Saturday, January 23, 2010

Katangahan Blues (Counter Fllow)


A few year ago, or let’s just say not so long ago, (pilipitin nyo man ang toot toot ko, hindi ko sasabihin kung anung taon ‘yun!) one of the yippies pa ang tawag ko noon sa sarili ko, nakilala ko ang salitang “counter flow.”

Ganito ‘yun….

Pinalad na lumanding ako nuon bilang isang manunulat sa isang national government agency na binuo para isang napakahalagang okasyon sa bansa.

Matapos ang isang event sa may bandand Ermita sa Maynila, napag-utusan ako at ang aking team na bumili ng meryenda para sa mga miyembro ng media (at para na rin sa mga PG kong co-staff kasama na ako.)

Jollibee Meal, burger, fries and coke, 50 orders. Madalian ang order. Kailangan kasi naming makarating ng Kawit, Cavite nang hindi pa natatapos ang isa pang event. Kapag nagkataon kasi, baka isalaksak ni Boss sa bituka namin yung mga bitbit namin.

Eto na, soooobrang traffic sa may Coastal.

‘Yun bang tipong mumurahin mo yung kapwa mo motorista na para bang kayo lang ang may karapatang dumaan sa kalsadang iyun. Kung baga sa opis, bisi-bisihan at dahil may hinahabol kami, galit-galitan kahit alam naman naming wala naman kaming magagawa.

Para malaman kung ano na ang lagay namin, tumawag na ang Boss. Kami naman si aligaga kahit hindi pa naman talaga namin alam kung bakit nga ba siya tumawag.

Nuon namin nalaman na kadaraan lang pala nila at malamang daw sila ang dahilan ng mabigat na daloy ng mga sasakyan. At para daw isang instruction na lang pina loud speaker yung cellphone…AKO ANG KAUSAP.

San na daw kami? San daw in particular? Sa tapat ng ano?

Nang makuha ang mga detalyeng kailangan, ang sumunod na utos niya…mag hazard daw (kahit hapon!) at mag counterflow kami. Ako naman si “OK po Sir.”

AKO: O, mag counter flow daw tayo, pero teka paano tayo lulusot dito? Anong street ba yung counter flow? San ba papunta yun? Di kaya traffic din dun?

BOSS: Oh my God! W#$5^*&@!!!!!

Hindi ko pala napatay ang cellphone. Nice meeting you counterflow! (Thanks to my ex-Boss)


naks®

Saturday, January 16, 2010

Wednesday, January 6, 2010

James Cameron For Best Actor

Sa mga taong nasa likod ng pinilakang tabing, lalo na yung mga friends ko sa Hollywood, ipagpaumanhin ninyo na minsan eh tumatangkilik ako ng mga pirated DVDs.

Nitong Miyerkules lang, bumili ako ng tatlo. Ang style ko kasi, hinihintay ko yung mga DVD copy para mas malinaw. Isang pelikula per disk na ibinebenta naman ng 3 for P100.

Tingin ko mas ok na yun kesa bumili ako ng 12 in 1 na singkwenta pesos nga lang pero maririnig mo naman ang tawanan at palakpakan ng mga tao habang nasa loob ng sinehan.

Baka nga kung flop pa ang pelikula at konti lang ang nanood eh makarinig ka pa ng halinghingan ng mga naglalambutsingan sa sinehan eh.


Eto na, isa sa binili ko yung paranormal activity. Wala lang kahit napanood ko na sa sinehan at kahit alam ko namang hindi naman talaga nakakatakot eh gusto ko lang takutin yung mga tao sa bahay namin.

Pangalawa yung SAW 7 na hindi ko alam kung bago nga ba ‘yun o luma. Basta sabi nung nagtitinda maganda daw ‘yun kasi hayup ang patayan. Nilalagare daw talaga yung katawan.

Ayus ang maganda sa kaniya ano?

Pangatlo yung AVATAR.

Eto na ang kwento. Sabi nung nagtitinda dalawa daw ang avatar nilang binebenta. Pero sabi ko yung palabas ngayon sa sinehan na siyang inabot naman niya sa akin.

Binusisi ko kasi baka iyun kasi yung palabas sa TV5 at tinignan ko rin yung pangalawang sinasabi niya.

Out of nowhere (weeeeh may ganun?) medyo napalakas yung basa ko dun sa “A FILM BY JAMES CAMERON” na nakasulat dun sa ibinigay sa akin. Kasunod nun, inaninaw ko naman yung isa pang binebenta.

Sumabat yung tindera…“o iyan nga yun kasi si James Cameron ang bida o tignan mo!?” sabay kuha niya sa ikalawang CD. “Ito from the director of Titatic, ibig sabihin yun ang director pero hindi si Camarons ang bida.” Oo Camarons na ang pagkakasabi niya sa pangalawang beses.

Dahil pigil na pigil na yung tawa, kinuha ko na lang yung sinasabi niyang bida si James Cameron tapos sinabi ko bago umalis…“ang galing nga ni James Cameron dito at malamang manalo pa siya ng Best Actor sa Oscars.”

Palagay mo? Bida rin kaya si Oscar?

naks®

Saturday, January 2, 2010

Pagsabog ng Sama ng Loob

Ayoko sanang simulan sa ganitong paraan ang taong 2010 pero ito ang direksyong tinahak ng ang aking pagninilay nilay.

Siguro kailangan lang talagang ilabas kung ano man yung mabigat na dinadala ko. Sa halip na daanin sa inom, pinili kong magkulong. Gusto ko sana ng radio para walang makarinig sa akin pero wala ng oras.


Walang nagpapalahaw ng iyak pero may kaunting luha sa mata ko. Walang hagulgol pero nagsusumigaw ang tunog ng ang aking sama ng loob. Parang sumasabog pero hindi sinlakas ng labintador.


Alam kong may iba nang nakakarinig at nasa labas lang sila, parang naghihintay sa paglabas ko. Hindi pa sana ako lalabas pero tapos na oras na inilaan ko para sa sandaling iyun. Kung anu man ang narinig nila, kanila na lang ‘yun.

Ang mahalaga sa akin, nagawa ko ang misyon kong mapagaan ang nararamdaman ko.

Dinaanan ko sila ng walang alintana. Ni hindi gumihit sa akin ang mga tingin nilang tumatagos sa aking mata…at muli akong lumabas sa isa pang pinto.

Ang hirap talagang tumae kapag nasa opisina, balik balik ang mga tao sa CR, buti na lang may cubicle. Ano magagawa ko kung masama ang tiyan ko at mas malakas talaga ang tunog kapag bumubulwak na di ba?

Parang pumuputok! Sinturon ni Judas, sunod sunod!


naks®

Sunday, December 20, 2009

Walang Tao




Sabi ng madaldal na parrot:

Patatawarin po. Wala ang may ari ng bahay, nagbaon sa lupa este nagbakasyon sa kung saan lupalop ng mundo.

Pero ang totoo niyan, uminom lang siya ng gamot para maging invisible siya. Wala kasing pera kaya ayun nagtatago sa mga inaanak. Naghihintay nga siya ng kainuman na invisible din eh.

Bumalik na lang daw kayo!

naks®

Friday, December 18, 2009

The Gift

Hindi ito yung cheesy na kanta ni Jim Brickman na pangkasal daw. Wala rin itong malalim na istorya na sisiid sa inyong damdamin at sa huli ay maiisip mong may aral kang natutunan sa akin.

Walang ganun.

Tungkol lang ito sa isang regalo na natanggap ko bagamat ilang araw pa bago mag Pasko. Teary eyed ko itong tinanggap na parang binigyan ako ng Ramon Magsaysay Award for Public Service.

Sinabayan ko pa ng litanyang “I can’t believe it! (weeeh sobrang OA na yan.)

Kilalang kilala na ko ng kaibigang nagbigay ng regalo. Mukhang hindi naman siya nahirapang mag-isip ng ibibigay at sapul pa nga dahil alam niyang pakikinabangan ko ‘to ng husto.

Dahil yosi boy…ayan ang regalong natanggap ko!


Simpleng simple ano? Ni hindi man lang nga cricket o kaya yung wind proof. Ang konswelo na lang diyan, may lighter sa pwetan.

Ito yung klase ng lighter na hindi man lang pagnanasahan ng mga nakakainuman kong mga tirador ng lighter. Yun bang habang tumatagal ang inuman, hindi na sa iniinom nakatingin kundi dun sa mga lighter ng kainuman na nakalapag sa lamesa.

At kapag malalim na ang espiritu ng alak, nagiging makakalimutin na ang lahat. Hindi na natatandaan kung saan nailapag ang lighter o kung sino ang huling nakisindi.

Sa ganuong pagkakataon, asahan mong nasa mabuting kamay na iyan ng isang tirador.

At kapag nangyari iyan sa iyo ng mga tatlong beses na, isipin mo na lang na may koleksyon ang barkada mo. Sensyales na rin ‘yan na gumamit ka na ng tatlo singkong lighter para may magbulsa man, para nawalan ka lang ng posporo.

Pero naisip ko, mumurahin man o mamahalin ang lighter na binigay sa akin na iyan, ang hirap palang ibulsa na pasimple? Yung bang mahirap na hindi mapapansin na pinagnanasahan at may nagbubulsa na pala.

Bakit ko kamo nasabi? Ayan o…



O ha! Regalo ko?


naks®

Friday, December 11, 2009

Ang Alamat Ng Sapatos, O Ng Paa?

(This piece was inspired by the photographs of Amor. Paa kasi ang paborito niyang subject eh)

Dahil panahon daw ng bago ang buwan ng Disyembre, maaga akong bumili ng bagong sapatos (medyo luma na nga ngayon eh).

Hindi naman sa ayaw kong makipagsiksikan sa mga shoppaholic na galit sa pera kapag nakatanggap ng bonus. Talaga lang may isang tingin ako sa sapatos na kapag nagustuhan, binabalik balikan ko para tignan hanggang sa mapag-ipunan.

Nakitulog ako sa pinsan ko minsan (dahil sa inuman) at umaga na ‘ko umuwi. Timing namang wala akong pasok kinabukasan kaya ok lang makipag sagaran. (motto ng manginginom: huwag aayaw hanggang hindi lasing, pero ang manginginom hindi nalalasing.)

Bago ako umuwi kinaumagahan, naisipan kong dumaan sa mall para balikan yung sapatos. (Akalain mong may oras na kong mag malling ngayon?)

Para namang gagong nanunukso yung sapatos na kung tutuusin mura lang naman pero heto at nagbigay pa ng 20% discount. Kaya ang 1,200 original price 960 na lang. Aba eh sinamantala ko na.

Eto na, dumating na yung araw na suot ko na yung sapatos. Siyempre excited. The usual kantyaw…binyagan na yan…kaya ayun, kaliwat kanang tadyak ang inabot ng pobreng sapatos.

Baka nga kung may sariling buhay ang sapatos, baka pinutakti na ng magkakapatid na mura ang mga nanadyak eh.

Nung bandang hapon na, nakaramdam na ako ng pananakit ng paa hanggang sa may nag trace ng saktong oras kung kailan ko ‘yun binili.

Kaya daw sumakit ang paa ko kasi umaga ko siya binili at hapon daw ang tamang pagbili ng sapatos. Kasi daw pag hapon bumababa na ang energy natin sa paa at mas lumalaki ang size nito kung ikukumpara sa umaga.

Kaya kung bibili daw ng sapatos, sa hapon gawin kasi sa ganuong oras daw ang sagad na size ng paa.

Taena ano yan, tinitigasan ang paa kapag hapon kaya lumalaki?

Anong scientific explanation naman kaya meron ito? May formula ba sila para maipaliwanag ito ng kapani-paniwala?


Ginawan ko ng paraan. Nagpa foot spa ako. Ayun edi nagkasya yung kawawang sapatos.

Nuon ko napagtanto, ang kapal pala ng kalyo at libag ng paa ko?


naks®