Bilang paggalang sa mga namimigay ng kung anu-anong papel sa mga mall, istasyon ng MRT at iba pang pampublikong lugar, kinukuha ko kung ano man ang inaabot nila.
Ke credit card pa yan, cash loan, discount sa motel o kung anu pa mang papelitos… tanggap lang.
Iyun lang kasi ang nakikita kong paraan para di naman sila manliit sa trabaho nila. Iniisip ko kung ako kaya ang nasa lugar nila, ano ang mararamdaman ko kapag dine-deadma nila ako eh papel lang naman ang binibigay?

Kaya ano ba naman yung abutin ang binibigay nila, basahin at pagkatapos eh ibulsa.
Pero sa lahat ng papelitos na mga nakukuha ko, (NA SANA EH NAGIGING PERA PAG NAIPON) yung mga tungkol sa bahay ang nagtatagal sa akin. Yung iba, nakakarating pa sa amin at talagang pinag-aaralan ko yung mga modelo ng mga bahay.
Wala lang. Ang sarap kasi sa pakiramdam tumingin ng ibat ibang klase ng modelo ng mga bahay. Tapos pagaganahin ko yung pagiging malikhain ko (naks!). Iko-combine ko halimbawa yung dalawang modelo.
Pero bago ang lahat, sinisipat ko din yung location map. Malapit ba ang subdivision sa palengke, simbahan, sa eskwelahan o sa main road?
Aba siyempre, magpapagawa ka na rin lang ng bahay eh siguraduhin nang may masasakyan. Baka mamaya, maganda nga ang bahay tapos limang kilometro pala ang lalakarin bago makakita ng gulong.
At higit sa lahat, tantyahin ang budget!
Maron akong naitabing design na hindi naman kagandahan pero pwede na sa panlasa ko. Kung tutuusin nga, kung ikukumpara sa mga bagong design ng mga bahay ngayon eh baka lumang style na tong Queen Sophia na ito.

Ang isa pang nagustuhan ko sa perspective image ng bahay eh walang naka park na kotse kahit may garahe. Kasi naman kung may kotse ang litrato baka isama sa bentahan, patay tayo dyan pag nagkataon!

Bagamat may kotse sa floor plan, madali na yung burahin! Palalagyan ko na lang ng liquid paper sa architect.
Ayos diba? May banyo sa ibaba at sa itaas ng bahay, tatlo ang kwarto, hindi magarbo ang disenyo. Parang pang simpleng pamumuhay lang!
Sa halaga nitong P1,609,920.00 mababa na ito kung ikukumpara sa ibang mas sopitikado.
Iyun nga lang, matagal na panahon at maraming taon pa bago matupad ang pangarap kong magkaroon ng ganiyan. Pero kahit papaano, nandiyan lang ang pangarap!
Nakapanlalambot nga lang ng tuhod kapag nabalitaan mo na ang Pangulo ng bansa kasama ang ilan pang mambabatas eh naghapunan sa Amerika na mistulang ginto ang mga kinain.
Sa kabuuan ng dalawang hapunan, gumastos sila ng $35,000 o humigit kumulang P1.7 million pesos.
Ang hapunan nila, kasing halaga ng bahay na pinapangarap ko…samahan mo pa ng ilang bagong appliances, sofa, dining set at isang kabang bigas!
Haaay buhay!
nakam-putcha®