Saturday, October 11, 2008
Collectibles
Mahigit dalawang buwan na siguro ang nakakalipas nung may sinunog akong sandamakmak na ticket ng bus. Year 2006 kasi napag tripan kong mangolekta ng ticket ng bus. Di ko alam kung bakit basta napag tripan ko na lang hanggang di ko na napansin na ang dami na pala. Sobrang dami talaga.
Hindi lang yung provincial operation ha, pati yung ticket ng mga mga bus na lumilipad dyan sa Edsa kinolekta ko rin. Pero hindi ako namulot ha baka akala naman nang makakita sa akin eh may baltik ako sa utak. Kailangan yung binayaran ko talaga.
Mas ok yung city operations kasi mas maliit yung ticket tsaka iba-iba ang kulay. Kung baga sa pera hindi lang bebentihin, may Ninoy, may ube, baka nga meron pang dollar hindi ko lang napansin.
Ang maganda naman sa provincial bus, mas mahaba ang papel, tapos may madaming butas.
Buwan yung lumilipas hindi ko pa rin makita yung logic kung bakit ko nga ba kinolekta yun? Hindi naman pwedeng i-display yung mga ticket na yun na ala casino chips na galing sa Las Vegas.
In the first place eh hindi naman talaga collector’s item ang mga lintek na yun. Kalat nga lang eh.
Aha…naisip ko na lang na baka biglang magka promo ang mga kumpanya ng bus. Malay mo magpa raffle sila na susulatan lang ng name, address, contact number and signature yung mga yun at pwede nang ihulog sa drop box.
Yun bang tipong ang mga bus company eh biglang nagkaroon ng CSR o yung tinatawag na Corporate Social Responsibility!? Akalain mo yun, may CSR ang mga haragan ng kalsada?
Hindi naman malayo di ba? Posible namang maisip ng management nila na sa pamamagitan ng raffle promo eh maibabalik nila yung tulong na naibigay sa kanila ng mga pasahero. At dahil gustong gusto nilang magbalik ng tulong sa kanilang mga parokyano, tumataginting na 1.5 million pesos ang first prize.
Aba eh kung saka-sakali llamadong-llamado na ko!
Ang tanong nga lang eh bakit naman nila gagawin yun?
Sabi ni Jonathan, yung kasamahan ko dati sa trabaho gawin ko daw collage. Pagdikit dikitin ko lang daw at pilitin ko na magkaroon ng subject hanggang sa magkaroon ng art. Tapos ipa-frame ko.
Yun ang malaking problema…wala akong ka art-art!
Naisipan ko na lang sunugin at gawing pamarikit yung mga iyun nung nagtaas ng pamasahe at naisip ko na mahigit 50 percent pala ng sweldo ko eh sa pamasahe lang napupunta. (Meaning mataas ang pamasahe o maliit ang sweldo ko?)
At habang patuloy noon ang pagtaas ng presyo ng gasolina, isinaksak ko na lang sa utak ko na yung mga ticket na yun eh katunayan na…katunayan na nakakatulong ako sa transport sector...ganun lang.
Sa totoo lang hindi naging madali ang pagsunog ng mga iyon…ang dami na kasi eh. Nagbabaka sakali pa rin talaga ako na baka magka raffle promo ang Baliwag Transit o kaya yung Victory Liner.
Pero sa ngayon, stop na talaga!
Meron nga lang bago! Nyahaha!
Pag may nakikita akong naiwan na panyo, inaamoy ko, pag hindi mabaho inuuwi ko. Lalabhan tapos gagamitin ko. Aba eh magkano rin ang panyo? Kesa naman magnakaw ako?
Minsan nga pauwi nako nang may makita akong green na panyo habang naglalakad. Ayoko sanang gawin kasi nasa kalsada ako pero sayang. Ooops teka, hinto…tingin sa kaliwa…tapos sa kanan…sabay pulot...swak!
Panalangin ko na lang nun sana walang nakakita sa akin.
Teka pauwi ka na ba? O yung panyo mo baka naiwan mo! Di ko patatawarin yan.
NAKS®
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment