Saturday, November 29, 2008

Ter-Mi-No-Lo-Gy

Tama na muna yang tungkol sa pelikula, napagkakamalang matanda na ko kasi puro daw lumang dialogue at eksena ang naiisip ko. Teka, may DVD copy ba kayo ng Panday 1? O kaya yung Dampot Pukol Salo? Hindi nyo alam yun ano?

SEGUE

Lahat naman tayo marunong umintindi o magsalita ng tagalog diba? Pero minsan ba may nasalubong ka ng salitang tagalong daw pero hindi mo naman naiintindihan? Pero ang siste, sa lugar naman nila eh parang ordinaryong salita lang iyun!

Tulad na lang nung unang napunta ako ng Lian sa Batangas. Tinanong kami ng ermat ng barkada ko, “nakain” daw ba kami ng pusit na malaki? Gusto ko sanang sagutin ng ‘Nay opo nakain kami ng pusit na malaki kaya lang po mabaho ang hininga ko kaya iniluwa din kami.’ Baka nga kung nagkataon nga lang eh katutuntong ko lang sa pamamahay nila eh palayasin na agad ako.

Yun pala, ang ibig lang sabihin eh kung kumakain kami ng pusit na malaki. Ang salitang ‘nakain” kung tutuusin eh madali namang intindihin kasi verb lang ito at pwedeng hugutin mula sa root word, which is “kain” ang ibig sabihin di ba? Iyun nga lang, bobo talaga ko.

Pero paano na lang kung walang root word? Ito yung masasabing authentic na kanila lang. Sa amin kasi merong ganun eh. Bigyan kita ng sampol.


KASKAS…ang ibig sabihin niyan sa amin eh posporo. Sa pangungusap maaari mong sabihing, ‘pwede ho bang manghiram ng kaskas, susunugin ko lang ho ang kaluluwa ko sa impyerno?” Pasok ba?

KUWITIB…yan ang tawag namin sa langgam na pula. Sa amin kasi ang langgam eh yung itim at kuwitib naman ang pula. Sa use in a sentence, pasok na pasok yung “tangina ako patu-tuyo lang, pero ang lintik na kuwitib na ito, pa itlog itlog pa!” sabay hugot ng kamay mula sa short.(Kambyo!)

TAGASAW…kamag anak yan ng kuwitib. Antik yata yan sa Maynila at sa iba pang lugar. Ewan ko lang kung ano mararamdaman kapag ang tagasaw na ang nag paitlog-itlog lang. Sa morbid na halimbawa, mas ok kung sasabihing, itali natin siya sa poste, hubuan natin tapos pagapangan natin ng sandamakmak na tagasaw!

Yahuuuuuw! Kati lang!


PAKI…tansan naman ang tawag niyan sa Maynila. Madidinig mo ang mga bata sa amin na naglalaro, “manguha tayo ng tansan tapos gawin nating pakalasing para makapang buraot tayo mamaya sa karoling.”

DALAHIRA…di ko lang sigurado kung yung dalahira eh sa amin lang sa Bulacan o kilala na rin sa ibang lugar. Madami daw kasi niyan kahit saan…kahit daw sa blog! Tsismosa ibig ibig sabihin niyan as in “Si blank ay dalahira, masarap siyang hiwain ng blade sa batok pagkatapos ay lagyan ng patis at kalamansi ang sugat habang dumudugo!”

Ikaw, meron ka bang salita na sa tingin mo eh native word niyo?

Pahabol pala, SUNATA alam mo? Tingnan mo na lang sa comments ang ibig sabihin…



®

Thursday, November 27, 2008

Pamatay Na Dialogue Naman

Yaman din lamang…oooops nakamputcha naman, yaman din lamang daw oh! Sige revise and erase.

Dahil napag usapan na rin lang ang tungkol sa mga walang kamatayang eksenang namatay na, pagtuunan na rin natin ng napaka importanteng atensyon ang tungkol naman sa mga classic na dialogue.

Yun bang mga litanya sa pelikula na sa di mo maintindihang dahilan eh tumatak sa isip mo na para bang kinurot ka ng nanay mong mahaba ang kuko. Kasakit lang! Yung may dating ba!?

Etcha pwera na muna natin yung mga nasa history at ilang beses ba nating napanood sa Tagalog Movie Greats tulad na lang nung you’re nothing but a second rate ek ek ni Cherry Gil. Ka level din niyan yung “Walang Himala!” ni Ate Guy at siyempre ang “kapag puno na ang salop, dapat nang kalusin” ni Da King.

Sa medyo bago, isa na siguro diyan ‘yung “walang personalan, trabaho lang,” na sinabi ni Daboy. Kahit sa usapang kanto o sa sugalan maririnig pa rin yan.

Mag referee ka lang o kaya makiepal sa naglalaro ng teks masisigawan ka ng mga naglalaro at mauuwi pa yan sa bantang “hintayin mo kami, bubugbugin ka namin.” Babanatan mo naman siyempre ng walang personalan trabaho lang. Pasok di ba?

Sa pelikula namang Gwapings yata yun, may eksena dun si Jomari Yllana at Mark Anthony Fernandez na para bang suko na sila, pakiramdam nila eh aping api na sila bilang mga kabataan, nag dialogue ang anak ni Daboy ng “hanggang kailan tayong ganito?’ Ang sagot naman ni Jom…kung kayang sagarin, sagarin!

Yan ang isa sa di ko malimutang linya pero wala lang. Parang ang drama kasi ng dating yun nga lang, ang hirap hanapan ng eksena sa totoong buhay. Corny!

Isipin mo na lang kasi kunyari umiebak ka sa banyo tapos jebs na jebs na rin ang kasama mo sa bahay, sisigawan ka… “ang tagal mo naman, hanggang kelan ka ba dyan?” Di yata bagay yung sasagot ka in mellow dramatic tone habang nakaupo sa toilet bowl ng “kung kayang sagarin, sagarin! Ang panget!


Si Priscilla Almeda na unang nakilala bilang Abbi Biduya, kahit puro bold ang pelikula nun, may unforgettable dialogue din. Para naman daw masabing hindi lang siya nagbuyangyang hehe.

Sa commercial/teaser pa lang ito ha, nakakulong si Gary Estrada habang nasa labas naman si Abbi, magkahawak ang kamay nila sa rehas, sabi niya “wag mo nang abutin ang di mo kaya…” sabay pasok ng kantang…”I wont forget the way your kissing…SUTLA…sa direksyon ni Romy V. Suzara.

Yun lang, classic ano!? ST kasi eh! (tanong mo na lang kung di mo alam ang ST)
Sabi ko nga yung ibang mga linya, kahit napulot lang sa pelikula, minsan eh nagagamit sa totoong buhay. Basta magamit lang kahit walang kwenta.


Nasubukan mo na ba yun? Ako nasubukan kona. Ang dialogue kong sinabi? Sabi ko…Hoy Inday kainin mong itlog ko!

Linya yan ni Aiza Seguerra sa pelikulang Super Inday and the Golden Bibe. Patok yan ibahin mo na lang ang pangalan ng pagsasabihan mo hehehe! Sige subukan


®

Tuesday, November 25, 2008

Mga Eksenang Wala Na

Movie addict ka ba?

Hindi sinasadyang nadaanan ng remote control ng TV namin ang CLTV Channel 36, isang local channel yun sa Central Luzon. Alam ko talaga na puro lumang pelikulang tagalong ang palabas dun tuwing alas singko ng hapon, kaya hindi ko nililipat dun ang channel.


Pero kahapon, nagtagal ako sa Channel 36 at nanghihinayang ako na hindi ko naumpisahan ang palabas…Ang Alamat ni Leon Guererro! Sa loob loob ko, akalain mong Senador na ngayon ang isa sa pinakamagaling gumamit ng baril noon, si Senador Lito Lapid.

Iyun nga lang, hindi pala pagalingang bumaril sa Senado.

Patapos na yung pelikula nang mapanood ko. Napakanta pa kamo ako na tinawanan naman ng pamangkin ko.

Basta nakagapos ng lubid si Leon nun at ang kaniyang leading lady na hindi ko kakilala. Habang hinihintay na lang ni Pacquito Diaz ang kamatayan ng dalawa, dumating na ang eksenang siguradong nagpasigaw sa mga tagahanga ng action movies, ang isang pulutong na mga kakampi ni Leon habang nakasakay sa kabayo!

At simula na ng pagalingang bumaril at pagkakabayo. Ang mga bidang hindi tinatamaan ng bala, ang mga bidang asintado, ang mga kalabang mahagip lang ng putok eh tumutumba na at ang mga baril na hindi nauubusan ng bala.

Naisip mo ba, ang dami palang eksena sa mga antigong pelikula na hindi na nakikita ngayon? Una na nga yung porma nina Leon Guerrero, naka pang cowboy tapos magsusuntukan sa disyerto habang tirik na tirik ang haring araw. Nagpapawis siguro mga kili kili ng mga ‘yun. Asim yata!

Hindi ko na rin nakikita yung mga pulis na dumadating kapag patapos na yung pelikula at ubos na yung masasamang nilalang. Sigurado namang pag ganun na, may tama sa balikat si FPJ.


May lulupet pa bang kontrabida kay Max Alvarado na ilang beses pinagtangkaang gahasain ang leading lady ng bida? Yun nga lang di siya nagtatagumpay!

Wala na ring artista ngayon na kasing bilis sumuntok ng mga action star noon. Mabili pa kaya sa mga fans yung susuntukin ng maraming marami sa tiyan ang kontrabida tapos popompyaing sa tenga ng kalaban?

Sa ngayon kasi parang puro romantic na lang ang pelikulang tagalog tapos sobrang dalang pa. Pero kahit na may mga pa-tweetums na pelikula, parang kulang pa rin yung elements nila ngayon eh.

Im sure tanda mo pero wala na kong napapanood na sasayaw yung mga bida sa beach habang ang tugtog yung soundtrack ng pelikula. At dahil nasa beach, hindi pwedeng mawala yung step na nasa likod ng mga puno ng niyog yung mga love team habang nagsasalitan sila ng paglalabas ng ulo sa magkabilang side.

Kung gagawin kaya nila Dingdong and Marian or John Lloyd and Bea yung ganuong eksena, bumagay kaya?

Alam mo ba ending kapag sa beach ang eksena? Siyempre tatalon ng sabay sabay tapos freeze! Yung ang malupet, closing credits habang nasa ere silang lahat nyahaha!



®

Saturday, November 22, 2008

Nandiyan Na Mga Senyales

Hindi na talaga pwedeng deadmahin! Kahit medyo hindi mo pa gusto dahil wala ka pang budget eh wala ka ng magagawa…malapit na talaga ang Pasko.

Nito kasing nakaraang Sabado, habang nag-iinuman kami ng tropa ko (lagi na lang) napuntahan kami ng mga batang paslit na biglang kanta ng Pasko Na Naman. Sa limang kumakanta, tatlo yata dun ang inaanak ko. Striking yung pagkanta, kasi para silang nag-abiso na “Ninong malapit na!”

Bahagi naman talaga ng tradisyon nating Pinoy ang pagbibigay ng aguinaldo tuwing Pasko. Sabi nga eh isang beses lang naman sa isang taon. Kaso nga lang, sa tulad kong Ninong ng bayan, na kabata-bata ko pa(?) eh may mahigit 50 na kong inaanak, patay tayo dyan! Malaki-laking budget din ang kakailanganin ko.

Pero ok lang yan kasi lahat naman siguro tayo dumaan sa pamamasko at pangangaroling diba? Nuon nga kaniya kaniyang grupo pa yan kasi mas marami, mas maliit ang partihan. Tapos kaniya kaniya ring teritoryo pero ang sumatutal lang naman eh padamihan ng kapitbahay.

Eto ang malupet, tanda ko anim kami sa grupo, tapos inayaw ako kahit ako pa naman ang lider, yung parang coup‘d etat? Aba hindi ako pumayag. Kinaumagahan, kinausap ko yung dalawa sa lima ko pang kasama. Pinsan ko yung 2 eh. Kinagabihan, ayun tigatlo na kaming nag-aagawan sa sampung bahay na iniikutan namin hehehe.

Teka yan eh karoling mahirap ha, yung mga nagaganap lang sa mga looban. When it comes to villages and subdivisions, pardon me but I was not able experience such a “coñotic” activity. Wahehe

Sa inyo ba may mga parol na rin?

Narinig ko kasi yung pamangkin ko kausap yung mama niya. Pinagdadala raw sila ng titser nila ng parol sa eskwelahan. Tapos ako yung tinuro ng mama niya. Pagbaling sa akin ang sabi “Nong penge daw pambili ng parol. Sabi ng mam bawal daw yung tinda sa palengke na tig be-bente lang.”

Walastik din naman ano? Talagang may price range?

Ito sana ang pumasok sa isip kong litanya nung mga oras na ‘yun; “Sabihin mo dyan sa titser mo, the economic crisis in the United States has already affected the economy of other first world countries, and like a domino effect, it has influenced the economic movements of the third world like our beloved Philippines. Prices of oil products in the world market are going down, but the prices of basic commodities in our own market is still up while there were still no signs of the same to stabilize before Christmas. How dare you to ask for a lantern with an specific amount?”

Naisip ko lang na 8 years old lang pala yung kausap ko. Kaya ayun binigyan ko ng 30 tapos ang sabi ko humanap ka ng tig 25 pesos tapos sa iyo yung sukling 5. Akalain mong tuwang tuwa. Sumunod na nga naman siya sa gusto ng titser niya, may 5 pa siya.

Meron pa palang senyales ng Pasko na nandiyan na at hindi rin pwedeng deadmahin. Hindi ito nakikita tulad ng parol o naririnig tulad ng karoling. O teka teka, ayokong lumalim ang usapan, hindi iyan world peace and love for all mankind.

Ang simoy ng hanging amihan ang ibig kong sabihin. Ramdam na iyung ibang klaseng lamig. Diba pag pasok ng banyo at pagkaalis na alis ng LAHAT ng saplot sa buong katawan (para maligo ha) eh tatayo na yung balahibo mo at kikisig kisigin pa habang tumatalon talon sa unang dampi ng tubig sa balat. Whew tangina lamig!

Kaya nga ba tinatamad na kong maligo ngayon eh. Kaw ba?

Wednesday, November 19, 2008

Mga Salitang Walang Direksyon

kanina pa ko nangangapa
ng litanya at mga salita
mga kakaibang kwento
o kaya’y karanasang karima-rimarim
na gustong ibahagi sa inyo

pero ang mala-bitukang nasa na loob ng kukote
tila walang pakialam
hindi nakakaramdam
para bang wall clock na nalaglagan ng baterya
na biglang namatay at hindi na gumana


at dahil natalo sa mahjong
iilang oras lang ang tulog
katawan ko tuloy mistulang binaunan ng bubog
masakit na mahapdi pa
bigat talaga pag naubusan ng pera

pero gaano man kabigat ang katawan
kasabay ng pagtirik ng liwanag ng buwan
kailangang manatiling dilat
hanggang sa pagsikat ng haring araw
kailangang trabaho pa rin ang mangibabaw

nanlilisik na mga mata
malalim na buntong hininga
ang hangin sa batok
nagdulot pa ng kilabot
sumasagitsit ang katahimikan
sa kumunoy ng karimlan

sige lakad ng lakad samuel bilibid
lumipad ka rin angkas ng ibong adarna
salubungin mo sa himpapawid ang seksing si darna
baka sakaling doo'y may mahagip ka
ng rekado at hinahanap mong timpla
sa mga salita mong wala namang kwenta



®

Saturday, November 15, 2008

Tagau Ulit: Sa Police Station, Nakatulog Ka Na?

Malabon Police Station naman ang pinagparausan ko ng kalasingan ng mga oras na yun. Magdadalawang taon na pala, akalain mo? Tulad ng pangyayari nung nakatulog ako sa Edsa, inabot na naman ako ng madaling araw sa inuman.

Hindi naman ako dapat aabutin ng alanganing oras nun eh. Matino kasi ang usapan namin ni Pareng Mico. Uminom daw kami sa bahay nila sa Malabon nga tapos dun na lang daw ako matulog sa kanila.


Ok naman ang simula. Nandun kami sa harap ng bahay nila tapos dumating pa yung tatlo niyang barkada at pinagpiyestahan muna namin ang isang kahong Redhorse. May nagpatak at bumili ng sugo at may bumili naman ng yosi. Kahit isa lang ang kakilala ko, maayos naman nila kong hinarap.

Nung malapit nang maubos ang isang kahon, nakikiramdam na ko kasi parang todo pati na yung pinambili ng mani at sigarilyo. Huling tagay sa akin daw kasi bisita ako na para bang may ibig sabihin.

Dahil sayang naman yung natirang yelo, nagpabili pa ko ng kalahating case pero sa tantya ko eh konting sundot na lang at tamang tahimik na ko. Pagbalik ng bumili, may sabit pang isa daw nilang kumpare.

Sa loob-loob ko eh ayos lang dahil naging lima kami at least mas mabibilis tirahin yung anim na bote. Pagharap ng bagong dating, langya at nagpapahinog na lang pala dahil nakainom na. Pero sige lang sabi ko, maaga pa at pasasaan ba makakasama na sa inuman yung ilalim ng mesa.

Habang umiikot yung baso hindi namin namalayan na nakatakas na pala yung isa. Nagpaalam ng iihi lang, uuwihi na pala.

Ilang tagay pa at eto na, dyadyararan…hindi nako masyadong umeepal sa kwentuhan kahit nagpapalakasan na sila ng bunganga. Isa lang ang ibig sabhihin nun…lasing nako.

Pagbukas ni Pareng Mico ng ika-apat na bote, isang babae ang umeksena…“Hoy Mico alas dose na, wala ka pa bang balak umuwi?” banat ng misis niya. Biglang tayo si Pareng Mico na para bang walang bisita. Ang masama pa, hindi na pala sila dun nakatira sa bahay nila at umuupa na ng apartment.

Nalintikan na, iniwan na ko sa mga taong di ko kakilala.

Kahit mga ngongo na kaming tatlong natira, sige lang hanggang hindi lumalabas ng kusa sa mga bibig yung beer at maning tinira namin. Hindi lang lumabas yung salita sa bibig ko pero gusto kong itanong kung mga adik ba sila?

Hindi nga ako nagkamali.


Kaya pala pumasok sa isip ko iyun eh dahil drugs na ang pinag-uusapan. Mga gusto palang tumira ng otab. Pwera angas pero nung huminto akong mag-drugs eh sinabi ko sa sarili na hindi nako babalik sa bisyong yun (Oo nag drugs ako dati). At napanindigan ko naman.

Kahit anong yaya nila at kahit anong pigil nila sa akin eh sumibat ako kahit halos lumabas na sa ilong ko yung beer.

No choice na naman ako, ayoko namang bumiyahe nang hindi ko alam kung saan ako makakarating. Pagbaba ko ng jeep diretso ako ng istasyon ng pulis, naglabas ng id at nagpakilala na para bang napakatino ko.

“Pasensya na po kayo, taga Bulacan ho kasi ako eh napasobra po ang inom ko, yun naman pong kasama ko eh nagyayayang mag drugs, hindi ko trip yung ganung bisyo eh, pwede ho ba kong mag stay dito hanggang alas singko lang po ng madaling araw?” tangina akala mo kung sino akong mabait na di ko alam kung inuto ako ng mga parak, sige daw, wala daw problema.

Ayun, ang hindi na naman matatawarang karanasan ng kalasingan. Habang natutulog nga ako, naalimpungatan pa nga ako, pagdilat ng mata merong isang nakaposas, duguan ang damit habang kausap ng sarhento de mesa, wala akong pakialam. Sige tulog lang!


®

Thursday, November 13, 2008

Unang Tagay: Nakatulog KNBS Edsa?

Tagay muna!

Tuwing bago mag Pasko nag iinuman kami ng mga barkada ko nung college. Sabi nga nila, at least (sabay dugtong pa ng “kahit papaano’) eh nagkikita daw kami kahit isang beses lang sa isang taon.

Sa isang banda eh tama nga naman. Kahit mga propesyunal na (although ang ilan ay nanatiling taghirap katulad ko) eh may oras pa rin ang HUBAD na magsama-sama para sa mga malayang talastasan…na pwede ring tawaging payabangan, angasan, pataasan ng ihi at minsa’y makinig sa payo ni Pareng Ryan.

Pero sa mga paghaharap namin, ang hindi ko makakalimutan eh noong 2005. Nakatulog kasi ako noon sa isang bahagi ng Edsa. Oo sa Edsa, specifically sa may SM North, dun sa pinaka-kantong tinutumbok ng mga bus na galing Cubao na lumiko mula sa dulo ng MRT. Dun sa pagbaba ng overpass tapos lakad ka ng konti, Nakuha mo na ba kung saan?

Ang malupet pa, madaling araw yun ha, mga mag-aalas tres yun!


Hindi pa ginagawa ang SM City noon kaya sa kantong iyun pa ang dating hintayan ng mga pasahero. Merong mga papuntang Malinta-Monumento, Novalichez, Bulacan, Pampanga at kung saan saan pa. Buhay na buhay ang lugar na iyun kahit ganuong oras.


Sa Newsdesk Café kami uminon noon sa may Scout Madrinan sa Quezon City. Tulad ng mga dating inuman, sa umpisa malinaw pa ang kumustahan at kwentuhan. Pero nang tumagal na, parang nagsisigawan na. Kaniya kaniyang banat habang nawawalan naman ng direksyon ang mga kwento.

Dahil sa Bulacan ako umuuwi, sa umpisa, tinatantya ko yung sarili ko. Pero mahirap iwasan kapag nandiyan nasayaran na ng espirito ang lalamunan. Edi ayun pagkatapos ng tatlong bote, ang kasunod nun eh dire-diretso na. Wala nang pataan!

Natapos siguro kami pasado ala una, maaga pa nga kung tutuusin eh. Hinatid ako Cedie sa sakayan at dun na nga ako naghintay. Sa dami ng rumaragasang bus paliko sa kantong iyun, talagang tinutukuran ko na lang ng tingting ang mata ko kahit alam kong hanggang dulo na ng buhok ko yung tama ng espirito ng beer.

Eto na kamo, mag aalas dos na, hindi pa ko nasasakay at alam ko naman na malamang eh wala na talaga akong masasakyan. Tangina kasi, adik sa inom ayan hehehe.

Ilang sandali pa…wala na surrender na ko.

Lumapit ako sa nagtitinda ng balot at yosi sa mismong kanto na biabanggit ko. Umupo ako sa gutter ng kalsada at nagpa-alam ako sa nagtitinda na iidlip lang saglit. Pagtama ng ulo ko sa tuhod ko, tuluyan nang umikot ang paningin ko hanggang kung saan saan na ko nakarating.

Ramdam ko ang lamig nang hanging dumadampi sa aking balat. Pilit kong hinihila ang kumot nang biglang…isang malaks na busina ang nagpadilat ng mata ko. Pagtingin ko sa relo ko, tangina pasado alas kwatro na. Wala na rin yung magbabalot na pinagpaalaman ko. Di man lang ako ginising?

Di ko alam kung matutuwa ako na nakatulog ako o ano dahil paano na lang kung may nag trip sa akin? Iyun na nga lang, lumipas ang oras ng parang nakapag pahinga ako.

Kasunod na nuon eh yung bus na sinakyan ko pauwi sa amin. Naisip ko lang, hindi naman ako taong kalsada, hindi rin naman ako taong grasa, pero nakatulog na ko sa Edsa. Karangalan yun diba?

Ikaw? Nakatulog ka na ba sa Edsa?


®
marami akong kwentong lasing…merong sa presinto at kung saan saan pa.