Friday, February 20, 2009

A Comeback With An Agony




"Indeed, life is an endless struggle. And yet, most of the time, life is also unfair."


-mulong®

Saturday, February 14, 2009

Patalastas Muna Ngayong Balentayms!

Dahil araw ng mga puso at kiskisan ng mga nguso, at puno ang mundo ng blog tungkol sa pag-ibig eh mayroon lang ako patalastas.

Una, kung may speaker ka, namnamin mo muna ang unang kanta diyan sa cassette ko dyan sa gilid…ung Love Me. Tingin ko eh isa sa pinakamadamdaming kanta yan bagamat may kalumaan na.

Kung wala kang speaker, hhhm sorry na lang!

Ngayon naman eh maitanong ko lang, sino nga ba ang mas dapat piliin, ang taong mahal mo pero hindi ka naman mahal o ang taong mahal ka pero hindi mo naman mahal? Naks, baduy!


Sa pelikulang My Best Friend’s Wedding, hindi ba medyo huli na ng ipaalam at iparamram ni Julianne (Julia Roberts) sa kaibigan niyang si Michael (Dermot Mulroney) na mahal niya ito. Nangyari lang iyun nung sinabi ni Michael na magpapakasal na siya kay Kimberly (Cameron Diaz).


Sa hinaba-haba ng nakakatuwang kwento nilang tatlo, bumigay din si Julianne. Pero sa palagay mo, kung talagang hindi nag give up si Julienne at talagang ipinaglaban niya hanggang pitpitan ng ano ang kaniyang pag-ibig, magkakatuluyan kaya sila?

Para kasing mas magiging maligaya kung sina Julianne and Michael ang nagkatuluyan kesa kina Kimberly and Michael di ba?

Haay pag ibig nga naman!


Teka kailangan ko daw sumigaw sabi ni Punky at ni Poging Ilokano, eto na…

Ngayong balentaym ang mga kwento, kailangan ko ba talagang makisawsaaaaaaaaaaaaw!

ihabol ko lang itong sigaw na ito

TANGINAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAH!

Grrrr!


®

Friday, February 13, 2009

Ang Alamat Ng...Tapos Na 'To!

Parang binuhusan ng malamig na tubig sa Mang Ador sa pangyayari. Isang araw ng kamalasan ba naman ang nangyari sa kaniya eh. Maya-maya pa…


“Pareng Ador, ano naman ang naisipan mo at pinutol mo yung puno ng ipil ipil sa pagitna ng bahay natin?” humahangos na tanong ni Mang Canor sa noo’y nanlulumong si Mang Ador.

Mistulang nabunutan ng kutsilyong isinaksak sa likod si Mang Ador. Puno ng ipil-ipil ang pinutol niya at hindi ang puno ng narra sa harapan ng kaniyang bahay!? Sa halip na salita, isang ngiting aso ang naisagot niya kay Mang Canor.

‘Para ka namang nang iinis Pare, nakuha mo pa akong ngitian. At ano naman yang dalawang bilog sa tabi mo? Ke taas ng araw tumitira ka ng gin? Baka mamaya eh mag-huramentado ka na at hindi lang puno ang tagain mo!”

Noon na napansin ni Mang Canor ang nabaling sagwan sa tabi ni Mang Ador. Inusisa niya ang kumpare kung ano ang plano hanggang sa dalawa na silang tumatagay.

“Tangina naman Pare, paano mo gagawing bangka ang puno ng ipil-ipil eh ang nipis nyan? Edi ngayon kahit sagwan eh hindi na natin papakinabangan dahil bali na,” bulalas ni Mang Canor nang marinig ang kwento ng kumpare.

Kahit daw bangkang pambata eh hindi naman magagawa ang puno ng ipil-ipil

Umikot ang baso at isa pang bilog ang nabuksan na dala naman ni Mang Canor. Matatag si Mang Ador, marahil ay dala ng pagkadismayang hindi naman pala dapat ika-dismaya.

Dala ng espirito ng alak, kaliwat kanang usapin na lumiko sa ibat ibang direksyon ang napag-usapan ng dalawa. Hindi nila napansin na salitan pala nilang nililiha ang naputol na sagwan hanggang sa mapakinis nila ito.


TEKA TEKA NAGPURO WENTO NA WALA NAMAN WENTA! NILOLOKO LANG TAYO KASI HINDI NAMAN PALA NARRA ANG PINUTOL EH. KALAUNAN MGA LASING NA YUNG UMEEKSENA. WALA TAYONG MAPUPULOT NA MAGANDANG ARAL KINA MANG ADOR AT MANG CANOR.

SA TOTOO LANG DI BA NAIINIS KA RIN? SINASALSAL NANG SINASALSAL ANG KWENTO PARA HUMABA, HINDI NAMAN MALAMAN KUNG ANO ANG KAHAHANTUNGAN.


PINANGHUHULA PA TAYO KUNG TOOTHPICK BA, PALITO NG POSPORO, CHOPSTICK O KUNG ANO PA ANG POSIBLENG IMBENSYON ANG KALALABASAN NG PROJECT NA HINDI NAMAN BIBIGYAN NG GRADE!

GIN BULAG PA ANG INIINOM? LINTEK WALANG PULUTAN WALANG CHASER? ANG LAKAS KAYANG MAKAPAG-PAPANGIT NUON!

BAKA KUNG NAISIPAN AKONG TAGAYAN NG DALAWANG MATANDANG IYAN EH BAKA NAIPALO KO PA SA KANILA YUNG KINALABASAN NG PUNO NG NARRA NA NAGING PUNO NG IPIL IPIL!

AYUN, ALAMAT PALA ITO NG PALU-PALO!


®

Thursday, February 12, 2009

Ang Alamat Ng...

HAPON na nang simulan ni Mang Ador na iporma ang puno ng narra na gagawin niyang bangka. Kumpiyansa siyang malaki ang ibabayad sa kaniya ng namamalaisdaang nagpagawa sa kaniya niyun. Biro mo nga namang sasakay siya bangka na gawa sa narra!?

Matapos tapyasin ang mga sanga at tanggalin ang nagsisilbing balat ng puno, inumpisahan niyang tagain ng tila patulis ang magkabilang dulo. Pinagpapawisan ng titis si Mang Ador habang ginagawa ang bangka sa ilalim ng araw. Hindi alintana ang init. Sigarilyo lang ang pahinga.


Kasabay sa pagpatak ng pawis ni Mang Ador sa punong kahoy ay ang pagkakatam para tuluyang kuminis ang nooy naiporma nang bangka.

Swerte nang konting umihip ang hangin na siyang nagpapagaan naman sa kaniyang pakiramdam. Halos hindi na nga niya napansin ang gutom. Todo konsentrasyon kasi siya sa paggawa ng bangka.

Para ano pa nga ba’t kilala si Mang Ador na pinaka mahusay manggagawa ng bangka sa lugar? Kaya naman gayun na lang ang tiwala sa kaniya ng mayamang namamalaisdaan.

Posibleng dahil na rin sa di alintanang pagod at pangangalam ng sikmura, hindi napansin ni Mang Ador na nawala na pala sa porma ang ginagawa niyang bangka. Kahit anong sipat, hindi niya maisip kung paano pa hahabulin ang pagkakatam para ito magmukhang pangpalaisdaan.

Naghalo ang nerbyos at pagmamadali, mas lalong nasira ang diskarte ni Mang Ador. Bagamat kaniya ang puno ng narra na pinutol, nag-iisa lang iyun at alam niyang masasayang ang pagkakataong kumita ng malaki. Huwag ngayon, sabi niya sa sarili.

Pero wala nang pag-asa. Hindi na talaga pwede.

“Eh ano ba?” pangangatwiran niya. Sa isip isip ni Mang Ador, wala naman siyang perang pinuhunan at alam niyang pakikinabangan pa niya ang punong kahoy na dapat sana’y magiging bangka.

“Sagwan, tama gagawin kitang sagwan!” Nakangiti pa si Mang Ador nang sinimulan naman niyang hubugin ang gagawing sagwan. Ayaw na niyang muling magkamali. Kabilaan ang kaniyang pagsipat at pagsukat sa pinaka hawakan at sa nagsisilbing plato ng sagwan.

Dahil lalapatan na lang ng konting liha, pansamantalang naupo si Mang Ador sa malaking tipak ng bato habang itinayo naman niya ang sagwan sa tabi niya.

Nangingiting nanigarilyo si Mang Ador. Hindi niya lubos maisip na sumablay siya sa paggawa ng bangka. Tagal pa naman daw niyang inireserba ang puno niya ng narra para sa mayamang namamalaisdaan.

Sa bawat buga ng usok, nawawala naman ang kaniyang panghihinayang. Konswelo na lang niya sa sarili, may kinahantungan pa rin naman.

Muling nagsindi nang sigarilyo si Mang Ador. Mayaman siya sa oras nang mga sandaling iyun, walang hinahabol.

Pero nauwi sa pagpikit ng mga mata ang kaniyang pame-metiks sa trabaho habang subo pa ang may bagang sigarilyo. Matindi ang pagkaka-kapit niyun dahil hindi nahulog ang sigarilyo bagamat napatungo na si Mang Ador.

Pero nang mauupos na, naramdaman niya ang init ng baga hanggang tila pinaso ang kaniyang nguso. Tuluyang nahulog ang sigarilyo na bumagsak sa kaniyang hita. Dahil sa pagkakagulat, muntikang mahulog si Mang Ador sa pagkakaupo hanggang sa mapatukod sa katabing sagwan.

Bumuhos ang bigat ni Mang Ador sa ginawang sagwan. Tila malutong na chicharon, dinig na dinig niya ng lumagutok ang katatapos lang na proyekto. Bali ang sagwan ni Mang Ador!

MAY KARUGTONG…


®

Tuesday, February 10, 2009

Walang Itong Title


Hindi ko alam kung tamang termino ba ang “bandology” sa pagsusulputan ng mga banda ngayon. Parang lahat na lang yata gustong maging rakista. Yung iba naman magsuot lang ng itim na damit, guluhin yung buhok feel na feel na ang pagiging banda.

Pero basta naman may ibubuga, ok lang kahit magsiksikan pa ang mga banda sa mga radio natin. Sa isang banda, ok yun kasi kayamanan sila ng musikang pinoy!

Isa na lang naman ang hindi pa nila nadidiskubre at nananatiling kawalan ng kultura ng ating musika…AKO!


At dahil nga, para silang kabute, pagandahan siyempre ang dating ng pangalan yung tipong kapag tinawag pa lang sa stage eh naghihiyawan na kahit hindi na kumanta. Lintek lang, pangalan lang pala ang hinangaan!

Siguro kung ako ang magkakabanda, ano kaya ang magiging tawag sa amin? Kailangan may recall at halos synonymous sa salitang “magaling.” Kung “TELEBONG” kaya, may arrive ba?

Bantot! Ang pangit! Para bang kutsara’t tinidor lang ang instrumento na inihahampas sa lamesa, baso at bote! Tapos lahat gustong maging bokalista habang hindi magkamayaw sa pagkanta at hindi nna rin maintindihan ang kinakanta.

Malamang, nabetsin ang mga tumatagay kaya nagkaganun! Lakas kasi mamulutan! Hindi rin namalayan na nataktakan na pala ng abo ng sigarilyo yung bote!


Kapag kasi mga nalalasing, lahat pangarap maging ely buendia, yael, rico blanco, bamboo, chito miranda. Sa huli, kahit yata blakdyak, pinapangarap!

Teka lang, alam nyo ba yung mga kantang;

Pare ko ng Eraserheads,
Banal na Aso, Santong Kabayo ng Yano
Peksman ng Siakol
Skin ng Green Department
Awit ng Kabataan ng Rivermaya
Next in Line ng After Image
Multo sa Paningin ng The Youth
Bilanggo ng Rizal Underground
Laklak ng The Teeth
Pagsubok ng Orient Pearl
Paglisan ng Color it Red at
Buloy ng Parokya ni Edgar?
Eh yung Till Death Do Us Part ng White Lion?


KUNG ALAM MO ANG LAHAT NG IYAN O KARAMIHAN SA MGA IYAN, KAWAWA KA NAMAN…SIGURADO DI NAGLALAYO EDAD NATIN!


®

Friday, February 6, 2009

Naks, Theme Song Daw!

Aminin mo man o hindi, kasama sa pampakilig sa isang nilalangaw at nilalanggam na relasyon ay iyong kanta o yung tinatawag na theme song! Syeeeeeet!


Sabihin na nating corny, pero ito kasi yung tipong magpapaalala sa inyo ng mga malalagkit na alaala. Nanamnamin ang mga sandali habang nagdidilaan ng ice cream sa Enhanted Kingdom o kaya eh nagdidilaan ng leeg sa sinehan.

Kasi nga eh meron silang kantang pinanghahawakan. Kung baga, its one of the foundations that binds the couple together! Lupet!

Kung magkatuluyan, edi swerte dahil inspirasyon ang kanta. Pero kung hindi, aba eh talagang ganyan ang buhay! Hindi lahat ng pagmamahalan eh nakasulat sa ating mga palad. Ang iba ay nakalista lang sa tubig.

Sa aking malalim pananaliksik, sa balat ng stationary nagsisimula ang theme song at nagtatapos naman sa motel.

Hindi na yata uso ang stationary ngayon pero mabango kasi ang unang page nun, iyun nga lang hindi naman sinusulatan ng love letter. Sa halip, kanta ang tina-type duon (oo typewriter pa!) tapos eh ilalagay sa illustration board, lalagyan ng plastic cover at ibibigay sa nililigawan.


Iyun namang mga chicks na feel na feel na nabigyan sila ng ganuon eh dadalhin sa iskwelahan at gagawing pamaymay. Haba ng buhok ano? Ipinagmamalaking siya eh sinusuyo na at ramdam ang pagiging bulaklak sa umaaligid na bubuyog!

Lintek, high school na high school!


Sa huli, maririnig na lang ang naturang theme song sa loob ng isang motel pagkatapos ng isang maalab na pagniniig. Kapwa sila walang kibo. Alam mo kung ano ang kanilang theme song? “Paalam Na” ni Rachelle Alejandro.

Ayan kasi hindi pinag-isipan nung mga bata pa sila kung ano ang ibibigay na kanta kaya ayun, hindi sila nagkatuluyan. Nagkatotoo tuloy ang kanta!

Ayoko namang maging sadista, hindi naman lahat ng theme song eh sa ganyang sitwasyon nauuwi. Meron din namang happy ending. Yung tipong sa simula pa lang eh kasama na sa plano yung kanta. Ang iba nga, ang gusto kakantahin pa iyun sa kanilang pag-iisang dibdib at pagharap sa dambana.

Habang naglalakad daw si bride eh kumakanta naman ng “All My Life” si Groom…..uuuuy kinikilig!

Kung ako ang tatanungin, may rekomendado akong kanta, hindi naman ito ganun ka-sweetic, pero malupet ang lambing. (chorus sa ibaba)

Ang pangarap mo'y pangarap ko
Ang pasanin mo'y pasanin ko
Ang damdamin mo'y damdamin ko sinta
Ang kalayaan mo'y kalayaan ko
Ang digmaan mo'y digmaan ko
Ang buhay mo at buhay ko'y iisa

“Iisa” ang pamagat na kantang iyan isinulat at kinanta ni Gary Granada, isa sa pinaka respetadong musikero hanggang ngayon.<----(wish I could say more on this)



®

Wednesday, February 4, 2009

Pang Pre Valentine Daw!

Nilibing yung erpat nung barkada ko nung Sabado kaya napunta ako ng sementeryo. Siguro malikot lang talaga yung mata o talagang nakaka-agaw lang ng pansin ang mga nagmumurang salita na mga nabasa ko. Kaya maliban sa mga nagluluksa eh sila ang natitigan ko.

Take note...sa sementeryo ko po ito nakuhanan!





tama bang pre-valentine post ito? palagay mo?