba kung tulog nga sila. Pwede namang nagtutulog-tulugan eh.

Sabihin na nating hindi ko man lang sila binigyan ng benefit of the doubt, bigyang diin ko lang na nasa Cubao itong sinasabi ko. Walang benefit benefit of the doubt muna.

Hanggang hindi ako nakakatawid, pakiramdam ko hindi ligtas ang buhay. Para bang pagtapat ko sa kanila, may tatayo sa magkabilang gilid, may haharang sa harap at pag-akbay eh kasabay na yung pagtutok ng balisong o ice pick sa leeg ko.

Sa hirap ng buhay, malamang sa hindi ko naman ibigay agad yung wallet ko at sa halip eh manlalaban ako. Kaso tutuluyan nila ako hanggang sa magka-gripo na ko sa tagiliran.

Kaya minsan, humahanap ako ng timing. Maghihintay ako ng makakasabay. Kaso nung naglalakad na kami, naisip ko naman na paano kung yung sinabayan ko pala ang holdaper? Yari ka!

Langya naman, bilis ng oras alas diyes na pala, maya maya ala una na. Nakaka-praning.


naks®

Friday, November 13, 2009

Tara, Laro Tayo!

Maliban sa "Hoy Inday, kainin mong itlog ko!" na famous dialogue ni Aiza Seguerra sa "Super Inday and the Golden Bibe," nauso pa ang itlog sa iba pang pamatay na mga linya.

Laro iyun ng mga anak pawis at ng mga ayaw mapagod.

Laro ng mga anak pawis kasi kung may game and watch sila o kaya e tetris, hindi sila mag-iitlugan at sa halip eh magsusulok kapag recess habang kumakain ng cupcake partner ng magnolia chockolait.

Obvious naman sa mga ayaw mapagod kasi hindi ito tulad ng painan o kaya eh patintero. Kapirasong utak lang din ang kailangan.


Ang mechanics, papalitan lang ng salitang itlog ang key word sa pamagat ng isang pelikula o kaya naman eh kanta.

Halimbawa…Narito Ang Itlog Ko na nanggaling sa Narito Ang Puso Ko.



Kung gagawa tayo ng adaptation nito sa mga (korning) palabas sa TV ngayon, click pa rin kaya? Nakakatuwa pa rin kaya o nakakanis na?

"DAHIL MAY ISANG ITLOG" bida sina Kristine Hermosa at Jericho Rosales.

O kaya naman eh "ITLOG SANA" na pinangungunahan nina Jenelyn Mercado at Mark Herras. Wa epek na yata.

Di ko tuloy ma imagine na natatawa kami sa ganitong katarantaduhan noon. Malamang sa malamang, katatapos lang ng bayaran sa PTA, wala akong baon, kaya mas pinili kong makipag-utuan ng ganito kesa makipagsapalaran sa palabunutan sa labas ng eskwelahan para manalo ng sisiw.

Sa pagkalibang ko naman sa pakikinig ng Wild Confessions sa Love Radio tuwing madaling araw (na pinakikinggan din ni Yanah), maliban sa mga kwentuhang kabastusan tulad ng pagkekembelar, eskabetche, push da button at iba pa, pwede palang magpa-uso si Papa Jack (DJ).


Katulad din ito ng larong itlog, pero mas mature. At malamang, mas nakaka-challenge mag-isip ng nakakakiliting pambato. Yung verb sa kanta ang aalisin at papalitan ito ng TOOT-TOOT! (Just provide the appropriate prefix, naks!)


Halimbawa…."BASTAT KA-TOOT-TOOT KITA" O anong kanta yan ni Dingdong A?

Eto Eheads revival, “TUWING UMUULAN AT KA-TOOT-TOOT KA!”

Nakiliti, I mean, natawa ka ba? Owwwss peksman? Sige nga isip ka ng bet mo dali!

Teka lang, hulsam ang larong ito ha!


naks®

Wednesday, November 11, 2009

Tikman Mo Kung Gusto Mo

May bagong alaga na naman si Eros Atalia. Hindi ko alam kung alaga nga ba ang turing niya kapag libro na ang mga kwentong nagmumula sa malikot niyang kamunduhan. I mean pag-iisip.

Sabihin na nating title pa lang ulam na, “Ligo na u, Lapit na me.”

Pag tinignan mo din ang pabalat, mangingiti ka kahit wala namang kumukiliti. Hindi ko nga alam kung saan niya nakilala yung lalakingmay pamatay ang ngipin at ngiti kasi dalawang beses na siyang nasa cover ng libro ni Eros.

Iyun nga lang, pag maganda ang taytol, samahan mo pa ng maka-agaw pansing kah-ver, mas mataas ang expectations. Sabi nga, pag binulatlat na, dapat may sustaining power, hindi hanggang labas lang.

Hindi ko pa natatapos basahin ang libro pero sa mga nadaanan na ng mata eh mukang swak naman sa panlasa (as if my opinion whether it is good or not matters hehehe, nag feeling critic na naman ako.)


Basta ang sabi, medyo lumabas daw ang romantic side ni Karl Vlademir Lennon J. Villalobos alyas Intoy na siyang bida rin sa “Peksman, mamatay ka man, nagsisinungaling ako.

Sa madaling salita, nalibugan na si Intoy sa katauhan ni Jen.

Kung ano man ang mga kaganapan sa likod ng salitang “nalibugan” eh kayo na ng dumiskubre. Meaning bumili ka kung gusto mo.

Bilang patikim (patikim lang ito ha) tinalakay (as in malalim at marubdob) sa libro kung “kailan ang ideal date para mag suicide.” Ayos ano?

Malalaman mong hindi magandang magpatiwakal kapag buwan ng May kasi nga naman madaming pyestahan. Huwag rin daw February dahil buwan ng mga puso (at kiskisan ng mga nguso.) Korny daw ang dating mag-suicide kapag ganitong buwan.

Sa Ligo na u, muling ipinamalas ni Eros kung bakit siya si Eros Atalia ngayon. May sinasabi pero di mo kailangang mag-isip ng malalim. (Kaya nga ba hindi ako nagbabasa ng Harry Potter eh, alam ko ang kalibre ng utak ko nyahaha)

Sana lang makarating itong mensahe ko sa kaniya. Baka sakaling alam ninyo kung paano niya matitikman ang karakas ko, eh tulungan niyo na lang ako.

Eros Atalia, may bago ka mang alaga, MAS MAGALING PA RIN AKO SA IYO!


naks®



Saturday, November 7, 2009

SORI, I Misd Ur Berdey

Mea Culpa!

Sabi nga ni Elton John, sorry seems to be the hardest word. Pero wala na kong magagawa, I am sorry. Ipagpatawad mo!

Di ko alam kung sapat na ang salitang ‘yun pero parang pakiramdam ko hindi pa rin.


Makalimutan ko ba naman ang first birthday mo eh. Baka kung nakakapagsalita ka na ngayon, pagmumura ang una mong masasabi.

Hindi lang yun, baka ipagduldulan mo pa sa mukha ko kung ano ang naging pagkukulang ko. Unang birthday, at sa unang isang taon mo sa magulong mundong ito eh hindi kita naalala.

Samantalang ako ang gumawa sa iyo!

Para bang lahat na lang ng pabor hiningi ko sa iyo. Pag may problema, sa iyo ko isinasangguni. Kung meron naman akong gustong pagtawanan, kanino ko ba inilalahad? Sa iyo din.

Hindi lang iyun, dahil minsan inunahan na nga kita eh. Ako na mismo ang nagsabi na ang dami kong angst sa buhay. Kasi naman parang ang dami kong frustrations diba? Oh ayan na naman ako.

Yung mga pangarap ko? Yung mga bagay na gusto kong makamit? Yung mga lugar na gusto kong mapuntahan? Lahat ng iyun, ikaw ang nakakaalam.

Nagkulang man ako, alam mo naman na kasama ka sa lahat ng iyun.

Huli man daw at magaling, huli pa rin. Pero mabuti nang huli kesa tuluyang makalimot. (baka isumpa mo na ako pag naging ganuon ang sitwasyon.)

Hayaan mong ipaabot ko sa iyo ang pagbati ko ng maligayang unang kaarawan. Sana mag mature tayo pareho at sana eh matagal pa kitang makasama.

Mga katoto, isang taon na pala ang naks naman nitong September.


naks®

Thursday, November 5, 2009

Isa Munang Patalastas

Eto na, ilang araw na lang at nakatakda na namang makipag-basagan ng mukha ang ating pampabnsang kamao – si Pacman.

Sabi nga ng mga OA (ooooops sige na nga exaggerated na lang!) nating mga pulis at kung sinu-sino pang sumasakay kapag may laban si Pacman, humihinto daw ng ikot ng mundo para sa mga Pinoy.

Ang kinakaba ko lang baka dahil sa sinasabing paghinto ng ikot ng mundo, sabay sabay matigok ang mga umeepal na mga ito.


Pero bago mangyari iyan, isa munang patalastas. Tutal din lang at pihadong puputaktihin ng commercial ang nalalapit na laban, eh makikisawsaw na rin ako.

Una, ibibilang na daw ba sa official campaign ad ng kakandidato sa 2010 elections ang mga political ad na lalabas sa a-15? Walang duda kasing kasing magsasalitan ang mga mukha ng mga pulitiko tuwing pagkatapos ng round eh. Magpapagalingan at magpapabaitan silang isa-isa na parang sila ang sasagip sa bansang Pilipinas.

Sabi ng iba, oo daw kasi simula na ‘yun ng filing ng certificate of candidacy. Pero banat ng ibang kampo, hindi pa kasi parehong political ad naman daw iyun na nakikita na natin sa araw-araw.

Ibig sabihin wala pang “For President” o kaya eh “For Senator” sa commercial mismo. Laki ng pagkakaiba ano?

Teka muna, hindi iyan ang patalastas ko. Wala naman akong mahihita sa kanila.

Ito naman sapantaha ko lang ha. At huwag ninyong ikagagalit. Sa tingin ko kasi matatalo sa laban si Pacman.

Kahit ilang ikot pa ulit ang gawin niya sa oval ng Luneta at akyatin man niya ang statue of Liberty, mukang kakapusin siya sa kalaban. At oo kahit maligo pa siya ng paulit ulit, wala pa ring epekto.

Kasi naman, panlaban lang sa balakubak ang Head and Shoulder? Eh Cotto kaya ang makakaharap niya eh, paano yan?

Tawa muna dyan…wag kang KJ!


naks®

Saturday, October 31, 2009

Kwentong Undas

Lahat siguro tayo nangolekta ng mga tulo kandila sa mga sementeryo nuong araw. Yun bang gagawing hugis bilog tapos ibebenta.

Pero ako, dalawa ang ginagawa kong bilog. Yung isa ipapasa ko sa eskwelahan kasi kailangan daw para makagawa kami ng floor wax. Kaya pag umuwi ako, napapagalitan ako kasi magkahalong gaas at tinunaw na kandila ang amoy ko!

Eto ka, may pagkakaiba yung iniipon kong kandila. Yung galing sa mukhang mamahalin, sa teacher yun para ma-onor ako! Sabi ko mukhang “earth.”

Yun namang pangbenta, nilalagyan ko ng bato sa gitna…pampalaki at pampabigat. Akala ko naman ako lang nakaka-isip nun. At akala ko din, hindi yun mabibisto ng mga bumibili.

Eto na, minsan isang undas bago pumasok ang taon kung kelan ako tinuli, antok na antok na ako nung pauwi na kami. Hanggang sa nagkapalit na pala yung mga binilog na kandila.

Tanong tuloy ni Maam kinabukasan, “gusto mo bang ipukpok ko sa iyo ang batong sinama mo sa kandila?”

Ayun umuwi ako ng umiiyak. Big deal kasi pag napagalitan ng teacher eh…baka hindi ako ma-onor!

...

Nung first year college, Manila boy ako! Kaya kailangan todo porma…kahit undas!

Impluwensya ni Agis ‘yan. Taena kasing payatot na yun, paniwala niya, dahil maraming tao kapag undas, it’s a must na may bago kami kahit sa sementeryo lang pupunta. Ang jologs ano!?

Uso nuon sa Maynila yung sandals na pang aktibista. Lalo pa’t taga Peyups ako, kaya talagang tinarget kong magkaroon ng ganun para pang Undas.

Nagtagumpay naman ako. Kaya nga lang nung November 1 na mismo, umulan ng malakas.

Kaya nung gumabi na at oras na ng pormahan, lusak at maputik sa malaking bahagi ng sementeryo. Dahil kasubuan na, pinanindigan ko na lang.

Gumala kami sa sementeryo suot ko yung (lintek na) sandals na yun habang nagpuputik ang paa ko!

Di baling maglupa ang paa, makaporma lang!

...

Pag undas, nagkakaroon tayo ng mga kakilala na tuwing November 1 lang natin nakakahalubilo.

Sila yung mga di naman talaga natin kakilala pero kakwentuhan at kapalitan natin ng chichirya habang nagbabantay sa mga puntod.

Sa paglipas ng taon, napapansin natin yung mga pagbabago. Tulad na lang ng mga batang kaedad ko noon. Mahihiya ka nang titigan siya kahit alam mong siya kalaban mo sa pagkuha ng tulo ng kandila noon.

Dalaga na aksi siya ngayon.

Ngayong undas siguro, pamilya namin ang mapapansin nila. Nabawasan kami ng isa, wala yung lagi naming taga dala ng mga kandila, si Kaka.

Magugulat yung mga katabi namin na makitang yung litrato niya habang nasa harap na ng isang nitso at may tirik ng kandila.


naks®

Saturday, October 24, 2009

Bakit Wala Akong Farmville?

Kapag petiks ang oras, madalas nakikita ko ang mga ka-opisina ko habang nagtatanim…sa harap ng computer.

Yung Farmville ba!?

Minsan may nagtanong sa akin, madami daw ba akong rice, manghihingi daw sana siya. Sabi ko naman wala akong facebook.

Para bang malaking kawalan ang facebook sa buhay ng isang tao. Bakas ang pagkamangha sa kaniyang mukha sabay nag-iwan ng tanong…bakit ayaw ko daw ng Farmville?

Walang kagatol-gatol, ganito ang naging tugon ko…

Ayoko ng Farmville kasi ayokong maging magsasaka pero hindi dahil hindi ko kayang magsaka ng lupa. Laki ako sa hirap!

Kung nagkataon kasi, malamang mapabilang dun ako sa mga magsasakang nakikipaglaban hanggang ngayon upang mapasa-kanila ang lupang matagal na nilang sinasaka.

Katulad na lang ng Sumalao farmers. Sa lupa nilang sinasaka, dito na sila tinubuan ng ugat. Malamang-lamang sa lupang ito na rin sila malalagutan ng hininga pero hindi nila maaaring ilibing duon ang labi nila.

Sila ang mga magsasakang naglalamay sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform bagamat hindi alam kung may pakialam ba sa kanila ang mga opisyal nito.

Minsan na rin silang inaresto dahil nagkilos protesta sila sa loob ng mababang kapulungan. Halos upuan kasi ang panukalang batas na magbibigay ng “TUNAY” na Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP.

Bilang konswelo de bobo, naisabatas naman ang Reformed-CARP. Ibig sabihin pinalawig lang ng lima pang taon ang programa.

Hindi naman daw lahat ng may Farmville ay magsasaka. Pwede ring sila ang may ari ng lupain.

Yun na nga eh. Mas mabigat yun!

Paano kung ako nga may ari ng lupa tapos minsan eh napasyal ako sa aking bukirin para magpalamig. Dahil galit sa akin ang mga magsasaka, paano kung kuyugin nila ako?

Baka makita ko na lang silang nagpupuyos sa galit, papalapit sa akin, may hawak na karit at sa isang iglap ay isa-isa nila akong inuundayan sa leeg!

Hanggang sa tuluyang sumagitsit ang sarili kong dugo sa aking lupain!

Bakit ko pa ba gugustuhing magkaroon ng Farmville?


naks®





Wednesday, October 21, 2009

Labanan Na 'To!

Ilang beses nang lumabas dito
ang paborito kong litrato…

Punong puno kasi ng aksyon diba?
Pasensya na lasing eh!



Pero akalain mong may humamon…?


Umaapaw din ang aksyon! Pasensya na ulit lasing eh!

Pero alin nga ba ang pang-award ang dating?


naks®

Saturday, October 17, 2009

Parang Ako Lang

Ang kare-kare bow!

Sige, wala namang duda na magkakasundo tayo na isa anng kare-kare sa pinakamasarap na putaheng pinoy. Magkakatalo na lang daw sa pagkakaluto.

Meron kasing iba na malabnaw ang timplada. Samantalang yung iba naman nasosobrahan ang lapot

Bakit nga naman kasi nilagyan na ng sandamakmak na dinikdik at dinurog na mani, nilagyan pa ng ¼ kilo ng peanut butter. Paano pa lalasa ang gata at ang ibang rekado?

Dapat bang pagdebatehan kung karne ng anong hayop ang dapat na main ingredient at mas masarap, baka o kalabaw?

Pareho naman kasing masarap diba? Pareho ding nagpapalagkit, nagpapa creamy at nagpapa-yummy ng sabaw ng kare-kare kung baka man o kalabaw.

Pero teka, anong parte ba ng baka o kalabaw ang gagamitin? Pata ba? Pisngi kaya? Iba kasi ang lagkit na bigay ng taba na galing sa pisngi eh.

Iyun nga lang, karamihan ang gusto eh twalya daw o kaya eh libro. Langya dati akala ko kung ano yung twalya at libro na ginagawang ulam eh, bahagi pala ito ng kanilang bituka.

Teka, paano napagkasunduan na ang lahat ng rekado at naluto na rin, naihain na nga ang umuusok pang sinaing, pero nang kakain ka na, nakita mong wala palang bagoong?

Parang ganun kasi si Mulong, masarap pero may kulang!


anglupetmotaenangshet!

naks®

Friday, October 9, 2009

Saludo - Sundalo

Sa magkakasunod na bagyo na nanganak ng baha at nagparamdam sa ibat ibang probinsya sa mahal nating Pilipinas, hindi maitatatwa ang naibahagi ng mga magigiting nating sundalo.

Mula noong bumubuhos pa lang ang ulan, hanggang sa tumaas na ang tubig, pagliligtas ng mga biktima na umabot sa pamimigay ng mga relief goods, sila ang inasahan.

Hindi pa natatapos ang gampanin nila sa mga biktima ng bagyong Pepeng, tinapik na naman ang kanilang balikat para muling balikatin naman ang hampas ng bagyong Pepeng sa mga probinsyang nasa itaas.

Dahil diyan, hindi ko ipagkakait ang isang saludo para sa kanila.

Pero maliban sa mga sundalong naka uniporme, marami pang kababayan natin ang nagpakita rin ng katangiang sundalo. Ginampaman nila ang mga gawaing hindi naman hinihingi sa kanila.

Sila yung mga ordinaryong mamamayang nagbigay ng kanilang oras at pagod upang tumulong ng walang hinihintay na kapalit.


Para sa kanila, “matic” na yung kapag dumating ang ganitong pagkakataon, hindi sila nagdadalawang salita na magboluntaryo sa pagbibigay ng serbisyo.

Wala man daw silang pinansyal na maibibigay sa mga nasalanta ng bagyo, kahit man lang sa maliit na paraan ay may maibahagi sila upang tulungang makabangon sa bangungot na sinapit ang mga biktima.

Maliban sa nagbibigay ng serbisyo, sundalo rin siyempreng maituturing yung mismong mga nagbibigay ng donasyon. Ano nga ba ang maipapamigay sa mga nangangailangan kung wala namang donasyon?

Hindi naman pwedeng laway di ba?

Tingin ko sila yung nakatagong sundalong hindi nangangailangan ng uniporme. Saludo rin para sa kanila.

Akalain mong habang ninanamnam ko ang pagod at hirap ng mga sundalo at ng mga nakatagong sundalo, may nakita akong commercial sa TV!?

Si Pacman ba habang dinidisplay ang kaniyang buhok na walang balakubak. Siguro sooner or later, kapag humaba na ang kaniyang bigote at balbas pwede na ring bentahe na rin sa isang commercial!

Nataon pang nagsagawa din pala ng sariling relief operations si Pacman maliban pa sa ibinigay na isang milyong pisong donasyon.

At natapat pang “HIDDEN SOLDIER” pala ang commercial ni Pacquiao?

Akalain mong siya pala ang modelo ng nakatagong sundalo? Sige na nga, saludo na rin sa kaniya.

naks®



Saturday, October 3, 2009

Bangon Na, May Araw Na




NANINIWALA AKO, BABANGON ANG PINOY!

pagkatapos ng unos, sisikat ang bagong umaga.

ito’y upang maghatid ng ngiti at ligaya.

magpapakita ang haring araw.

nang sa gayu’y magbigay sa atin ng tanglaw.

at higit sa lahat, para sa lamig ay may panangga…

araw ang magpapatuyo ang ating mga labada.

Wednesday, September 23, 2009

Kailangan Kita...

Year 2001 nang nagkasama tayo. Pero sa di inaasahang pangyayari, tumagal lang ito ng ilang buwan.

Ngayon aaminin ko, kasalanan ko!

Nang mawala ka sa akin, nasobrahan yata ako sa pride, hindi ko ininda. Halos kulang na lang yata eh sabihin ko sa iyong “eh ano ngayon!” Akala ko kasi hindi ka mahalaga sa akin!

Alam ko din na sobrang nainsulto ka nung gabi mismong nawala ka. Kasi naman eh, bakit nga ba naisama kita sa kolasese?

Edi ayun, nung nagsimula nang sumayaw yung mga babaeng mga balat lang ang suot, nakalimutan ko nang kasama kita.Lalo na nung nasundutan ng ilang bote ng beer, umuwi ako ng lasing…at tuluyan kitang nakalimutan.

Hindi ko inasahan na babalik ka. Pero hindi ko rin binalak na palitan ka.


Higit sa lahat, hindi na pumasok sa isip ko na mahalaga…Not until recently.

Magtatapos na ang 2009, korni pakinggan pero sa term siguro ng mga emo, baka ngayon lang daw ako nakapag move on. May ganun? Pakshet!

Taas na rin ang kamay ko, mahalaga ka pero hindi ang pagbabalik mo ang solusyun sa problema at sa halip ay kailangan na kitang kalimutan.

At ngayon nga ay may bago na ko!

Ayos na ulit ang paningin ko kasi may bago na akong salamin! At TIMEX pa ha!


naks®

Sunday, September 20, 2009

Expired Na!

Unang litaw pa lang ng jacket na may disenyo ng bandila ng Pilipinas, gusto ko nang bumili. Dahil ang Adidas ang unang naglabas nito, napalitan yung gusto kong bumili ng “gusto kong magkaruon.”

Iba kasi ang dating diba? May sense of nationalism. Nanduon yung pagiging proud na oy Pinoy ako!

Hanggang sa nauso nang nauso at hindi lang jacket ang makikita ngayon kundi pati mga caps, t-shirt. Pati tsinelas nga, may nakita ako eh.

Aminin na natin, may mga sundot sa pag usbong ng mga ganitong disenyo tulad ng pagkamatay ni Francis M. na lalong pinayabong sa pagpanaw ni dating pangulong Cory Aquino.

Kahit sandamakmak na ang nakakasalubong ko na naka-Pinoy flag jacket, hindi naumay ang pagkagusto kong magkaroon nito. Kung baga, hindi humupa ang dugong makabayan!

Sa katunayan, iyan ang huling disensyong nakita at nagustuhan ko. Simpleng simple diba?

Yun nga lang, sinabi ko sa sarili ko na hindi ako bibili ng Pinoy flag jacket kung hindi rin lang ako pupunta ng ibang bansa. Mas ibang level kasi ang dating diba kapag nakasalubong ka ng mga kababayan natin halimbawa sa Dubai tapos naka ganuong klaseng jacket ka diba?

Pwedeng sabihin ng mga coñotic na Pinoy sa ibang bansa na jologs pero dun sa mga simpleng OFWs, iba ang arrive.

Yun nga lang, mukang nakalipasan na ko ng kondisyon kong iyun. Malamang sa madagdagan na nang madagdagan ang disenyo ng mga jacket pero nandito pa rin ako sa Pinas

Ibig sabihin, hindi pa rin ako bibili at magkakasya na lang sa pagtingin sa mga display sa mall.

Incidentally, nahalungkat ko ang Passport ko. November 29, 2010 pala ang expiration date. Itinago ko na lang din agad dahil nakita kong masama ang titig sa akin ng litrato duon.

Sa loob-loob siguro niya, ibyahe mo naman ako!

Aba eh sa akin, sasagutin ko naman siya ng kahit papaano, nadikitan din siya ng Visa, natatakan din naman siya ng stamp pad ng Immigration Department ng ibang bansa.

Yung sa iba nga eh, nae-expired at nae-expired ng ang tatak lang eh yung travel ban sa Iraq at Afghanistan diba?

Incidentally ulit, nag ano ako. Namputcha, di na pala tumatalon nang mataas!?

Taena expired na rin yata!

naks®

Wednesday, September 16, 2009

May Nakilala Akong Blogger

Guys meet Ella Rose or simply Number 88. Siya yung nakilala ko.

Naglalakad-lakad ako nung isang araw sa National Bookstore. Naagaw ang pansin ko nitong babaeng naka-pink bra na parang pag aerobics din. Siya yung tipong, kahit nalagpasan mo na, lilingunin mo at babalikan mo ulit ng tingin.


Iyun nga lang, di ko siya nakilala ng personal. Libro lang kasi ang nakilala kong Ella, laman ang mga sinulat niya sa blog.

Walang panama si Ella kung ililinya mo siya sa mga batikang manunulat. Pero ipupusta ko ang bulsa (bahala na kung may laman) magugustuhan mo siya. Pangingitiin ka at baka sa isang punto eh kukurutin ka din ng konti.

Sa edad na 18, nagtrabaho bilang masahista si Ella (malamang sa ngayon eh hindi na) at nakilala bilang number 88. (Tantya ko nasa 23 or 24 na siya ngayon.)


Dahil walang litrato ang libro, wala akong idea sa itsura niya. May nakita akong naka frame na puzzle ng isang babae sa bahay namin kaya isipin na lang natin ganyan ang itsura ni Ella.

Matapang ang mga kwentong isinulat ni Ella sa kaniyang blog. Matapang kasi wala siyang hesitations sa paghahain ng karanasan niya sa MP o sa massage parlor at kung paano siya naging “batikang” masahista.”

Lahat nakabuyangyang, mula sa alamat ng balot at talot hanggang sa kailangan na niyang magdesisyung iwanan ang pagmamasahe.

Para lang kasi siyang ng nagku-kwento. At sa pagtatapos ng bawat post, mabibitin ka pero gugustuhin mong magtanong at kausapin siya.

“Talaga may naging customer kang babae who asked you to go down on her? Lupet naman nun!”

“May naging customer ka ba na na-attract ka din at tinamaan? Hindi yung tipong gusto mo lang dumaan din ang katawan nila sa palad mo ha.”

“Teka huwag mong isama yung supervisor ng hotel ha, di ko nga maisip yung tawanan siguro ninyo ni Carol nung tinuturuan mo siya ng "special". Teka kumusta na nga pala si Carol, nanduon pa din ba siya?”

“Yung kasamahan mo na nasobrahan sa Shabu, nakita mo pa ulit siya? Kawawa naman ano? Paano na yung mga anak niya? Teka anong course nga ba ang tinapos mo? Yung nagpa-aral sa iyo, anong trato mo sa kaniya?”

Sigurado ako mayaman na si Ella Rose ngayon. Baka nga siya na si Doña Ella hehe (Peace!). Binista ko yung blog niya at iba na rin ang laman. Hindi na rin tungkol sa pagmamasahe.

Pero isa ang pinatunayan ni Ella, diskarte ang kailangan sa buhay para umasenso. Patatagan ang laban basta wala kang paang tinatapakan. Bilib ako kay Ella kahit ano pa man ang pinagdaanan niya.


naks®

Saturday, September 12, 2009

Wala Kasi Akong Ibon

Teka lang, hindi bayag at batotoy ang ibig kong sabihin ha dahil siguradong meron ako nun.

Hindi rin ito tungkol alagang ibon na nilalagay sa hawla. Pero may twit-twit din ito.

Tungkol ba sa bagong (luma na para sa iba) social networking na kung tawagin eh TWITTER. (Ayusin mo yang pronunciation mo, wag mong tigasan yung dalawang T, may konting lambot at lambing daw para may pagka-konyo ang dating.)


May mga na-encounter kasi akong mga Twitter account na muntik muntikan na kong mag-violent reaction. Baka kung maririnig lang ako ng mga may-ari ng account na nabasa ko malamang nalaban na ako ng basag-ulo.

Kasi naman may mga shout na hindi mo maiiwasan ang magsabi ng “eh ano naman ngayon?” Para bang big deal sa network nila na malaman kung anu kaniyang pinagkakaabalahan.

Di bale sana kung may social relevance. Kaso mga wala namang kwenta eh!

Tulad na lamang ng mga shout na “I am having my dinner now, just tuna sandwich and red tea.” O kaya naman eh “Going to Gateway later, will try to catch Kimidora after dinner with…”

What the fuck!? Eh ano naman ngayon? Sabi nga ng mga batang nagkakaingay sa harapan ng bahay namin kapag nagkakadayaan na sila sa teks “so wat naman por me?”

Kasi nga naman eh, para bang hindi iikot ang mundo ng network nila kapag hindi nalaman ng kamunduhan ng internet na kumakain siya ng sandwich habang ang isa naman eh nagbabalak manood ng sine. Mga feeling?

Pero nitong mga huling araw, sa dinami-dami ng angst ko sa buhay, parang gusto kong may mapagparausan. Shout na kahit walang nakakarinig at sa halip ay shout na binabasa.

Yun nga lang, wala akong ibon.

Pero kung may Twitter ako, malamang chopsuey na o halo-halo ang mga announcement ko dun. Meron sigurong tungkol sa trabaho, personal, at wala lang. Kung nagkataon naghuhumindik siguro ang mga sigaw ko tulad ng…

- Kung may mapapasukan lang ako bukas, nag resign na ko ngayon!

- Bago na ang oras ko sa trabaho, nainsulto ako sa rason nila!

- Nalilibugan ako, ilang araw na!

- Maganda nga pala yung Kimidora!?

- Bilang konswelo sa sarili, bumili ako ng sapatos…lupet!!!


Sumambulat din dito! Eh ano nga ba ang ngayon kung wala akong ibon?


naks®

Wednesday, September 9, 2009

Sayang...Walang Litrato!

Sa loob ng mahigit dalawang taon, gising ako sa magdamag habang halos buong maghapon naman akong tulog. Hindi ako call center agent at mas lalong hindi rin callboy pero umikot ang oras ko sa parehong oras na ginagalawan nila.

Pero simula kahapon, kalahating maliwanag at kalahating madilim na ang takbo ng oras ko. Alas kwatro ng hapon hanggang alas dose ng hatinggabi na ko sa trabaho.

Ibig sabihin nito, mas madaming tao na ang makakasalamuha ko sa trabaho, mas maraming pakikisamahan, mas maraming boss kaya ibig din sabihin, mas maraming mata.

At kapag ganuon, kokonting oras na lang din ang mailalaan ko sa pagda-download ng mga kanta at higit sa lahat, pag-iikot sa makabuluhang mundo ng blogging.. Kaya ipagpasensya po ninyo kung hindi muna ako makaikot.

Medyo nangangapa pa kasi kung ano yung magandang oras para pumetiks eh!

Nabawasan na rin nga ang oras ko sa pag-iikot sa ibat ibat job sites naka bookmark na sa computer na ginagamit ko. Baka magtampo tuloy si www.workabroad.ph

Pero sa pangyayaring ito, meron pa rin naman siyempreng magandang maidudulot sa akin…sa wakas ay may oras nako para makapasok ng mall. Ni hindi ko kasi alam kung ano itsura ng newly renovated SM (North) Annex.

Uulitin ko lang, kung sakaling di ako makapasyal, ipagpaumanhin muna at baka namamasyal ako sa totoong pasyalan.

Nga pala, walang litrato ang post na ito! Kung ano ang koneksyon nun, hindi ko makita. konek da dats na lang kung meron man.

naks®

Saturday, September 5, 2009

Konting Buhangin At Simento Na Lang

Sa wakas! Akalain mong matapos ang ilang buwang paghihintay eh matatapos ka na!

Kung ibabase sa kinalabasan, sulit naman ang paghihintay. Sabihin na nating mabigat sa bulsa, pero kung nanamnamin naman ang bawat sulok mo, konting buntong hininga lang ang kapalit ‘pag iisipin ang gastos.

Sa totoo lang akala ko, mabibitin ka. Alam mo kung bakit? Kasi naman nitong nakaraang buwan, napansin kong ilang tao na lang ang gumagawa. Naitanong ko tuloy, “may problema kaya?’

Iyun pala eh talagang ganuon pag nasa finishing touches na. Ano nga naman ang gagawin ng piyon kung kikinisin na lang ang bahay!?



Anong klaseng gamit naman kaya ang ilalagay sa loob mo?

Kung maganda ang panlabas, dapat lang din naman sigurong patok sa panlasa ang ang panloob. Mahirap naman kung hindi balanse at baka magtaasan ang mga kilay ng mga magiging bisita.

Tutal din lang eh gumastos na ng malaki, itodo na. Panloob na kagamitan na lang naman ang kailangan eh.

Bagay siguro kung merong muebles. Isang set ng sofa na gawa sa Narra? Wag kang mag-alala dahil maliban sa kahoy, siyempre may isa pang sofa set na kutson, yung malambot naman.

Ayaw kasi ng mga bata sa kahoy. Hindi pa nila maa-appreciate yung halaga ng de kalidad na muebles.

Home theater? Pasok!

Sa ngayon, ilang sako ng simento at buhangin na lang ang kinakailangan. Bakod at gate na lang ang kailangang trabahuhin.

Kapag tapus na yung bakod at tsaka na lang pag-isipan kung anong kulay ang ipipinta. Mas babagay din siguro kung kombinasyon ng bakal at lumang kahoy ang tarangkahan para may touch of class.

Wish ko lang, bago ka ipa-blessing, makilala ko kung sino ang may-ari sa iyo para naman maimbita ako. Gusto kong makita ang interior design mo.

Kapag nakasakay kasi ako ng bus pauwi araw araw, lagi kitang nadadaanan at hindi ko maiwasan ang pagtingin sa iyo.

naks®

Thursday, September 3, 2009

Basted Na Naman!

Broken hearted na naman ako!

Nanuot na naman sa mga ugat ko yung feeling at eksena bang gusto mong magkulong sa kwarto, makinig ng mga makabagbag damdaming love songs, sumalampak sa sahig, idakot ang kamao sabay patong ng siko sa tuhod at ilalagay ang kamao sa noo.

Pag ganyan na ang itsura, sasabayan ng dialogue na “o hindeeee…”

Kung hindi ka pa nasisiyahan at gusto pang magpaka-OA, dugtungan mo pa ng “dugot laman, napagbintangan.” Pwede ring “ikaw…kung sa kaniya ka maligaya, sige malaya ka na.”

Kasi naman eh, sa ikalawang pagkakantaon, hindi ka na naman napasa-kamay ko. Ilang buwan ko ding hinintay ang sagot mo bagamat alam kong unang linggo ng September eh magbibigay ka ng kasagutan.

Hindi naman ako umasa pero hindi ikinailang naghangad ako.

Sabi ko nga, kahit pangatlo lang ako. Sa kanila na ang itaas, paa at talampakan na lang ang sa akin, walang problema ‘yun. Basta mapasa-akin ka lang. Iyun nga lang, hindi talaga siguro pasado sa panlasa mo.

Ikatlong gantimpala sa Essay (kung saan ako asumali) si Dr. Domingo Landicho, na haligi na ng panitikang Pilipino. Unang gantimpala naman si Reuel Molina Aguila na isa sa dalawang hall of fame awardees sa taong ito.

Langya naman, ano ang panama ko sa kanila?

Mailap yata talaga ang Palanca awards. Buti pa ang CCP, napagbigyan at sinagot na ko kahit na sa mas maliit pagkakataon.

Pero ok lang iyun meron pa namang “sa isang taon na lang ulit.” Iyan na lang siguro ang konswelo ko sa sarili ko.

Yaman din lang (naks yaman daw!) at natalo eh ilalahad ko sa inyo yung maikling bahagi ng sanaysay na sinali ko...


“Masarap sanang pagmasdan ang pagpatak ng ulan habang nakadungaw sa bintana. Yung mga kapatid ko nga para namnamin ang sarap, sinasabayan pa ng kape at sinangag. Ang siste pa, bibilugin ang mainit na sinangag tapos kunyari daw balot. Masaya naman, wala pa akong muwang eh.

Pero sa mga pagdungaw-dungaw nagsimulang kumabog ang dibdib ko kapag malakas ang ulan o kung may bagyo.

Kahit sa loob kasi ng bahay, kapag itinodo ang sigwada ng bagyo, mistulang nasa loob naman ng bahay namin ang mga anak-anakan ng ulan. Umaambon sa loob ng bahay.

Natatangay kasi sa direksyon ng ulan ang mga atip. Yun ang hirap kapag pawid ang bubong, hindi nakapirmis. Kapag napalakas ang ulan sabay sa pag-ihip ng hangin at nakakontra pagkakalatag ang pawid, natatangay ito lalo na’t matagal nang pinagpyestahan ng mga ibon ang atip.

Para hindi maglusak ang sahig sa itaas ng aming bahay, kaniya kaniya kaming lagay ng mga batya. Lalagyan din iyun ng mga basahan para daw hindi naman tumilamsik ang pumapatak na ulan. Sa ganuong paraan naiipon din ang tubig at kung madami-dami na ang laman ng batyang nakasahod, papalipitan lang ang basahan, pwede na ulit.”


Rain Rain Go Away ang pamagat niyan pero iyan na lang muna. Baka kasi ‘pag itinodo ko, parang nabasa mo na rin ang kaluluwa ko.

naks®



Tuesday, September 1, 2009

Piktyur Meseyj


May nagtanong sa akin nung una ko itong ginamit; ako daw ba iyan? (litrato sa iba)



Napa isip ako dun ha!

Bagamat nakayuko ang nasa litrato, ilang mga bagay ang napansin kong pagkakapareho niya sa akin.

Yung mataas na hairline, (maliban sa gupit na semi kalbo eh totoong nakakalbo na at lumalapad ang noo!) yung brand ng yosi at higit sa lahat eh nasa inuman.

Pero hindi ako iyan!

Iyang nasa ibaba ang totoong ako!




At ang isang malaki naming pagkakaiba…HINDI AKO NATUTULOG SA INUMAN!

Peksman!

Nagtatawag lang ako ng uwak. Teka lang nasusuka ako! Waaaak!


naks®

Wednesday, August 26, 2009

Inuman Files: Majikero

Halos paubos na ‘yung pangalawang case ng red horse na binili ni Pareng Fred (seaman siya at bagong dating) nang umingay ang inuman noong Linggo. Merong deadma lang sa nagkakaingay pero dahil sa amin mismo naka-pwesto, kailangang isa ako sa pinaka maingay.

Alam kong mabibitin kaya nagpabili ako ng isang kahon pa (naks!) Pampasarap ba sa kwentuhan!? Malamang kasi na manlumo kami kapag wala nang maitatagay habang nagpapataasan pa lang ng ihi.


At ang dahilan ng masigabong sigawan…dyan – dya – raran…MAGIC!

Hindi ko alam kung dahil na-betsin kami dahil sa pulutang sigig at adobong isaw ng manok kung kaya mala sabungan ang eksena. Parang lahat kasi gustong sumigaw ng lo-jis sabay kumpas ng mga kamay!

Kung bakit naman kasi namulutan ng may mantika eh sanay naman ang mga bituka namin sa mani, chicharon at Tempura. Edi ayan tuloy, mukang nawala kami sa hulog.

Teka hindi nga pala Tempurang Japanese food ha. Yun bang mumurahing fish cracker lang na malaki ang lalagyan.


Partikular na tinutumbok ng debate kung sino daw ang mas magaling…Si David Blaine daw ba o si David Copperfield? Ayos ano?

Dahil naniniwala akong medyo kahawig ko si David Blaine, sinabi ko na siya ang mas magaling. Isa pa, street magic at walang camera trick ang gimik niya. Kahit sino pwedeng maging subject at kahit saan lugar, nagpapakitang gilas.

Mistulan namang mga kamag-anak ng isa pang David si Attorney at si Pareng Jo (kapatid ni Pareng Fred). Kulang na lang yata eh sumuka na sa harapan namin maipagtanggol lang ang idolo nila.

Sino daw ba ang makakaulit nung nawala ang Statue of Liberty, ang isang helicopter habang nasa isang entablado at magpalitaw ng lumang barko sa Bermuda Triangle!?

Nag-uumapaw sa kwentuhang magic ang harapan na para bang kilala namin ng personal ang dalawa. Baka kung kaya lang naming i-text si David at si David eh ginawa na namin para utusan silang magpakitang gilas!

Tulad ng dati, may magpapatalo ba sa usapang lasing?

Buti na lang at bumanat ng isang malupet si Tupak. Sa kaniya pala natapat ang magic tagay na magpapahupa ng sigawan at mauuwi naman sa tawanan.

Pagkatagay ba naman eh nanggalaiting sinabing “mas magaling si David Pomerans!” Sabay dugtong pa ng “sino ba ang kumanta ng Got To Believe In Magic!?”

Oo nga naman. Laban ka?


naks®

Saturday, August 22, 2009

Mainit Ka Din Ba?

Sabi ko nuong ika-100 kong poste(?),sige 100th post na lang…

“Pero ang nakakatuwa dito, habang naghahasa ako, napabilang ako sa parang komunidad ng mga blogista bagamat hindi naman talaga magkakakilala. ‘Yun bang akala mo, magkakapitbahay lang na nagbibigayan ng ulam.

“Yun nga lang, may ibat-ibang obserbasyon tayo sa ating mga kapitbahay bagamat tuloy lang ang pagsasalo-salo sa handaan.”


Sa mga nababasa ko ngayon, napagtanto ko na hindi lang pala ibat ibang obserbasyon ang nangyayari sa komunidad na ito. Meron din palang batuhan ng mga panis na ulam mula sa handaan.

Ang tanong na lang ngayon, sino ang mas mangangamoy panis?


Kahit binabasa lang, ramdam at nanunuot ang init ng apoy na nagpapakulo sa dugo ng ilan.

Ayoko sanang makisawsaw!



Iyun nga lang galit din ako kaya hindi ko maiwasan ang magpahayag ng mga verb na may tatlong exclamation point. Siguro tulad nila umuusok din ako. Kailangan ko iparamdam kung ano man sinasaloob ko.

Isipin mo na lang na kumukulo ang dugo ko at hindi pa umiinom ng


Para na kong titing galit
Na konting salsal na lang…
Mapapaigtad at lalabasan.
Kaya ‘wag mong ipilit
Mga ugat nito’y gumuhit
Dahil kapag nagkataon
Sasambulat sa mukha mo
Ang katas ng galit ko!!!


‘Wag madumi ang isip.

Sundot lang yan sa mga hapunan ng ating butihing Pangulo sampo ng kaniyang mga alipores. Kasi naman, lumalabas na 37 million at hindi lang pala 19 million ang nilustay nila duon?

Sino ang hindi manggagalaiti?

Para silang mga sepulturerong humuhukay ng mga sarili nilang libingan. Magbabayad din sila.

naks®


Wednesday, August 19, 2009

Parte List

Hindi ko talaga maumpisahan ito sa ibang paraan kundi sa…natawa talaga ako sa Alyansa Sabungero na nagtungo sa Comelec para daw magpa-accredit bilang isang party list group.

Maliban pa sila ibang grupong nakasabay nila at iyung iba pang nagpupulong-pulong ngayon na siguradong susugod din sa Comelec sa mga darating na araw.

Ayan kasi, malamang kasalanan ito ng dalawang Party List Congressmen na umamin na nakasama ng ating butihing Pangulo sa kanilang magarbong (huling) hapunan sa Estados Unidos.


Edi ayan, pati tuloy grupong kinabibilangan ni Mang Tacio at Don Patrick Antonio eh gustong maki-party este…maki-parte sa pera ng gobyerno.

Ayoko namang maliitin ang nasa loob ng mga bungo ng mga sabungero, dahil once upon a time eh nahilig din ako sa tupada (kahit ginugulangan kami ng Kristo namin.) Kaya lang, ano naman kayang panukala ang ihahain ng Alyansa Sabungero Mababang Kapulungan kung saka-sakali?

Alam ko na. Bigyan ng pagkakapantay-pantay ang lahat ng manok na panabong na kumain ng Thunderbird? Kasi daw ang iba eh ordinaryong mais at conditioner lang ang nilalantakan.

Pwede rin siguro nilang isulong na mabigyan ng health insurance ang mga kristo at sintensyador? Panalo ano?

Batay sa Republic Act 79-41 o ang Party List Act, maaaring tumakbo bilang isang sectoral group ang mga grupong kumakatawan sa isang "MARGINALIZED SECTOR"

Abe eh kung ganiyan pala, at dahil pinangunahan na ng Alyansa Sabungero, hindi nakapagtatakang habang bumabarik ngayon ang mga sunog baga, pinag-uusapan din nila ang pangangalap ng pirma at tantyahin kung pwede silang sumabak sa darating na eleksyon!?

Sa dami nga naman ng manginginom, pihadong mas llamado sila sa mga sabungero!

Wag ka ring magtaka na may makikita kang streamer sa kung saan na may nakasulat na “SUGAROL---PINAGKAISANG SAMAHAN NG MGA MAHJONGERO, NAGTO-TONG-ITS AT NAGSASAKLA.”

Susugod din daw sila sa Comelec bukas! Naku po nalintikan na!

Mukang kailangan ko nang tawagan ang mga dabarkads ko lalo na sina Fernando Zobel de Ayala, Lance Gokongwei at Henry Cojuangco. Hindi kami dapat magpahuli.

Patok kayang party list name ang “ANAK MAYAMAN”?


naks®

Friday, August 14, 2009

Bagong Bahay....Haaay Buhay!

Bilang paggalang sa mga namimigay ng kung anu-anong papel sa mga mall, istasyon ng MRT at iba pang pampublikong lugar, kinukuha ko kung ano man ang inaabot nila.

Ke credit card pa yan, cash loan, discount sa motel o kung anu pa mang papelitos… tanggap lang.

Iyun lang kasi ang nakikita kong paraan para di naman sila manliit sa trabaho nila. Iniisip ko kung ako kaya ang nasa lugar nila, ano ang mararamdaman ko kapag dine-deadma nila ako eh papel lang naman ang binibigay?


Kaya ano ba naman yung abutin ang binibigay nila, basahin at pagkatapos eh ibulsa.

Pero sa lahat ng papelitos na mga nakukuha ko, (NA SANA EH NAGIGING PERA PAG NAIPON) yung mga tungkol sa bahay ang nagtatagal sa akin. Yung iba, nakakarating pa sa amin at talagang pinag-aaralan ko yung mga modelo ng mga bahay.

Wala lang. Ang sarap kasi sa pakiramdam tumingin ng ibat ibang klase ng modelo ng mga bahay. Tapos pagaganahin ko yung pagiging malikhain ko (naks!). Iko-combine ko halimbawa yung dalawang modelo.

Pero bago ang lahat, sinisipat ko din yung location map. Malapit ba ang subdivision sa palengke, simbahan, sa eskwelahan o sa main road?

Aba siyempre, magpapagawa ka na rin lang ng bahay eh siguraduhin nang may masasakyan. Baka mamaya, maganda nga ang bahay tapos limang kilometro pala ang lalakarin bago makakita ng gulong.

At higit sa lahat, tantyahin ang budget!

Maron akong naitabing design na hindi naman kagandahan pero pwede na sa panlasa ko. Kung tutuusin nga, kung ikukumpara sa mga bagong design ng mga bahay ngayon eh baka lumang style na tong Queen Sophia na ito.


Ang isa pang nagustuhan ko sa perspective image ng bahay eh walang naka park na kotse kahit may garahe. Kasi naman kung may kotse ang litrato baka isama sa bentahan, patay tayo dyan pag nagkataon!


Bagamat may kotse sa floor plan, madali na yung burahin! Palalagyan ko na lang ng liquid paper sa architect.

Ayos diba? May banyo sa ibaba at sa itaas ng bahay, tatlo ang kwarto, hindi magarbo ang disenyo. Parang pang simpleng pamumuhay lang!

Sa halaga nitong P1,609,920.00 mababa na ito kung ikukumpara sa ibang mas sopitikado.

Iyun nga lang, matagal na panahon at maraming taon pa bago matupad ang pangarap kong magkaroon ng ganiyan. Pero kahit papaano, nandiyan lang ang pangarap!

Nakapanlalambot nga lang ng tuhod kapag nabalitaan mo na ang Pangulo ng bansa kasama ang ilan pang mambabatas eh naghapunan sa Amerika na mistulang ginto ang mga kinain.

Sa kabuuan ng dalawang hapunan, gumastos sila ng $35,000 o humigit kumulang P1.7 million pesos.

Ang hapunan nila, kasing halaga ng bahay na pinapangarap ko…samahan mo pa ng ilang bagong appliances, sofa, dining set at isang kabang bigas!

Haaay buhay!


nakam-putcha®

Tuesday, August 11, 2009

Patalastas Lang, Bago Maging Kasaysayan



Sa araw na ito, malalaman kung makakamtan ba ang pagkakaroon ng kalayaan sa bansang Myanmar. Gayunman, inaasahan din na ang araw na ito ang simula ng malakihang pag-aaklas upang sila’y lumaya.

naks®

UPDATE ON THE MILITARY JUNTA'S VERDICT POSTED IN MY COMMENT.