Mga adik lang daw ang napa-praning. Ewan ko lang!
Malamang epekto ng natira kong katol at kaya tuyong dahon ng papaya noong bata-bata pa ko, nagiging malikot ang pag-iisip ko tuwing ala una ng madaling araw.
Ayaw ko namang isiping sadyang malikhain lang ang imahinasyon ko kasi halos pare-pareho lang naman ang eksenang namumuo. Mahirap sa pakiramdam kapag inatake ka ng ka-praningan, peksman!
Yung overpass sa Cubao ang dahilan ng lahat. Yun bang nasa tapat ng Baliwag transit, alam mo ba yun?
Kita mo, hindi ko nga makuhanan ng litrato kasi, parang may hahablot ng cellphone ko kapag sinubukan kong kodakan.

Kasi ba naman eh, tumatawid ako duon limang beses sa isang linggo…tuwing ala una ng madaling araw. At kung mamalas-malasin pa, minsan alas dos na!
Pag-akyat mo dun, makikita mo na medyo may kadiliman kahit nasa lungsod ka ng liwanag. May kung ano na parang makakaisip ka ng isang eksena. Pero hindi yung mga rated R, kundi yung mga gory, crime scene in other words.
Bagamat may kadiliman, aninag pa rin yung mga taong nakahiga. Hindi lang isang tao yun, kumpol kumpol sila.
Kahit sabihing madaling araw na, malay ko ba kung tulog nga sila. Pwede namang nagtutulog-tulugan eh.
Sabihin na nating hindi ko man lang sila binigyan ng benefit of the doubt, bigyang diin ko lang na nasa Cubao itong sinasabi ko. Walang benefit benefit of the doubt muna.
Hanggang hindi ako nakakatawid, pakiramdam ko hindi ligtas ang buhay. Para bang pagtapat ko sa kanila, may tatayo sa magkabilang gilid, may haharang sa harap at pag-akbay eh kasabay na yung pagtutok ng balisong o ice pick sa leeg ko.
Sa hirap ng buhay, malamang sa hindi ko naman ibigay agad yung wallet ko at sa halip eh manlalaban ako. Kaso tutuluyan nila ako hanggang sa magka-gripo na ko sa tagiliran.
Kaya minsan, humahanap ako ng timing. Maghihintay ako ng makakasabay. Kaso nung naglalakad na kami, naisip ko naman na paano kung yung sinabayan ko pala ang holdaper? Yari ka!
Langya naman, bilis ng oras alas diyes na pala, maya maya ala una na. Nakaka-praning.
naks®